WAGAS NA PAG-IBIG

456 5 1
                                    

Ang puso ko'y nalulumbay
Dahil hindi nakasilay
Kay Carol na minamahal
Kaya ako ay matamlay.

Umibig ba'y sadyang gan'yan?
Ligaya ba ay kay babaw?
Ngunit araw ko ay kulang
'Pag hindi s'ya nasilayan.

Kung siya ay makita na
Ako'y biglang sumasaya
Pati puso'y tumatawa
Ngiti ko ay hanggang tenga.

Kahit ako'y pagtawanan
Hindi ako masasaktan
Umibig ba'y kasalanan
Upang puso ay pigilan?

Unang pag-ibig ko'y siya
Siya lamang walang iba
At wala nang hihigit pa
Kay Carol na sinisinta.

Tunay ang aking pag-ibig
Walang hangganan ang lawig
Kahit ano mang ligalig
Ito pa ri'y mananaig.

Pag-ibig ko ay dalisay
Pagmamahal ko ay tunay
Kaya maging aking buhay
Sa kan'ya ay ibibigay.

At kahit na di suklian
Pag-ibig kong inilaan
Sa kan'ya'y di magdaramdam
Kahit puso ay sugatan.

Lagda
Allan T. Sampang
Pebrero 27, 1995

WAGAS NA PAG-IBIGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon