Anak, wag kang magpapagabi

1.4K 25 5
                                    

Lintek na bata to!

Maghahatinggabi na wala pa rin sa bahay. Ni di man lang sabihin kung nasaang lupalop na sya. Huling natanggap ko lang sa inbox ko ay "Ma, paloadan mo ko."

Tapos ngayon, eto ako. Iiyak-iyak habang nakaupo sa isang sulok. Iba mag-alala ang nanay, lalo na sa mga nag-iisang anak na babae pa man din. At ang nakakatawa pa dito ay di ito maintindihan nga aking sariling anak.

Aba, maga-ala una na at wala pa rin ang bruha. Nakitext ulit sa isa pa nyang kaklase siguro, ang sabi na naman ay "MA PALOADAN MO KO."

Ay talaga naman! All caps pa!

Ang reply ko sakanya: "Punyeta kang bata ka. Asan ka na ba? Ni di ka man lang makaipon pangload mo! Dinagdagan ko na nga baon mo e. Umuwi ka na nga!"

Alas dos, alas tres, hanggang alas syete ng umaga. Walang anak na umuwi sa bahay.

Lunes, martes, hanggang mag-lunes ulit. Walang anak na umuwi sa bahay.

Anak, pasensya ka na kay mama. Binasag ko kasi yung alkansya mo. Nag-iipon ka pala. Yung pera ginastos ko kakapa-photocopy ng picture mo.

Anak, pasensya ka na kay mama kasi di ko naman alam na na-stranded pala kayo nung umulan ng malakas at nahirapan ka sa byahe pauwi.

Anak, pasensya ka na kay mama kasi di ko alam na kailangan mo na pala magpasundo dahil kanina pa may sumusunod sa 'yo.

Dun sa kaklase mong nakitext ka, sabi nya, kung alam lang daw nya sana pinauwi na nya sa 'yo yung cellphone nya.

Anak, pasensya ka na kay mama. Kung alam ko lang, isandaan na kagad ipapaload ko sa 'yo.

Pero aanhin mo na ang load ngayon? Wala naman atang signal sa langit.

Patawad, anak. Sana kahit ikaw man lang magpatawad sa 'kin kasi di ko kaya sa sarili ko. Sana alam mo kung gano nagsisisi ang mama.

Kung alam ko lang.

Ikaw rin pala ang makikinabang sa pension namin ng tatay mo. Pambayad sa inutang na gastusin sa burol mo.

Sabi ko naman kasi sa 'yo di ba? Anak, wag kang magpapagabi.

Anak, wag kang magpapagabiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon