Laro ng Tadhana

27 0 0
                                    


Tagu-taguan maliwanag ang buwan,
Isang gabi nag-usap sa ating tagpuan.
Nagbilang ng sampu, at ikaw ay lumalayo,
Ngunit aking damdamin ay tuluyang itinago.

Labing pitong taong gulang ako nang huli kitang nakita,
Nagtatanong sa sarili, kumusta ka na kaya?
Hindi ko akalain na ang mga laro natin noon,
Ang siyang madarama ko sa paglipas nang panahon.

Pangakong uuwi ka kaya't ako'y naghihintay,
Parang AGAWAN BASE nag-aabang na abutin mo ang aking kamay.
Darating ka pa ba? Upang ako'y sagipin?
Araw-araw, gabi-gabi ito ang aking panalangin.

Palagi nalang akong nakikipaglaro ng HABULAN,
Hinahabol ang araw na nakatulala ako sa kawalan,
Hinahabol ka sa isip ko, 'pagkat lagi kang tumatakbo,
Ang iyong ngiti, paulit-ulit na parang walang dulo.

Tapos naalala ko 'yong LUKSONG TINIK,
Tinik sa puso ko, nalulungkot nanahimik.
Ngunit biglang lumukso, luksong sabik na sabik,
Nang malaman ang balitang bukas na ang iyong balik.

Kaya't paggising ko, gumuhit ako sa lupa kagaya ng larong PIKO,
Isang linyang diretso patungo sa'yo walang liko.
Sa pagsapit ng alas otso nasa tapat na ng bahay niyo,
Kinakabahan, nangangamba at kinatok inyong pinto.

Nang iyong pagbuksan niyaya kitang magPATINTERO,
Hinding-hindi ko na palalagpasin ang pagkakataong ito.
Babantayan kitang maigi, hindi hahayaang mawala,
Ngayon sasabhin ko na, na "mahal kita" aking kababata.

Halu-halong emosyon nang sabihin mong mahal mo rin ako,
Ang sarap sa pakiramdam na para bang lumilipad itong puso ko.
Pataas nang pataas parang CHINESE GARTER ang ligayang ito,
Sana'y wala nang hinto, sana hindi maapakan itong lastiko.

Nagpakilala sa magulang at ikaw ay niligawan,
Opisyal na naging tayo matapos ang ilang buwan.
Naisip kong itanong, kung pwede lang naman?
Maari na bang totohanin ang noong BAHAY-BAHAYAN?

STEP YES, STEP NO, YES! Oo! oo ang sagot mo sa tanong ko,
Kung alam mo lang na kay tagal ko ng minimithi ang araw na ito.
Naguhitan ko nang lahat ng numero sa kalendaryo,
Naghintay sa pag-uwi, nag-abang nang walong taon sayo.

At heto na nga, naayon lahat sa ating plano,
Hinihintay nalang ang araw na ikakasal na nga tayo.
Sabik ako sa ating pag-iisang dibdib mahal,
Sa wakas nagbunga din ang pangungulila ko na kay tagal.

Subalit, biglang sumagi sa isip ko ang POKPOK PALAYOK,
Natapik ang ating larawan, puso'y lumakas ang tibok.
Nahulog ito at nabasag ang salamin,
Natatakot ako, isang masamang pangitain.

Maya't-maya pa tumawag saakin ang iyong inay,
"Iho, huwag kang mabibigla, binawian na siya ng buhay."
P.p.e.ro ba.a..kit? Pa..aa.no? A..a.no po bang nangyari?
Naholdap siya at sinaksak kaninang ala syete.

Kaya pala, kaya pala hindi ka na nakapagreply,
Sana nawala ka nalang ng ilang taon kaysa habang buhay.
Ba't ganito? Napakasaklap namang talaga,
Nababaliw, hindi mahanap ang aliw, napaglaruan ng tadhana.

"Gusto ko sa langit ako mapunta, masaya doon sabi ni mama",
Mga katagang binitawan mo nang tayo'y nagLANGIT LUPA.
Ngayon alam kong nasa langit ka na nga sinta,
Ngunit katawan mo nama'y unti-unting bumabaon sa lupa.

Kaya't heto ako ngayon naglalaro ng TUMBANG PRESO,
Matagal ng tumba ang lata pero 'di pa din ako makatakbo.
Sa ating tagpuan, ako ay nakapreso,
Sa tagpuan na naging libingan ng babaeng mahal ko.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 30, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Laro ng Tadhana (Hango sa mga Larong Pinoy o Larong Pambata)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon