Kamay at Bolpen (One-shot)

2.1K 96 29
                                    

Kamay at Bolpen

Para tayong Kamay at Bolpen.

Ikaw ang Kamay, ako ang Bolpen.

---

Para sa isang guro, magkasama ang kanyang kamay at bolpen sa paggawa ng lesson plan at pag-check ng mga papel.

Sa mag-aaral, magkatuwang ang kanyang kamay at bolpen sa pagkopya ng mga leksyon, paggawa ng mga takdang-aralin, pagsagot sa mga exams, at minsan sa pag-kumpirma kung compatible nga ba sila ng kanyang crush gamit ang FLAMES.

Magkaagapay ang kamay at bolpen ni Manong Traffic Enforcer sa pagtitiket ng mga motoristang lumabag sa batas trapiko. Kailangan rin ni Mamang negosyante ang kanyang kamay at bolpen sa paglista ng mga pangalan ng mga taong nagkakautang sa kanyang tindahan.

At para sa akin.. Ang aking kamay at bolpen ang nagsisilbing instrumento upang maisulat at maibaghagi ko sa iba ang ligaya na dulot mo--sa pamamagitan ng mga kwentong isinulat ko tungkol sa ating dalawa.

Matagal ko nang pinangarap na maging isang manunulat. At unti-unti kong naabot ang aking pangarap sa tuwing nagsusulat ako ng mga magagandang kwentong nabuo ko sa aking utak-- magkahalong realidad at kathang isip.

Hindi mo alam ngunit ikaw ang laman ng aking mga kwento. Noong una ay mga pinapangarap ko lang na mangyari. Ngunit di nagtagal ay batay na ang mga ito sa mga tunay na pangyayari sa pagitan natin-- mula sa panliligaw mo hanggang sa ilang buwan bago kita sinagot. Kasama rin sa mga kwento ko ang mga masasaya at magagandang sandaling pinagsaluhan nating dalawa, kung paano ka maglambing at kung paano mo ako madalas pasiyahin. Oo. ginawa kong inspirasyon ang mismong kwento natin upang makabuo ng iba pang magandang kwento. At dahil doon, madalas marami sa mga mambabasa ng mga kwentong gawa ko--ang kwento natin--ang nagsasabing ang swerte ko raw sayo. Wala silang alam..

Higit pa ako sa mapalad at nabiyayaan.

Sa kwento natin, Ikaw ang Kamay, at Ako ang Bolpen. Ikaw, tulad ng isang kamay, ang parating gumagabay sa lahat ng mga ginagawa ko. Ikaw ang Kamay na nagbibigay ng direksyon sa buhay ko. At Ako, ako ang hamak na Bolpen na buong puso mong iniingatan at inaalagaan. Ako ang Bolpen na instrumento upang maisulat ko ang napakaganda at walang-hanggang kwento nating dalawa.

Akala ko lang pala iyon.

Dahil tulad ng lahat ng pares ng Kamay at Bolpen, hindi tayo nakatakdang magsama habambuhay.

Tulad ng ibang kamay, nagsawa ka. Ikaw, tulad ng kamay, ay napagod. Binitiwan mo ang hawak-hawak mong bolpen at tuluyang nagpahinga. Hindi ko alam kung bakit ka napagod. Dahil ba nangalay ka nang kaka-turo ng direksiyon sa isang katulad ko?

At ako, na tulad ng isang bolpen na iniwan na lamang basta-basta ng kamay na nagmamay-ari sa kanya, ay tuluyan nang nawalan ng silbi at halaga. Ano pa nga ba ang silbi ng isang bolpen na wala namang kamay na gumagamit?

---

Matagal na panahon rin ang ginugol kong mag-isa at nakatiwangwang na. Wala na ang mainit na kamay na nagbibigay pag-asa at nagpaparamdam na ako ay kailangan niya.

At kung saka-sakali man na dumating ang araw na maisipan mong kailangan mo pa pala ako sa buhay mo at balikan ako, naroon pa rin ako sa lugar na kung saan mo ako basta iniwan nang matagal. Ngunit sa pagkakataong iyon, tulad ng isang bolpen na matagal nang iniwan, hindi na ako magsusulat.

Tulad ng natuyong tinta ng bolpen,

Natuyo na rin ang damdamin ko para sayo.

***

Kamay at Bolpen (One-shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon