Auld Lang Syne

59 1 0
                                    


Isang tahimik at malamig na gabi ang kumulambo sa kabundukang naghahati sa dalawang liblib na sitio noong oras na iyon. Umaabot sa buto ang lamig na nararamdaman ni Jon. Yinakap niya ang sarili at ibinalot nang maigi ang suut-suot nitong windbreaker na dala ng kaniyang nanay noong bumisita ito noong nakaraang araw. Mabuti na lang talaga at nakapagdala ng sobrang abrigo, kundi mamamatay siya dito pa lang sa nanunuot na lamig.

Madalas talagang malamig sa kinalalagakan nilang lugar. Matagal na nilang alam ito matapos maglagi na ng ilang beses, ng iba't ibang tagal at ng panahon, sa partikular na parteng ito ng bulubundukin. Nakabanghay kasi ito sa parte ng bulubundukin na hinahampasan ng hanging Amihan mula Oktubre hanggang Pebrero. Kung sa kabilang parte sila ng bundok, pihadong mainit-init doon relatibo kaysa sa kung saan sila ngayon. Ngunit, ito pa rin ang lagi nilang pinupuntahan. Mas mayabong kasi ang mga punong kahoy at mas maraming pupwedeng anihing mga makakaing kabute. Higit pa, mas maigi ring makapagtago rito sa mga panahon ng salakay.

Hindi naman mag-isa si Jon noong gabing iyon. Sa harap niya ay isang naglalagablab na apoy, habang nakapaligid ang init ng halos makakadikit na katawan ng kaniyang mga kasamang may kani-kaniya ring paraan para magpainit. Katabi niya si Harold. Malaking tao si Harold kaya madalas sa ganitong nakakapangatog ang panahon, lumalapit at naghahanap ng init ang kaniyang mga kasama. Pero hindi sa gabing ito, kaya naso-solo ni Jon ang init ng katawan ng kaniyang katabi.

Binasag ni Harold ang katahimikan. Halos pabulong nitong kinausap si Jon.

"Ka Jon, anong iniisip mo?" tanong ni Harold. Hindi malalim ang boses ni Jon—isang hindi maasahang boses mula sa malaking tao.

"Wala. Hindi lang ako makatulog kasi sobrang lamig," sagot ni Jon. "Parang bibiyakin yung mga buto ko sa sobrang lamig kapag natulog ako sa tent mag-isa."

Humilig patalikod si Harold at tumingala sa kakahuyan.

"Grabe. Hindi pala masyadong kita rito yung mga bituin, ano? Halos matakpan sila ng mga dahon ng saleng," sabi ni Harold. "Pero mas marami ka pa rin ditong makikitang bituin kaysa sa syudad, 'no? Kahit na walang tumatakip na saleng, halos wala kang makikitang bituin. Parang kinakain ng ilaw ng syudad yung liwanag ng bituin tuwing gabi."

"Edi, mas maliwanag kung ganun yung ilaw sa syudad kaysa liwanag ng bituin?" pabirong tanong ni Jon. Alam nito ang sagot, ito yata ang huling tanong sa kaniya sa isa sa mga huling exam niya sa unibersidad.

"Hindi," seryosong sagot ni Harold. "Mas malapit ka lang sa ilaw kapag nasa syudad kaya may tendensyang mabulag sa ilaw habang hindi nakikita ang kagandahan ng liwanag ng mga bituin."

Bumalik sa dating puwesto si Harold, "Aakalain mong wala nang mas liliwanag pa sa mga ilaw ng poste ng syudad, pero dadalhin ka lang nito sa ibang parte ng konkretong gubat na ito. Pero ang liwanag ng bituin, kaya kang dalhin sa kasukalan ng gubat, sa matataas na ilog, sa matatayog na kabundukan at sa kung saan man... maging sa kalayaan."

"Saan mo naman nakuha 'yan?" nakatawa ngunit manghang tanong ni Jon.

Kumibit balikat lang si Harold.

"Hindi ko na maalala. Baka napulot ko sa mga nasulat ni Mao. O baka napulot ko lang sa mga tula at mga kuwento ng mga kasamang makata," at saka sumingit ng tanong. "Ikaw ba? 'Di mo ba nami-miss ang syudad?"

"Minsan," sabi ni Jon. "A, hindi pala. 'Yung mga tao sa syudad—mga kaibigan ko, mga magulang ko, mga dati kong kaklase siguro. Pero ang syudad, mismo? Hindi."

"Bakit naman?"

"Tama ka, e. Masyadong nakabubulag ang syudad sa mga kagaya ko. Nakabubulag ang syudad sa mga katulad kong nakita lang ang bituin sa mga libro at narinig lang ang komposisyon ng bituin sa mga diskusyon. Mas masisiyahan kang tignan ang liwanag mula sa mga computer, mga TV, mga billboard kaysa lumayo sa siyudad para makita ang kumukumot na bituin sa langit. Nandiyan lang sa paligid, pero hindi nakikita dahil binubulag, at binubulag ng sarili," sabi ni Jon. "Pasensya na, masyado bang malalim?"

"Kung ako siguro makata, ikaw naman pilosopo. Puwede mo nang tapatan si Marx" pabiro pero manghang sabi ni Harold. Sumagot lang ng tawa si Jon.

"Dito kasi, nasanay na ako sa liwanag ng bituin. Araw-araw ko na itong kasama, lagi-lagi na nitong iniilawan ang daan ko mula sa talon papuntang bahay. Pero masyado yata akong nasanay. Hindi ko na lang itong pinapansin, at hindi tinitignan ang lagay nito sa kalangitan at kung ano bang itinutulong nito sa akin," sabi ni Harold.

"Pero, kasingdami na siguro tayo ng mga bituin sa langit ano? Kahit man lang sana kasingdami ng bituin na nakikita natin," tanong ni Harold.

"Hindi pa. Matagal pa bago natin matapatan ang dami ng mga bituin," sagot ni Jon. "Kung sakali mang maabot natin ang dami ng bituing nakikita natin, ibig sabihin, kumalat na tayo sa buong bansa. Hindi. Sa buong mundo."

"Mas marami pa yatang nagbuwis ng buhay, kaysa bilang natin ngayon, 'no?" tanong ni Harold. Tumingin lang nang maigi si Jon at napatanong din sa isipan. Nasabi na lang niya na hindi naman siguro.

"Pero alam mo, maaabot natin ang dami nila. Kapag nangyari 'yun, magsisilbi tayong ilaw sa mga nasa liblib. Mas magiging liwanag tayo sa ilaw ng syudad. Lalabas sa syudad ang mga nagbabasa ng libro at mga nagdidiskusyon at pag-aaralan ang mga bituin habang dinaranas nila ito gamit ang kanilang mga mata," sabi ni Jon. "Matagal pa bago ito mangyari. Hindi ko rin alam kung maaabutan ko pa ito sa mortal kong pamumuhay, pero balang araw. Balang araw."

"At kung mamatay man tayong nakatingala sa mga bituin, magsisilbi tayong liwanag sa mga natitira pa—katulad kung paano naging liwanag ang mga nauna na sa atin," pagtatapos ni Jon.

"Parang narinig ko na 'yan sa isang kanta," sabi ni Harold, saka kinuha ang gitarang nakasandal sa malapit na puno.

Tumugtog si Harold ng isang pamilyar na tono kay Jon. Auld Lang Syne na nilapatan ng ibang liriko sa Filipino, isang komposisyon at adaptasyong ginawa nila sa isang pagtatanghal, buwan pagkatapos ng una nilang tapak dito.

"Kung sa pag-abot ng 'patas ma'y mawalan ng buhay, ang buhay na kuwento natin ay magsisilbing gabay."

Sabay nilang kinanta ang huling linya. "Sa nayon at lungsod tayo'y bituing nakatanghal, ang buhay na kuwento natin ay magsisilbing gabay."

Sumenyas ang isa sa kanilang kasama, agad na pinatay ang apoy at pabulong na sinabi, "Tambang."

"Mapagpalayang bagong taon, Ka Jon," bulong ni Harold, habang tahimik lang na tumango si Jon.

At dito, nabasag ang katahimikan sa bundok na humahati sa dalawang sitio noong gabing iyon.

###

12/26/17

Auld Lang SyneWhere stories live. Discover now