CHAPTER 03

10.7K 337 26
                                    

NOTE: Medyo nalilito pa ako sa names nila. Haha! Kung may makita kayong nagkapalit na name, icomment niyo lang. Salamat :)


















NAPASINGHAP si Irene nang muli siyang magkaroon ng ulirat. Napabalikwas siya ng bangon at natagpuan niya ang sarili sa isang silid na may amoy na parang nakulob. Nasa isang kutson siya na walang bed sheet. May isang bintana na may grills. Naksarado iyon. Mag-isa lang siya doon.

Napangiwi si Irene nang maramdaman niya ang pagkirot ng kaniyang mukha. Nawalan nga pala siya ng malay nang malakas siyang suntukin sa mukha ni Norman matapos niya itong duraan. Nanghina siya nang makita niya ang kadena sa kaniyang isang paa. Sinundan niya ng tingin ang dulo ng kadena at nakita niyang nakakabit iyon sa isang matabang bakal na nakatayo sa gitna ng silid na iyon. Nakabaon iyon sa sementadong sahig hanggang sa sementado din na kisame. Mas mataba pa sa braso niya ang bakal kaya nahinuha niyang imposibleng mabuwag niya iyon.

Gusto niyang isipin na panaginip lamang ang lahat ng ito, na magigising siya sa kaniyang kama. Ngunit kahit ano sigurong sampal ang gawin niya ay hindi na niya maipagkakaila na totoo itong nangyayari. Ngayon ay nagsisisi na siya kung bakit pa siya naglayas. Kung alam lang niya na mangyayari ito ay nanatili na lang sana siya sa bahay at kinausap na lang niya ang kaniyang nanay.

Tumiim ang bagang ni Irene. Naisip niya na kung panghihinaan siya ng loob ay wala namang mangyayari. Kailangan niyang gumawa ng paraan para makatakas siya dito. Hindi siya makakapayag na magtagumpay si Norman sa kung ano mang binabalak nito sa kaniya!

Marahan siyang tumayo at naglakad papunta sa may bintana. Ramdam niya ang bigat ng kadena sa isa niyang paa kaya medyo nahihirapan pa siyang maglakad. Humawak siya sa grills at inuga iyon.

“T-tulong! Tulungan ninyo ako! Tulong!!!” Paulit-ulit na sigaw ni Irene habang walang tigil na inuuga ang grills. Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi man lang niya iyon magawang maigalaw kahit kaunti. Parang sinadyang gawing matibay ang pagkakagawa ng grills para hindi iyon masira nang basta lang.

Napahinto sa ginagawa si Irene nang bumukas ang pinto. Napalingon siya at nakita niya iyong babae na may maikling buhok.

“Ginawa na rin namin iyan pero walang nangyari. Kahit anong sigaw ang gawin mo, walang makakarinig sa iyo dahil malayo ang bahay ni Norman sa ibang bahay. Kahit anong gawin mong pag-uga diyan ay hindi iyan masisira. Magsasayang ka lang ng lakas… Kaya kung ako sa iyo, tumigil ka na. Ayaw din ni Norman na malalaman o makikita niyang gumagawa tayo ng paraan para tumatakas,” anito sa mahinahong pagsasalita.

Hindi niya ito pinaniwalaan. Muli niyang inuga ang grills at paulit-ulit na sumigaw para humingi ng tulong.

“Kapag gutom ka na, magsabi ka lang. Hindi pa kasi abot sa kusina iyang kadena mo,” sabi pa ng babae at isinara na ulit nito ang pinto.

Noong una’y ayaw paniwalaan ni Irene ang sinabi ng babaeng iyon pero nang halos mapaos na siya sa kakasigaw at sumakit na ang mga kamay niya sa paghawak sa grills ay siya na rin ang sumuko. Nanghihinang napaupo na lang siya sa sahig at napaiyak. Ang kadena naman ang hinila niya mula sa pinagkakabitan nitong bakal pero hindi rin niya iyon nagawang matanggal.

Napagod na siya sa pagsubok na makawala kaya bumalik na lang siya sa pagkakahiga sa kutson. Umuklo siya at niyakap ang sariling tuhod at doon niya itinuloy ang pagluha. Pakiramdam niya kasi ay wala na nga talaga siyang pag-asa na makaalis sa lugar na ito.

Hindi na alam ni Irene kung gaano siya katagal sa ganoong posisyon. Hanggang sa makatulog na naman siya. Nang magising siya ay naramdaman niya ang pagkalam ng kaniyang sikmura. Bumangon siya at parang umiikot ang kaniyang paligid. Gutom na gutom na siya at kailangan na niyang kumain.

ChainsWhere stories live. Discover now