Cupcake

1.2K 41 19
                                    

Hithit, buga..

Hithit, buga..

Hithit, buga..

Kasabay ng mga hiyawan, sigawan, tawanan ang tunog nang pagbabalasa na galing sa baraha. Nakaupo ang nanay mo sa labas, prente at komportable sa pagbabalasa ng baraha sa mesa habang humihithit ng yosi na nakasubo sakanya. Hindi mo maituon nang husto ang iyong isipan sa palabas sa maliit na telebisyon na pinapanuod mo, dahil sa lakas ba naman nang ingay na nagmumula sa tapat ng bahay niyo.

Hinala mo pa nga'y aabutin nanaman sila ng madaling araw dahil sa pagsusugal. Na para bang may lamay na nagaganap sa munting bahay niyo, sa tuwing sasapit na lang ang gabi ay automatikong naglalabasan ang iba't-ibang laki ng mesa at hinihilera ang mga ito sa labas para simulan ang sugalan. Sino ang pasimuno? Walang iba kung hindi ang nanay mo mismo.

Hindi mo mapigilan ang paghaba ng iyong nguso at tuluyang mapasimangot habang nakahiga sa narrang upuan ninyo sa may sala. Lalo mo pang nilakasan ang bolyum ng telebisyon para matabunan ang ingay na nagmumula sa labas. Palagi ka na lamang nagsisi sa pag-uuwi ka sa bahay niyo sa probinsiya sa tuwing katapusan ng linggo. Imbis na makapahinga ka ay naiirita ka lang naman.

Kasabay nang pagbukas ng ilaw sa poste ng kalsada para matanglawan kahit papaano ang daan ay ang pagdami ng taong dumadayo sa inyong bahay. Ang palakas nang palakas na halakhakan na nagmumula sa bibig ng iba't-ibang tao na dumadayo sa inyo para lang makapagsugal. At ang walang katapusang paglikha ng mga kwento, na wala namang kwenta ng ama-amahan mo sa mga kainuman niya.

Pikit sabay hinga nang malalim.



Gusto mo sanang sumigaw nang malakas dahil sa pagkairita, pero panigurado namang wala ring papansin sa'yo kahit pa ang mga nakatambay sa labas. O kahit magwala ka pa ngayon diyan sa inyo ay walang magaaksaya ng oras para pansinin ang iyong kahibangan.

Kahit na kapusin ka ng hinga. Kahit na magtirik ang iyong mga mata. Kahit na mamatay ka pa sa kinahihigaan mo ngayon, wala ka pa ring kwenta. Iyon naman ang palaging senaryo sa tuwing uuwi ka, tanggap mo ng kahit kailan ay hindi mo na mababago iyon. Nakatatak na sa iyo ang pakiramdam na hindi ka kailanman tutugma sa sarili mong pamilya.

Ahh. Ano pa nga ba ang mararamdaman ng isang anak sa labas na tulad mo?

"Ate 'di kapa matutulog?" tanong sayo ng nakakabata mong kapatid na babae. Umiiling ka lang bilang tugon. Maayos naman ang turing niya sayo, talaga lang hindi mo lang gustong sumagot.

"'Di ba maaga kapa bukas? Bukas ang luwas mo sa Manila, 'di ba?" nakuha na niyang umupo sa'yong paanan, huli na nang mapansin mo ito. Tumingin pa siya sayo na parang gusto niyang sabihin na 'kwentuhan mo naman ako'.

"Maganda ba sa Manila? Gusto ko rin mag-aral doon sa school mo sa Manila."

"Try mo muna magexam dito satin, tapos kung gusto mo talaga sa Manila, sige, okay lang. Ako naman magpapaaral sayo, eh," ngumiti ka pa nang matipid. Matipid dahil sa pagkukunwari.

Dahil ikaw ang panganay, na sa'yo ang obligasyon para makapagtapos ang mga kapatid mo. Tutal naman makakahanap ka na ng trabaho pagkanakapagtapos ka sa darating na Marso. Trabahong malaki ang sweldo, hindi katulad ng kinikita mo bilang isang crew sa isang fast food restaurant. Pero hindi mo iyon minamaliit, dahil ang trabahong 'yon ang dahilan kung bakit ka nakapagtapos ng kolehiyo. Kinaya mong sustentuhan ang sarili mo, kaya hindi ka nagaalinlangan na makakaya mo rin iyon para sa kapatid mo.

Ikaw na ang umako sa lahat, sa pag-papaaral, sa gastos sa bahay, sa renta ng bahay, sa tubig, sa kuryente. Pero kahit kailan hindi ang luho ng ama-amahan mo. Kahit kailan hindi pumasok sa kokote mo na may silbi ang lalaking iyan na kinasal sa'yong ina. Uuwi kung kailan niya gusto, nagpapadala lang ng limang daang piso kada linggo.

Patikim ng BuhayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon