CHAPTER 5

1.5K 32 13
                                    

THE WRONG MR RIGHT

By rj nuevas

 

CHAPTER FIVE

 

 

Kapag nakakita kayo ng babaeng naglalakad nang nakangiti at parang wala sa sarili, ako yon. Dahil sa sobrang saya. Dahil kinuha ni Ward ang number ko kay Karen. Dahil ang Mysterious Mr. Right ko ay in love din sa akin.

            In love agad?

            Why not? Choc nut!

            Basta in my pretty little world, in love sa akin si Ward. Wala nang kokontra, please. Basta ako, masaya.

            Naka-smile ako nung nag-backride sa trike. Naka-smile pa rin ako nung bumaba kahit pagtapak ko ay kanal ang natiympuhan ko. Hindi pa rin matanggal ang smile ko kahit tinahulan ako ng aso nila Aling Karing na nauulol na yata. Naka-smile pa rin ako nung mabangga ako ng mga nagtatakbuhang mga bata na kebabaho. Nakaplaster na ang smile ko sa mukha hanggang bahay.

            “Welcom, bakit?” tanong sa akin ng nanay ko.

            “Ano hong bakit?” nakangiti pa rin ako nang nagtanong.

            “Bakit ka ngakangiti?”

            “Hindi naman, a,” sagot ko, pero nakangiti pa rin.

            “Ate, kamukha mo si Joker, yung kalaban ni Batman.” Si Nova yon. Pero hindi ko makuhang mainis sa banat niya.

            “Talaga?” natatawa ko pang sagot. Lalo yatang lumapad ang ngiti ko.

            “Bal, ano ba’ng nangyayari rito sa kapatid mo. Nababaliw na yata.”

            “In love yang si Welcome, nay,” paninigurado ni kuya Bal.

            Siyempre, nagalit si mader. “Totoo ba yon, Carmela?” Pag galit si mader, Carmela ang tawag sa akin. “In love ka? May boyfriend ka na? Aba, ang usapan natin walang boyfriend-boyfriend habang nag-aaral. Ito ngang kuya mo, college na, pero hindi pa naggi-girlfriend. Tapos ikaw, high school pa lang, may boyfriend na. Hindi mo ba narinig yung balita tungkol sa anak ni Parang Lucio? Second year pa lang, nagboyfriend, ayun, nabuntis. O, ano’ng nangyari? Di natigil siya sa pag-aaral. Gusto mo bang mangyari sa iyo yon, ha? Carmela? Hoy, Carmela!”

            Doon lang nawala ang smile ko.

            “Siyempre ho, ayoko! Nay, ano ba kayo? Wala akong boyfriend! Ni wala ngang nanliligaw sa akin.”

            “Nagrereklamo ka na walang nanliligaw sa iyo, gano’n? Gusto mong magpaligsahan tayo ng reklamo? Sige, simulan na natin sa mga reklamo ko. Ako, gumigising ng madaling araw. Ipinagluluto ko kayo. Tapos didiretso ako sa Q-Mart. Hahango ako ng baboy, baka at manok. Tapos dadalhin diyan sa talipapa. Mula umaga hanggang tanghali, nagtitinda ako ng baboy. Nagtataga. Naghihiwa. Pagkatapos uuwi ako para lang kumain. Magpahinga nang konti. Tapos sa hapon, balik na naman sa palengke. Hanggang gabi. Paypay ng langaw. Taga. Hiwa. Pag-uwi ko, ang bahu-baho ko na. Amoy-karne na ako. Amoy-talipapa. Pero hindi ako makaligo dahil pagod ako at baka mapasma ako at mabalda pa tulad nang nangyari kay Aling Dekdek. Ayokong mangyari iyon dahil ayokong maging pabigat sa inyo.”

            At matatapos ang litanya ni Mader sa iyak.

            Na sasabayan ni Nova ng iyak dahil gano’n siya, kapag may nakitang umiiyak, iiyak din. Ayun, duet na ang mag-ina sa pag-iyak.

THE WRONG MR. RIGHT  By RJ NUEVASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon