Pula Ang Sikat Ng Araw

207 7 4
                                    

“Hayun siya, nakaupo sa may bintana…” Itinuro sa iyo ng Mama mo ang iyong Nanang sabay halik sa nguso ng Generoso. Malayo ang tingin ng Nanang habang inuugoy ang sariling tumba-tumba. Wala naman kasing ibang mag-uugoy sa kanya dahil mas gusto ng Mama mo na sunugin ang baga at makitong-its sa kapitbahay kaysa sa masunog ang kaluluwa sa pag-aalaga sa isang uugud-ugod na hukluban. Nakapangalumbaba na naman ang Nanang mo habang tila may ibinubulong sa hangin. Kung minsan, nakararamdam ka ng pagkayamot at kung minsa‟y takot sa kanya sa tuwing kumikilos siya ng kakatwa o nagsasalita nang tila wala sa sariling histerya. Subali‟t natanto mo na darating ang araw at malamang na maging tulad mo rin siya. Isang uugud-ugod na lola na kinaiinisan ng sariling apo, walang puknat na naghihintay sa paulit-ulit na paglubog ng kanyang mga araw sa kanluran, umaasang may darating pang katarungan. Hindi mainit nguni‟t pula ang sikat ng araw.

*****

“Hayun siya nakaupo sa may bintana…” Nakaramdam ka nga ng pagkayamot habang iwi mo ang isang palangganang maligamgam na tubig at isang bimpo. Pupunusan mo ang Nanang, tulad ng nakagawian tuwing umaga.

“Nanang, amin na po‟ng binti n‟yo,” sambit mo sa iyong nuno. Ipinatong mo sa mga palad mo ang mga binti niyang ginagapangan na ng mga ugat na mapipintog kahit pa mukha na ngang tigang at kulang na kulang sa pataba. Lantad ang kanyang gulang sa kanyang humpak at linyadong pisngi habang nakamasid pa rin sa kawalan, subali‟t ngayo‟y humihimig na ng isang malungkot na awitin. Kundiman ‘ata naisip mo. Pagkuwa‟y tumigil siya, tumingin sa kanyang apo.

“Iiwan mo na pala ako,” mahinang wika niya. Nagkatitigan kayo – matagal – malamlam na ang kulay ng mga mata niyang buhay na buhay noon – saka mo iniyuko ang iyong ulo.

“Oo”.

Nakakadugong-taingang katahimikan ang sumunod habang dumadampi sa kanyang kulubuting binti ang basang bimpo. Nambubuyong binagalan ng mga kamay ng orasan ang paghakbang sa bawat segundo, sa bawat minuto. Sa huli‟y „di ka rin nakatiis at binasag mo rin ang kapayapaan.

“Nanang, galit po ba kayo sa „kin?‟ tanong mo.

“Magsisinungaling ang Nanang kapag sinabi niyang hindi. Alam ko‟ng iyan lamang ang tutupad sa mga pangarap mo… natin. Hindi kita pipigilan sa mga plano mo,” pagkasabi‟y tuminging muli ang nuno sa malayo.

Ginising ka ng mayabang na radyo ng kapitbahay. Mga lalaking nagsisigawan na parang mga naka-droga ang tugtog. Mabigat pa ang ulo mo at masakit pa ang katawan mo. Naisanla kasi ng Mama mo ang bagong kutsong pinag-ipunan mo kaya wala kang dahilan para hindi maglatag ng sahig sa semento.

Pero pilit mo pa ring binuhat ang sarili papuntang kusina. Alas-diyes ng umaga noon. Umaasa kang pritong daing at papaitan ang nakahain sa mesa. Nagpigil ang mga kamay mong basagin ang dalawang puting platito (naibenta na rin kasi ng Mama mo ang mga pinggan ninyong minana pa ng Nanang mo sa ina nito.) Isang sandok ng bahaw, isang baso ng suka, at isang platito ng durog na tsitsiryang Japorms ang tumambad sa harapan mo. Nanginginig ang panga mo habang nginunguya ang pinaghalong durog na tsisirya, durog na kaning-lamig, at matabang na suka sa bibig mo.

Nakakadalawang subo ka na nang bumangon ang Mama mo mula sa sahig. Simbilis ng kisapmata ang pag-iwas ng tingin mo sa kanya. Maya-maya‟y nasa harapan mo na siya at sa pag-aakalang kukuha siya ng Japorms sa platito mo, mabilis mong inilayo ito. Pero tahimik lang na kinuha ng Mama mo ang baso ng dalawang kutsaritang Cafe’ Puro sa tabi nito. Kinuha niya ang walang init na tubig sa plastik na baso sa tabi ng baso ng kape, maingat na hinulugan ito ng kape, at ininom.

“Lasing ka na naman kagabi kaya ka nainom agad ng kape, „no?”

Hindi sumagot ang Mama mo. Hindi ka rin naman tumingin sa kanya nang magtanong ka kaya paano mong malalaman kung nairita ba siya sa tanong mo o natawa lang? Patuloy ang pagnguya mo ng kinakain mo. Dalawang kutsara na lang! napansin mo. Sa pagka-inis ay hindi mo na napansing may kamay na dumapo sa platito ng durog na Japorms.

Pula Ang Sikat Ng ArawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon