Sa ilalim ng ulap na nagbabadyang
mawalan ng puting maliwanag ang kalangitan
Ang pagkawala ng liwanag, sumapit'y kadiliman
Katawan at isip ay nagdaramdam ng pagkahapo,
Hapos na dulot ng sakripisyo't katiyagaan
Patungo at pagluwas sa dalawang bayan
Patungong ibang bayan; upang humanap ng karunungan
Para sa amor propio, para sa mithi
Diwa'y ulit nahapo, nahabag, sigla'y pumanglaw
Habang binabagtas ang Kalyeng Diumangat
Mga munting pag-asa'y pakalat-kalat
Tumatakbong may laya, ngunit sarili'y gula-gulanit
Napaisip ang pasibong nagmamasid, ''Sistema ay matatag, O anong habag sa lipunan?''
Hamon ay iniatang sa sarili, pasibo tungong agresibo
Nagpalagay, ''Ano ba ang naging mali, upang maitama?''
Sapagkat musmos pa ang munting pag-asa
Hindi batid agad kung ano ang kamalian
Lipunan ay nanatili sa kasalukuyang kinahitnan
Hamon ay maitama, mabago, pagbabago tungo sa progreso
Tumingala muli ang nagmamasid sa malawak na walang hanggang kalawakan
Hanging Habagat'y umalpas, dama'y saglit na ginhawa
Kahit isang saglit ng ginhawang malayang masaya
Langit ay unti-unting dumilim, kinain ang liwanag ng kalangitan
Insektong ginawarang masama sa ekonomiya
Naging salot sa pasibong nagmamasid
Ang masangsang na amoy na simoy ng hangin
Ang polusyong nakakarimarim sa tainga
Ang paligid na nilisan ng kaayusan
Ang mga taong destruktibong nagpapalagay, nangingimi, tahimik
Walang ginawa--ginagawa, pagbabago'y hinihintay
O habag! Bakit di naimulat?
Pagbabago'y di hinintay, kamatayan lamang ang hinihintay!
Madilim na ang paligid, tuluyan nang madilim
Nagmamasid ay di na sumulat, kadiliman ay naging hadlang
Pagmamasid ay di sapat, kailangan niya ng liwanag