Chapter 2 - Ang Batang Minumulto

201 12 0
                                    

She felt betrayed. Naging sinungaling na naman siya ... at kasalanan ng taong iyon! Napangiwi si Joy sa pagkirot ng pwet. Bukod sa kinuha nito ang kanyang tablet, napalo siya ng kanyang Lola Aina dahil sa panggugulo 'raw' niya.

Half day lang ang sumner class pero bago mag-uwian ay dalawang mga magulang ang sumugod sa school. Inireklamo siya dahil sa insidente, sa bodega nang nagdaang araw at napatawag ang lola niya. Tinakot 'daw' niya ang mga schoolmates. Ikinailing niya ang ideya dahil in the first place, siya ang tinatakot ng apat.

Pa-grade two siya, pa-grade four ang mga bata. Parepareho silang mag-aaral ng Dedicated Heart Kiddie School o DHKS. Pero habang mula nursery ay dito na ang mga schoolmates, bagong transfer lang siya last year. Pangatlong eskwelahan niya ang DHKS mula nang mag-nursery siya.

Nakarinig siya ng katok mula sa labas ng kanyang silid. "Merry Joy?"

Hindi siya sumagot. Pinakiramdaman muna niya kung ang abuela talaga niya ang nasa likod ng pinto. "Huwag ka ng mag-aarte diyan at baka mapalo pa kita."

Ang lola nga niya! Sure na siya sa masungit nitong pananalita. "Hindi po ako nag-aarte, Lola," tugon niya.

"Pupunta akong simbahan," anito. "May prayer meeting kami ngayong hapon at baka gabihin na ako."

Mula sa pagkakadapa sa kama ay naupo si Joy. Na-imagine niya na todo pustura ang abuela. Naka-gel ang maigsing buhok habang naka-white coat at slacks. Malaking babae ang lola niya, mas matangkad pa sa bagong summer class teacher. Sinimangutan niya ang isipin. Sa sinungaling na Ursula na 'yon!

"May pagkain sa mesa," pagpapatuloy ng matanda. "Magmeryenda ka na lang at mayamaya na ay darating na si Nena. Kilala mo na siya, hindi ba?"

Si Nena ay bago nilang katulong. Stay-out ito, tagapagluto, tagapaglaba at tagapaglinis ng bahay. Balak niya ring gawin itong yaya. Napabuntong-hininga siya. Sana ay magtagal ito...

"Kilala ko na po siya, Lola."

"Papasukin mo na lang," bilin nito. "Pero binigyan ko na rin siya ng susi kaya huwag kang magugulat kung may maririnig kang kumakaluskos." Ito naman ang bumuga ng hangin. Galit pa rin sa 'panggugulo' niya. "Huwag mo'ng paandarin 'yang imahinasyon mo at baka ibitin na kita nang patiwarik d'yan. Huwag mo ring tarayan si Nena."

Binelatan niya ang matanda. Malakas ang loob niya dahil hindi siya nito nakikita at naka-lock pa ang kuwarto niya.

Pinagpasensyahan naman si Joy ng mga magulang at pinagbigyan uli siya ng principal. Pero sa susunod, paaalisin na siya ng DHKS. Wala naman siyang pakialam. Sanay na siyang lumipat nang ibang school. Wala rin sa Lola Aina niya. Inisnab nga nito ang mga nagreklamo sa kanya at si Teacher Belle. Ang made-up stories niya ang naging concern nito.

"Hindi naman ako mataray!" saad niya. Feeling matapang pa rin. Mas nasaktan siya sa unang issue at hindi na napigilan ang pagsinghot. "At talagang may multo sa school. Meron din dito. Hindi ka laging naniniwala. Mabuti pa si Mommy -!"

Pinihit ng abuela ang seradura ng pinto niya. "Aba't batang ito! Buksan mo itong pinto. Huwag mong maiikwento sa mommy at baka hindi ko na ibalik ang tablet mo. Marami ng problema ang mommy mo sa U.K. at manganu-po kang bata ka. Matatampal na kita. 'Asan na ba 'yung susi –?"

Pinanlakihan siya ng singkit niyang mga mata. Hala, may susi nga pala! "Sorry po!" sabi niya kaagad, ayaw na masaktan uli. "Good girl po ako, Lola!"

"Naku, kung hindi lang ako huli sa meeting." Narinig niyang humakbang ito papalayo. "Umayos ka, Merry Joy!"

Sa malakas na pagtaklab ng main door nila sa ibaba, itinuon na uli niya ang atensyon sa kirot ng pwet. Hindi niya kasalanan kung nakakakita siya ng mumu! Hindi rin siya gumagawa ng kwento. Ang akala nga niya, may kakampi na siya - si Ursula!

Ito pa lang ang natuklasan niyang nakakakita rin ng multo na tulad niya... at nakuha pang mag-selfie na naroon ang mumu? Hindi ito natatakot, pero sinungaling ito!

"Wala pong multo, Tita Belinda." Klaro pa sa isipan niya ang sinabi nito sa principal na 'tita' pala nito nang araw na lumipas. "Nasira lang po ang door knob kaya hindi makalabas itong bata."

"At ang kalmot?" usisa ng tiya nito.

"Napasabit po sa mga nakalabas na ulo ng pako."

Sa braso niyang natatakpan ng gasa lumipat ang kanyang atensyon. Pako raw?

"Siya ang tunay na sinungaling! Liar!" naibulalas niya at asar na nagtatalon sa ibabaw ng malambot niyang kama. "Liar, ang Ursula na 'yon! Ke tanda-tanda na... Liar! I hate her..."

"Merry Joy?" Natigilan siya sa pagkadinig sa boses ni Nena. Dumating na pala ang bagong kasambahay.

Mabilis na bumaba siya sa kama at tinungo ang pinto para salubungin ito. Balak niya talagang magkulong sa silid hanggang sa may makasama na siya. Sa kuwarto siya naglalagi sa mga pagkakataong naiiwan siyang mag-sa sa loob ng bahay. Pinaka-safe kasi ang kuwarto niya. Hindi roon nagpaparamdam o nagpapakita ang -!

"Merry Joy..." Naging paos ang tinig; tipong pangmatandang mangkukulam ni 'Snow White' na paborito niyang cartoon.

Napatili siya sa gulat, sa pagbubukas niya ng pinto.

Malaki ang nilalang, binabalot ng itim na usok. Nakakulay kape itong bestida. Isang itim na shawl ang nakapatong sa ulo nito, itinatago ang mukha sa aninong dulot nito. Lumaki at nagkaisip si Joy sa ancestral home ng Lola Aina niya. Pero nagsimula lang magparamdam ang aparisyon nang mag-nursery siya.

Isinara niya ang pinto at napaupo nang nakasandig dito. Nakapa niya ang dibdib at napaiyak. Konting segundo lang pero tumatak na sa isipan niya ang kakilakilabot na imahe ng naka-shawl na multo... na inakala niyang si Nena.

"Mommy... umuwi ka na..." naibulong niya sa bukas na bintana ng kanyang silid. Katapat lang iyon ng pinto at nagbibigay sigla ang liwanag nito sa malaking kuwarto niya na pawang antigo ang mga muwebles.

"Umuwi ka na po!" Isinubsob na ni Joy ang luhaang mukha sa mga payat na braso. Alam niya, hindi rin naniniwala sa kanya si Joanna Palad, mommy niya; pero uunawain at poprotektahan siya nito.

[Edited: 091318]

___________

*Image credit: https://www.deviantart.com/meammy/art/yeh-it-s-me-647395547

__________

Chapter 3 - Selfie pa More! (Sunday)

Paki-vote po. Comments and suggestions are appreciated :)

- Maylen

Si Wayna (Published by Bookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon