Isang Sakay Pa-San Antonio

191 8 0
                                    

“Malapit na ba tayo?”

Para ka nang hindi taga-Cavite ngayon kung magsalita. Siyempre dadaan pa 'to sa San Roque. Nasa may palengke pa lang tayo.

Itinatanong mo kung bakit malansa ngayon dito sa Cavite? Oo nga eh. Nasa may checkpoint pa lang tayo, langhap na langhap na natin ang lansa. Aba, kami rin dito nagtataka. Bakit mula McDo sa may Ronquillo hanggang sa Baste, matindi ang lansa. Kumakapit talaga sa damit? Ang sabi-sabi, may naanod daw na patay na butanding sa pampang malapit nga sa McDo. Ang sabi ko, 'Kasi kasagsagan ng Marina. Baka umahon mula sa ilalim ng dagat si Dugong kasama si Pearly Shells at ang mga duglets,' Tinitigan mo lang ako. Alam ko, kurne. Sharing lang.

“Ibang-iba na nga rito 'no?”

Hindi ko alam kung matatawa ako (sa pagpapatay-malisya mong pinalitan na ni Mayor ang dating palengke) o babatukan kita (sa panloloko sa akin at sa sarili mo na isang dekada ka kunong nawala sa Cavite gayong magse-second year college pa lang tayo at mag-iisang taon ka pa lang sa Maynila at Ang daming nagbago ‘no!) Kasora ka talaga!

“Pinatayuan na pala ni Paredes ng bagong palengke, 'no?”

“Hindi ba naabutan mo naman nang ipatayo na ni Mayor 'yan?”

“Hindi ko napansin noon. Ang alam ko lang, naging disyerto ang kaharap ng Chowking at Mercury Drug.”

“Ah... Ok...”

Alam mo pala.

Nabura na ba ng sabi mo nga sa phone ay 'Ang hirap ng term papers namin! Ta’s ‘di ko pa alam kung bakit may term paper kami sa Socio-Anthropology!' ang mga alaala mo ng Cavite? Mahirap ba talaga sa Maynila? Doon din kasi nag-aaral ang Kuya Keith ko. 'Yung iskolar kong pinsan, naalala mo pa?

“Kumusta ka naman sa Maynila?”

Hindi ko nga alam kung bakit hindi ka na lang nag-Accountancy sa Baste. Matalino ka naman. Tapos, lagi ka pang highest sa Math. Muntik ka pa nga noong malipat sa Ezekiel Moreno eh, sa special section. Kinausap ka ni Ma'am Enquito, teacher natin sa T.H.E at adviser natin. Pero sabi mo, ayaw mo. Sa loob-loob ko naman noong hindi pa kita gusto, ayaw mo lang kasing maging average student sa isang klase. Gusto mo, ikaw lagi ang top 1. Malamang 'pag andun ka na, mahihirapan ka lang. Alam ko namang gusto mong ikaw lagi ang bida, ikaw lagi ang magaling. 'Pag andun ka na, hindi na ikaw ang titingalain, hindi na ikaw ang magaling.

Pero inis na inis ka sa 'kin noon kasi hindi mo ako matalu-talo sa English at Araling Panlipunan. Nag-e-88 ka nga at 89 sa mga subject na 'yun pero hindi mo naman madaig-daig ang 90 at 92 ko. Lalo kung nasa first section tayo! Hindi mahihila ang grades ko pababa! Patay ka!

“Ok na ba Math mo ngayon?” sabay hagikgik.

Ewan ko nga ba! Bobo talaga ako sa Math. Hindi puwedeng hindi line of 7 ang grade ko doon. Hindi ba nga, noong second year tayo, lagi ako sa 'yong nagpapaturo sa Math ni Ma‟am Varias? Nakakainis na mga seatwork 'yan! Lagi akong ubod nang baba! Paano, seatwork lang kailangan pang one-seat-apart! Anak ka ng kikiam oh! Tapos lalayo ka, doon ka lang lagi sa may sulok, kasama lagi ang halimaw rin sa Math na si Allen. Mga makasarili kayo! Mga hayok! Sa sarili ko noon, Aba, mga ayaw mamahagi ng nalalaman! Kainin sana ng aso ang mga utak nyo!

“Ewan!”

Masuwerte nga lang siguro ako kay Ma'am Perez sa fourth year paano‟y laging fill the boxes will letters ang quizzes niya para makabuo ng word. 'Yung iba (kasama ka na,) nagko-compute pa para lang mabuo ang word. Ako hindi. Aba, walking dictionary at almanac nga 'di ba ako tulad ng sabi mo! Kaya hayun, bumaligtad ang mundo natin noong fourth year! Ikaw na ang nangongopya sa akin sa Math! Bilog ngang talaga ang mundo!

MANY KINDSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon