MAG-INGAT

18.6K 204 39
                                    

“NASA LIKOD LANG SILA NG PAROLA,” bulong ni Ide sa kasamang sundalong si Toshiro. Tinitigan niya ang kasamahan. Tiningnan niya rin ang mga bihag nila: matatanda, may mga sakit, at karamihan ay mga paslit pa. May binabalak silang malaki para sa lalo pa nilang lumiit na grupo. At alam niyang ayaw man ng mga Pilipinong ito, bahagi sila ng plano.

“Hindi tayo maaaring sumugod, Ide. Nasa Candawid pa si Heneral Mifune. Huwag muna ngayon.”

Bakero! Ano ka ba, Toshiro? Hindi mo ba narinig ang sinabi ng tiktik natin? Mas marami sa bilang natin ang mga Amerikanong nasa loob niyan! Habang tulog pa sila at hindi handa, dapat,  may ginagawa na tayo! Sampung hagisan lang ng granada sa tuktok at pasukan ng parola, puwede na tayong sumugod. Bayonetahin na lang natin isa-isa itong mga taong ‘pinapaligpit na sa atin, wala na tayong problema!”

“Mapaparusahan tayong lahat. Hindi pa nagbababa ng kautusan ang Heneral,” matigas na sabi ni Toshiro.

Nakakunot ang makitid na noong kinuwelyuhan ni Ide si Toshiro. Sa mga mata ni Ide ay tinitigan ni Toshiro ang repleksyon ng mga alipato mula sa siga’. Nadama ni Toshiro ang lamig ng gabi nang itinulak siya ng kasamahan sa matandang puno ng caimito.

“Para ito sa Emperador! Para rin ito sa karangalan ng bansang Hapon,” pabulong nguni’t nanggagalaiting sinabi ni Ide nang biglang napuwing ang mga mata niyang parang nagtaka sa nakita.

“Anong?”

Walang anu-ano’y nakarinig sila ng sigaw ng isang lalake sa may ‘di-kalayuang mga puno ng kawayan. Nagkatitigan sila. Sa isang iglap, halos mag-unahan ang mga paa nilang matunton ang pinanggalingan ng ingay. Pero hindi rin nagpaawat sa pagsabay sa narinig nilang sigaw ang mga kuliglig ng dilim. Sa bilis ng kanilang pagtakbo, sumampal ang nakamamanhid na hanging malamig sa kanilang mga mukha; sumugat sa gilid ng mga mata nila ang mga dulo ng matataas na talahib. Pagdating nila sa kawayanang limang metro lang ang layo mula sa kanilang kampo, tumambad sa kanila ang tulala at nakaupo sa damuhang Pilipino. Basang-basa ng ihi ang pantalon nito at nakatulala. Simbilog ng buwan ng gabi ang mga mata nito sa pagkakadilat. Mabilis ang naging pagsigid sa ilong nila ng naghalong amoy ng alat ng dagat at panghi ng ihi sa hangin.

“Espiya,” galit na napabulong si Ide. Akmang huhugutin niya ang samurai mula sa kanyang tagiliran nang pigilan siya ni Toshiro.

“Huminahon ka muna.” Hinawakan ni Toshiro ang kamay ni Ideng maglalabas ng sandata. Hindi maintindihan ni Ide nguni’t huminahon ang isip niya sa pagdampi ng kamay ng kasamahan. Nilapitan ni Toshiro ang lalaki at inalis ang salakot nito sa ulo. Hindi pa rin matinag sa pagkakadilat ang mga mata nito at halos hindi humihinga. Lumapit si Ide sa Pilipino. Hinila niya ang suot nitong salakot at itinapon sa kakawayanan.

"Magsalita ka, espiya. Ano’ng narinig at nakita mo?!” tanong ni Ide sa lalaki. “Magsalita ka!”

Sinampal ni Ide ang lalaki subali’t hindi ito umimik ni tumingin sa kanya. Lumapit si Toshiro at pinatabi si Ide.

“Ako na,” bulong ni Toshiro. Lumuhod siya sa harapan ng nakatulala pa ring Pilipino, bumuntung-hininga at saka nagsalita sa Waray.

“Ano’ng nakita mo, kaibigan?”

Napatingin si Ide sa kasama. Alam niyang nag-aaral ito ng Waray para makakuha ng impormasyon kung nasaan ang mga Amerikano sa Isla de Batag. Pero hindi dapat ganito katatas mag-Waray ang kasamahan niya nang ganoon kabilis na tila ba walang dugong Hapones. Wala ito ni punto ng isang tiga-Okinawa. Napatingin kay Toshiro ang Pilipino. Sumunod na napatingin ito kay Ide – nagtataka rin at tila nagtatanong kung pareho sila ng pinagtatakhan. Napatingin itong muli kay Toshiro at nagsimulang magsalita.

“Sigbin, mano’! Sigbin!”

Biglang umihip sa kanilang tatlo ang malamig na hangin. Natuyuan ng laway si Ide lalo nang maalala niya ang nakita niyang repleksyon niya sa mga mata ng kasama: nakabaligtad.

Maya-maya’y sunud-sunod na mga yapak ang lumapit sa kanilang tatlo. Naghanda ang mga kamay ng dalawang nagsihawak sa mga samurai sa kanilang mga tagiliran. Nakahinga lang sila ng maluwag nang malamang si Akirang may bitbit na bayoneta ang paparating. Matapos ang dagling pagyuko sa kanilang dalawa, naghalo ang pagbulong at paghangos sa pagsasalita nito.

“Nagpatay na ng ilaw ang kalaban. Nakaramdam ‘ata.”

SIGBINAN (Published in Liwayway Magazine) - Wattpad Tagalog StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon