Mahal ang sabi mo, hindi ako gwapo
Kaya ako’y dagling tumungo kay Belo
Ang kutya mo pa nga, ako’y sintunado
Kaya’t si Cayabyab, kinuhang maestro
Irog ang wika mo, ako’y di matangkad
Kaya’t nagtatalon, Cherifer nilaklak
Ang iyo pang puna, maitim ang balat
Kaya Glutathione, ininom kong lahat
Sinta ang sabi mo, ulo ko’y mapurol
Kaya si Kuya Kim, ginawa kong tutor
Iyo ring nabanggit, sakin ay nabo-bore
Kahit di marunong, i brought “heat on the floor”
Giliw ang bulong mo, ako ay tahimik
Kaya nagsisigaw, nag-amok sa gimik
Naaasar ka rin sa sobra kong bait
Kaya ang panty mo’y pino kong ginupit
Bakit ganun mahal, hindi pa sabihin?
Bakit paasa pa kung ayaw sa akin?
Lagi bang ganito, lahat babaguhin
Makuha ka lamang, lahat ay gagawin?
Kay lupit mo naman sa puso kong aba
Lahat ay ‘binigay, ako ay iniba
Sa kapintasan mo’y pikit aking mata
Putok mo’y tiniis, pagkat mahal kita!
__________________________~~*~~__________________________
Salamat sa panahong iniukol mo sa aking pahina - ito ang nagbibigay dahilan sa akin upang patuloy na sumulat at magbahagi. Sana'y mabasa mo rin ang iba ko pang mga tula at kwento at makalikha ako ng ngiti/luha sa 'yong mukha. Hindi ko sasayangin ang panahon mo. Lubos kong ikaliligaya kung makapag-iiwan ka ng iyong rekomendasyon, puna o anumang reaksyon patungkol sa aking akda.
Nagmamahal,
Sami Bathan de Ramos
BINABASA MO ANG
ANG CHOOSY KONG MAHAL
PoetryAng tao nga naman, masyadong mapaghanap at hindi marunong makuntento, naghahanap ng perpekto, nabubulag sa magagandang mga bagay at nabubulag na rin sa sarili nilang kapintasan. Sana'y magsilbi itong aral sa mga mapili.