Kabanata XLIV: Paalam

83 10 0
                                    

BOOM!

Tumilapon ako sa labas ng kubo. Nanatili akong nakadapa at hindi ko magalaw ang buong katawan ko. Parang temporaryong nablangko ang pag-iisip ko at parang walang malay na nakatingin sa aking mga kasamahan na isa-isang pinapatay ng mga kalaban naming militar. Sa halip na putok ng baril ang aking maririnig kasalukuyan kong naririnig ang huni ng mga kuliglig.

"Asiong!"

Unti-unti kong naririnig na may tumatawag sa pangalan ko kaya't pilit kong inaangat ang kanang kamay ko upang humingi ng tulong. Ayokong mamatay dito. Kailangan pa ako ng mga kaibigan ko.

Naramdaman ko na lamang na may bumuhat sa akin. Kinuha niya ang aking riple at kaagad itong tumakbo mula sa pinaglagyan ko kanina.

Kahit parang wala pa ako sa aking sarili ay naramdaman ko nang isinandal niya ako sa puno. Mahina niyang niyugyog ang magkabilang balikat ko at tinapik-tapik ang pisngi ko.

"Asiong... Asiong..."

Paulit-ulit kong naririnig ang kanyang pagtawag ngunit parang hindi ako makabalik sa aking kamalayan. Parang nabibingi pa rin ako sa lakas ng pagsabog kanina.

"Asiong, nasa kapahamakan tayong lahat!" sigaw nito na tila ba bigla ko na lamang narinig ang sunod-sunod na pagputok ng baril.

Klarong-klaro sa aking paningin si Jonas na para bang kabadong-kabado sa nangyari. Hinahabol niya ang kanyang hininga at mahina niya akong sinuntok sa balikat.

"Sinasabi ko na nga ba't ako na ang magpapahuli," wika nito.

Kinuha ko sa kanya ang aking riple at pinagtawanan ko siya. "Buhay pa naman ako, Jonas. Huwag kang mag-alala."

"Gago," natatawang wika nito. "Sinasabi ko sa'yo, kung mamamatay ka na man lang sabihin mo sa akin, ako na lang ang papatay sa'yo." Biro pa nito.

Nakarinig kami ng mga kaluskos sa may talahiban kaya't agaran naming itinutok ang aming riple do'n.

"H-Hoy, kalma. Ako ito, si Tomas." Sitsit nito sa amin.

Nakahinga nang maluwag si Jonas at ibinaba ang riple.

"Nasaan ang iba?" tanong ko kay Tomas.

Nagkibit-balikat si Tomas kaya't tumingin na rin ako kay Jonas.

"Hindi ko alam. Nagkahiwa-hiwalay tayong lahat." Sabi nito sa akin.

xxx

Ilang minuto na ang lumilipas ngunit hindi pa rin humuhupa ang bakbakan sa pagitan naming mga rebelde at militar. Marami ng mga kasamahan namin ang nasasawi. Masyadong malakas ang pwersa ng mga militar ngayon, pakiramdam ko ay wala kaming ibubuga sa pagkakataong ito.

Kahit pilit pa rin kaming nakikipagpalitan ng bala nina Jonas at Tomas ay hindi ko pa rin mapigilang hindi isipin ang iba ko pang kaibigan. Kamusta na kaya sila? Buhay pa ba sila sa mga oras na ito?

BANG!

Naputol bigla ang aking iniisip. Tinignan ko sila Jonas at Tomas na patuloy na nakikipaglaban. Dapat hindi ako panghinaan ng loob. Dapat hindi ako nag-iisip ng mga ganito. Nandito pa sila Jonas at Tomas, kasama ko pa sila, at buhay pa sila.

Buhay pa rin sina Alex, Marcus, at Martan. Hindi nila hahayaang malupig sila ng mga militar. Matatapang sila at alam kong mabubuhay sila.

Patuloy ako sa pagpapaputok ng baril. Pinapaputukan ko lahat ng sundalo na aking nakikita. Inisip ko ang nangyari sa aking pamilya. Gano'n din ang mangyayari sa kanila.

"Wala na akong bala!" sigaw ni Tomas sa akin.

Kinapkapan ko ang aking sarili. Ang alam ko may nadala akong kalibre kwarenta y singko.

"Heto!" sigaw ko sabay hagis sa kanya ng baril.

Bigla kong naisip na nagsisimula na kaming maubusan ng bala. Nagpalinga-linga ako sa aking paligid. Kailangan ko ng panibagong armas.

"Asiong! Si Ka Tonyo!" sigaw ulit ni Tomas.

Nakita ko si Ka Tonyo na nakahandusay kasama ang iba pa naming mga kasamahan. Gumagalaw pa ang kanyang mga daliri. Buhay pa ito kahit may tama na ng bala.

"Pupuntahan ko siya." Dinig kong sabi ni Tomas. Nakita kong hinawakan siya sa braso ni Jonas na para bang pinipigilan ito kaya't nilapitan ko sila sa kanilang pwesto.

"Nahihibang ka na ba?" asik ni Jonas.

"Ngunit, buhay pa si Ka Tonyo!" sagot naman pabalik ni Tomas.

"Delikado 'yang iniisip mo, Tomas. Kapag lumabas ka dito sa pinagtataguan natin mamamatay ka. Open area ang pupuntahan mo, Tomas." Pagpapaliwanag ko pa sa kanya.

"Buhay pa siya, Asiong! Kailangan niya ang tulong natin!" giit pa nito.

"Mamamatay din siya," segunda ni Jonas. "Naliligo na siya sa sariling dugo."

"Ikaw pala ang hibang!" galit na saad ni Tomas kay Jonas. "Makasarili!"

Kwinelyuhan siya kaagad ni Jonas. "Makinig ka Tomas kung ayaw mong mamatay."

"Handa akong mamatay," giit ni Tomas at hinawakan ang kamay ni Jonas upang tanggalin ito mula sa pagkakahawak sa kanyang damit. "Hindi ako duwag."

"Tomas!" sigaw ko sa kanya nang kaagad itong lumabas sa aming pinagtataguan.

Mabilis niyang tinakbo si Ka Tonyo. Samantala, nagngingitngit sa galit si Jonas habang ako naman ay kabado.

Ngunit kahit gaano pa kabilis gumalaw si Tomas ay mukhang wala siyang swerte. Bago pa niya mahawakan si Ka Tonyo ay mabilis na tumagos sa kanyang ulo ang bala.

Headshot.

Tumumba si Tomas katabi ni Ka Tonyo. Kapwa naliligo sa sariling dugo.

"Tangina! Matigas kasi ang ulo!" galit na saad ni Jonas at sinuntok ang damuhan.

Nakaramdam ako nang paninikip ng dibdib. Naikuyom ko ang aking palad. Pilit na kumakawala ang aking mga luha.

Paalam, Tomas. Paalam kaibigan.

Batang SundaloWhere stories live. Discover now