Babala

27K 485 62
                                    

"Lumapit ka sa'kin, iha. May ibubulong ako sa'yo," agad umayon ang aking kasama. Batid niyang kailangan naming magmadali sapagkat markado ang aming bawat kilos.

Kailangan naming matuklasan ang paraan para makakalabas ng San Isidro at kasunod nito'y matakasan ang mga nagbabadyang panganib na hatid nitong baryo.

Hindi ko alam kung ano ang maaaring mangyari sa'min oras na magpang-abot kami at ang mga tao sa labas. Subalit hangga't maaari ay ayokong magbakasakali, mas makabubuti sana kung kami ay makakaiwas.

Ngunit, paano?

Sa unang pagkakataon mula nung kami ay maligaw, sa wakas ay naramdaman kong may patutunguhan na ang paghahagilap namin ng mga kasagutan.

"Marco," pagtawag sa'kin ni Sarah. "Makakaya pa ba nating makatakas dito?"

Ang totoo'y hindi ko alam. Sa katunayan, pakiramdam ko'y hinihingi mismo ng pagkakataon na itaya ko ang lahat.

Ang mahalaga kasi sa ngayo'y maihatid ni Sarah sa'ming mga kasamahan ang mga kaalamang ibinahagi ni Martha.

Ayoko na ring madamay pa at mapahamak ang mag-ina, kung hindi man talaga namin sila maisasama, kailangan kong gumawa ng hakbang upang hindi sila ituring na traydor nitong kanilang mga ka-baryo.

Sinuri ko ang paligid ng bahay. Tinangka kong bumuo ng plano habang naghahanap ng mga bagay na maaari kong gamiting sandata o pananggalang kung kinakailangan.

"Kakausapin ko sila, kakausapin ko ang aking mga kasamahan. Habang ginagawa ko iyon, pumunta kayo sa kuwarto, may maliit na bintana sa loob na natatakpan ng tabing. Alam na ni Sarah ang gagawin," mungkahi ni Martha.

"Pakikinggan ka ba nila?" aking paglilinaw.

"Bahala na," maiksing tugon ng ginang.

"Sumama na kayo sa'min, pakiusap," pakiusap ng aking kasama.

"Mahaba na ng pinagsamahan ng karamihan sa'min dito, Sarah. Ilang taon... ilang taon na kaming nawawala."

Tumindig ang aking balahibo dahil sa narinig. Bukod dito, nakadagdag kaba rin ang malalim at makahulugang tingin mula kay Martha.

Parang sinasabi niya sa'king marami pa kaming hindi nauunawan.

Matapos nito, niyakap ng ginang ang kanyang anak bago ito naghandang harapin ang kanyang mga ka-baryo. Samantala, kahit mabigat sa kanyang kalooban, nagtungo si Sarah sa maliit na kwartong nabanggit ni Martha.

Sadyang makipot ang loob ng tahanan ng mag-ina. Sa katunayan, pagpasok mo rito ay agad na bubungad sa'yo ang kusina na marahil ay nagsisilbi na rin nilang sala at hapagkainan. Mayroong papag sa kanang bahagi nito, mga kasangkapan sa pagluluto naman sa kabila, at isang lumang lamesita sa bandang gitna. Samantala, sa'king likuran ay naroon ang isang tumpok ng mga panggatong.

"Tumahimik na naman, bakit biglang natigil ang kaguluhan sa labas?" ani Sarah,

Sa loob ng kwarto, napansin ko agad ang tinukoy na trapal ni Martha. Ang tanging pangamba ko sa ngayon, mukhang masyadong maliit ang lagusan upang magkasya kami ni Sarah.

Samantala, saglit kaming nagkatinginan muli ni Martha. Sa pagkakataong ito'y bakas sa kanyang mukha ang kawalan rin ng ideya sa kung ano ang maaaring nagaganap sa labas ng kanyang tahanan.

Malaki man ang naging pinsala sa pinto, halos 'di ko pa rin maaninag ang kabuuan ng mga nangyayari sa kabilang bahagi nito.

Halos walang nangyaring pagkilos sa loob at labas ng kubo sa pagitan ng ilang segundo, hanggang sa may tumawag sa galan ni Martha.

"Martha, ako ito, mahal ko," ani mg lalaki na kasalukuyang kumakatok sa dingding ng aming tinutuluyan.

Mabilis ang kanyang pagkalampag, ngunit hindi marahas kagaya ng kanina.

Tatlong Gabi sa San IsidroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon