Tapang

44.1K 660 132
                                    

Kasabay bumagsak ng pintuan ang kakarampot kong lakas ng loob.

Ito na ba ang katapusan namin?

"Manatili kayo sa inyong kinalalagyan. Kung nais niyo'y pumikit kayo't magtakip ng mga tenga. Hindi sila makakapasok, hindi sa bahay namin," matapang na wika ni Leandro habang akap ang kanyang asawa at nakahalik sa noo nito.

Maliwanag ang sinabi ng lalaki at wala ring bakas ng pag-aalinglangan. Napansin kong sumunod agad ang aking mga kasama, may pagnanais man akong lumingon sa likod ay hindi rin naman gumagalaw ayon sa kagustuhan ko ang aking katawan. Iba ang pakiramdam, hindi ko maihalintulad sa kahit na ano.

Hindi ko alam kung ano ang nasa labas, pero batid kong panganib ang dala nito. Napakalabo ng isip ko at nakakarindi ang pintig ng aking puso. Hindi ko man lamang nga mawari ang kalagayan ng bawat isa sa'king mga kasama.

Alam kong may paparating, ngunit 'di ko alam kung papaano ito haharapin. Kaya't sa huli'y pumikit na lamang ako, tulad ng bilin ni Leandro.

Samantala, batid kong patuloy na may bumabangga sa magkabilang dingding ng bahay. Mahina ma'y labis pa rin itong nakakabahala; kubo lang naman kasi ang aming tinutuluyan. Kung ibabangga ng bagay na iyon ang kanyang katawan nang paulit-ulit ay 'di malayong bibigay rin ang manipis na ding-ding na tanging namamagitan sa'min at sa kanila.

Hanggang kailan ba ito magtatagal? Tama nga ba na manatili kami sa loob ng barung-barong? Ganito lang ba namin haharapin ang aming katapusan? Paano ang mga bata? Kailangan kong makaisip ng paraan upang mapanatili silang ligtas.

Ito kaya ang dahilan kaya tila wala na sa katwiran si Joaqin?

Nagpatuloy ang nakakapanindig-balahibong tagpo... tatlo... limang minuto... higit pa.

Wala akong nagawa, hanggang sa kusang tumigil ang ingay mula sa'king likuran. Gayunman, kumbinisido akong may nakatayo pa ring kung ano mang nilalang sa dating kinalalagyan ng kawayang pinto. Hindi ko alam kung bakit parang siguradong-sigurado ako pero animo'y may nakatingin sa'min, parang maraming mata ang nakatingin sa'ming grupo.

May nagdarasal, may umiiyak, halu-halong emosyon ang naririnig ko mula sa'king mga kasamang hindi ko man lamang matulungan at mapangunahan. Maski sulyapan. Gusto ko mang may gawin, hindi ko naman alam kung ano ang makabubuti para sa'min.

Pinilit kong kumalma. Wala man akong naiintindihan sa mga pangyayari dito sa San Isidro, hindi pa rin ako papayag na ganito lamang ang kahahantungan ng aming grupo.

Sandali pa'y minulat ko ang aking mga mata, agad kong sinuyod ang bahay para maghanap ng ano mang bagay na maaari kong gamiting pananggalang o sandata. Sa isang sulok ng kusina, nakita ko ang isang luma pero mukhang matalas na bolo. Siguro'y pangsibak ng kahoy. Subalit, bago pa man ako makatayo, narinig ko si Leandro.

"Marco, magtiwala ka, ligtas kayo rito. Hindi sila makakapasok."

Matalim ang tinig ng lalaki. Parang ilang beses na niyang pinagdaanan ang mga gabing tulad nito, kahit pa sa asawa niya'y bakas pa rin ang pangamba.

Ang dami kong gustong itanong kay Leandro, pero 'di ko alam kung darating pa ba ang pagkakataon para rito. Gayunman, sa pagkakataong ito ay mas pinili kong magpaubaya.

Sa isang pambihirang pagkakataon, nanawagan ako sa Diyos.

"Tumigil na," bulong ni Sarah.

Sa totoo lang, 'di ko alam kung gaano kami katagal na nasa nakapangingilabot na tagpong iyon. Nang magsalita ang kasama kong babae ay dun ko lamang napansin ang katahimikan na muling pumapaloob sa kubo. Kaya pala agad ko ring narinig ang malumanay niyang tinig.

Tatlong Gabi sa San IsidroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon