iii.

1.6K 102 25
                                    

[C H A P T E R 3]

Dilaw.

"Kunin mo nga 'yung Yellow Pages." Sinabi ni Papa noong naghuhugas ako ng mga plato. Pinunas ko ang mga kamay ko sa aking damit para matuyo ang mga ito, pagkatapos ay nagpunta sa may mesa kung saan nakapatong ang Yellow Pages. Ilang hakbang lang ang layo ni Papa kaya madali ko itong naabot sa kanya. Kinuha niya iyon nang walang imik at binuklat ito.

"Pa," Sabi ko sa mahinang boses.

Nakabaling lang ang kanyang paningin sa Yellow Pages. "O, ano?"

Tinapik-tapik ko ang mga kamay ko sa aking baywang. Huminga ako nang malalim at saka nagsalita. "Ano po kasi... Mamayang gabi makikitulog po ako sa bahay ng kaibigan ko."

Saglit niyang nabitawan ang hawak niya at napatitig sa'kin. Nakakatakot talaga ang kanyang mga mata kaya hindi ako makatingin nang diretso rito. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa pagkatapos ay nangisi. "May kaibigan ka pala sa lagay na 'yan? Hindi alam na bakla ka, ano?"

Dahil dalawang buwan na rin naman ang nakalipas simula noong maging mag-kaibigan kaming dalawa, sinabi sa'kin ni Joel na gusto niya raw akong ipakilala sa kanyang mga magulang. Unang kaibigan niya kasi ako lalo pa't bagong lipat lang siya kaya wala pa siyang naging kaibigan sa eskwelahan niya. Sigurado raw na matutuwa sa'kin ang mga magulang niya dahil mabuti raw akong kaibigan.

Pero, tama si Papa. Hindi nga alam ni Joel na isa akong bakla.

Hindi alam ni Joel na may gusto ako sa kanya.

"Isang araw lang naman po," pagpapaliwanag ko ulit. "Uuwi rin po ako bukas ng umaga."

"Siguraduhin mo lang na bukas ng umaga nandito ka na, kung hindi, malilintikan ka talaga sa'kin."

Napatango ako noon nang ilang beses at napangiti. "Opo, opo." Hindi ako makapaniwalang pinayagan ako ni Papa noon. Halos mayakap ko na nga siya sa tuwa pero mabuti na lamang at napigilan ko naman ang aking sarili. Bumalik ako sa may tapat ng lababo, kinuha ang esponghe, at hinugasan ang mga dilaw na plato na may ngiti sa aking mukha.

***

"Ang laki ng bahay niyo," sabi ko kay Joel na namamangha noong nakatayo na kami sa harapan ng bahay nila. Kulay dilaw ang pintura ng kabuuan ng bahay nila mula sa labas kaya nakaka-engganyo siyang titigan. Sa palagay ko ay nasa tatlong palapag iyon dahil may kataasan ang bahay, at may balkonahe pa. Mayaman nga talaga si Joel.

Nangiti siya sa'kin at niyaya na akong pumasok sa loob. Tatlo ang kotse nila na nakaparke sa may garahe ng kanilang bahay. Noong pumasok na kami sa loob, may isang babae rin na sumalubong sa amin at nakasuot ng dilaw na uniporme. Ngumiti siya sa'kin at ibinalik ko naman ang ngiting iyon.

Kung malaki at maganda sa labas pa lang ng bahay nila Joel, 'di hamak naman na mas maganda pa sa loob nito. 'Yong hitsura ng kanilang bahay, e 'yong kadalasang nakikita ko lamang sa mga palabas sa TV, 'yong bahay ng mga artista o kaya ng mga mayayaman na tao. Maraming mga paintings at vase sa buong bahay, kaya tuloy mukhang museo ito. Malawak ang salas nila at may mga dilaw na sofa kung saan pinaupo ako ni Joel.

"Kukuha lang ako ng meryenda," sabi niya sa akin at saka iniwan ako roon mag-isa.

Napatingin ako sa paligid ng salas. 'Yong telebisyon nila, flat screen at napakalaki. May mga book shelves din sa bahay, tapos may mga picture frames na nakapatong sa isang gabinete. Tumayo ako para tingnan ang mga litrato roon at nakita ko ang mga larawan kung saan may tatlong tao. Isang babaeng maganda, isang makisig at matangkad na lalaki, at isang batang lalaki na may masayang ngiti. Kahit pala noong bata pa siya ay maganda na talaga ang kanyang mga ngiti. Kung anu-anong mga larawan ang naroroon, kadalasan noong bata pa lamang siya. May isang malaking tropeo rin ang nakapatong sa may gabinete, at maraming mga medal ang nakasabit doon. Nabanggit sa'kin ni Joel na marami siyang mga paligsahan na sinasalihan sa eskwelahan niya noon, maging patungkol sa sports o sa mga beauty pageants at kadalasan, napapalunan niya ang mga sinasalihan niyang kontes.

BahaghariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon