Part 1

55 1 0
                                    


"UMAYOS NGA KAYO! Para kayong mga tuod!" Naiinis na sigaw ni Lai habang naiiritang tinititigan ang dalawang kaklase niyang gaganap sa mga karakter ni Maria Clara at Crisostomo Ibarra, mga tauhan mula sa sikat na nobela ni Rizal na Noli Me Tangere. 


"Magkasintahan kayo diyan! Hindi magtropa o kung ano! Parang nandidiri kayo sa isa't isa eh." dagdag pa ni Lai sabay irap. Napailing na lang si Maica na gumaganap kay Maria Clara at si Jet na gumaganap naman sa karakter ni Ibarra. 


Wala namang kaso kay Maica ang pag-arte pero parang hindi isinasapuso ng kanyang partner na si Jet ang karakter ni Ibarra. Mahirap isagawa ang isang sweet na scene kung parang bitter ang kapartner mo.


"Jet, okay lang na hawakan mo ako. Yakap lang naman eh. Kasama kasi sa script." bulong ni Maica. Tumango lang si Jet at pumwesto na ulit sa lugar kung saan siya magmumula sa umpisa ng scene.


"OKAY! Ready, set, ACTION!." sigaw ni Lai at nagsimula na ulit silang magensayo para sa kanilang play.


--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


"May kulang talaga eh." bulong ni Lai sa sarili habang pinagmamasdan sina Maica at Jet na nag-uusap. "Wala silang chemistry."


Napatingin si Lai sa mga kaklase nilang nanonood ng practice at doon ay nakita niyang sinesenyasan siya ng dalawang kaibigan niya, sina Irah at Karlo. Tinuturo nila ang isa pa nilang kaklase na tahimik lang na nakatingin kina Maica at Jet.



Hindi kaya...?


Tinawag ni Lai si Maica at kinausap. Napangiti siya nang pumayag ang kaklase sa kanyang plano.


--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


"Okay. Change of characters. Maica will be Donya Victorina. Kulang na kasi tayo ng characters." pagaanounce ni Lai sa mga kaklase. Nakita niyang tumango si Maica at lihim namang napangiti sina Irah.



"So sino na ang magiging Maria Clara?" tanong ni Jet. 


"Si Ysah." 


Nanlaki ang mga mata ni Jet at ganoon din naman si Ysah. Tumaas agad ang kilay ni Lai nang makita ang mga reaksyon nila.


"May angal?"tanong ni Lai sabay tingin ng masama kay Jet.


"Wala."

"W-wala." sabay na sagot ng dalawa. Lihim na napangiti si Lai.


"Okay. Memorize the script in 15 minutes, Ysah. Nakita mo naman kung paano ang scene diba? We'll practice it after 15 minutes. Umayos kayo."


Tumalikod si Lai at umalis. Nagkatinginan sina Ysah at Jet at parehong alanganing ngumiti.


"Practice na tayo?" mahinang tanong ni Ysah. Tumango si Jet.



--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


"Okay. ACTION!" sigaw ni Lai.

Nagsimula ang pag-arte ni Ysah at Jet.


"Mabutin naman at naisipan mong dumalaw. Akala ko ay nakalimutan mo na ako." bigkas ni Ysah sabay talikod kay Jet. Parang nakaramdam siya ng kirot dahil noon pa man ay gusto na niya itong sabihin sa binata, ang lalakeng nangako ng pagmamahal pero hindi siya nagawang hintayin at naghanap ng iba.


Naramdaman niya ang pagyakap sa kanya ni Jet at ang pagpatong ng ulo nito sa kanyang balikat.


"Hinding-hindi kita makakalimutan, Maria." mahinang bulong ni Jet. Napapikit ang binata nang matapos siyang bigkasin ang mga salitang iyon.


Bakit ganito ang script niya? Sapul sa puso.


"Ultimong sa panaginip ko ay ikaw ang aking nakikita." pagpapatuloy ni Jet. "Hindi ka kailanman nawala sa isip at sa puso ko. Naaalala ko pang minsan akong pinagalitan ng aking kompesor, sinabi niya sa akin na kalimutan ka na. Ngunit ikaw pa rin talaga ang sinisigaw ng puso't isip ko."



Naramdaman bigla ni Ysa na tila tutulo na ang mga luha niya. Ang mga katagang iyon ang nais niyang marinig mula sa binata mula pa noon, pero ngayon lang niya ito nadinig. Dahil pa sa isang script.


"Totoo ba ang mga sinasabi mo?" bulong ni Ysah sabay harap kay Jet na puno ng pagmamakaawa ang mata. Nanlaki ang mga mata ni Jet at napaiwas siya ng tingin.


"Kahit kailan ay hindi ako nagsinungaling sa'yo. Lalo na't ang lahat ng sinasabi ko ay mula sa puso't isip ako."  Ibinalik ni Jet ang tingin niya kay Ysah.


"Jet..." bulong ni Ysah sabay yuko. Hindi na niya kaya.


"CUT!" biglang sigaw ni Lai na ikinagulat ng dalawa. Natauhan sila at saka lamang nila naalala na nasa gitna nga pala sila ng practice para sa kanilang play. Kapwa sila nadala ng damdamin.


"LANDIAN SCENE YAN! HINDI IYAKAN!" muling sigaw ni Lai.


"Sorry. MagcCR lang ako." mahinang sabi ni Ysah sabay takbo paalis. Napailing si Lai at tinitigan ng masama si Jet.



"Sundan mo. Kayo ang may problema. Ayusin niyo yan." sabi nito at agad namang tumakbo si Jet para sundan ang umalis na kaklase. Napangiti si Lai pag-alis ng dalawa.


"Sana maayos na nila ang katangahan nila." bulong niya sabay ngiti.


--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------



You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 30, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ready, Set, ACTION!Where stories live. Discover now