chapter: 1

228 4 0
                                    

Kakatapos lamang ng misa, binabaybay ng magkakaibigang sina Emily, Mickey, at Esmeralda ang pasilyo palabas ng simbahan.

Ang tatlo ay kabilang sa mga pinaka-huling nagtapos ng high school sa Santa Monica High School, at gaya ng iba, sila ay nanabik rin sa mas malaking mundong kanilang papasukin sa kanilang pagkokolehiyo.

“Hay, nanabik na talaga ako.” Sabi ni Esmeralda, na mas tinatawag ng mga taong nakakakilala sa kanya bilang Esme.

“Ano bang plano mo, Esme?” tanong naman ni Mickey.

“Plano ko maging doktor, pero gusto ko rin maging manunulat.”

“Aba, eh pwede mo namang pagsabayin yun di—”

Biglang naantala ang pagsasalita ni Mickey ng bigla na lamang narinig ng lahat ang napakalakas na pagsigaw ng isang bata mula sa labas ng simbahan.

Dahil sa narinig, lahat ng nasa loob pa ng simbahan ay nagmadaling lumabas upang makita kung ano ang nangyari, at sa labas ng simbahan, nakita nila ang isang batang babaeng umiiyak at sumisigaw na nakaturo sa batong kampanaryo, o tore ng kampana ng simbahan.

Lahat ay natahimik nang una nilang masilayan kung ano ang itinuturo ng mga bata. Lahat ay natakot, nagtaka, at nagimbal.

Sa kampanaryo ng simbahan, nakasabit at dumuduyan pa sa hangin ang isang katawan ng kambing na pinutulan ng ulo, ang dugo nito ay tumutulo pa mula sa tore na tila ba ito ay presko pa, na ang nagsabit nito ay kaaalis lamang bago natapos ang misa.

Di nagtagal ay kumalat ang maraming bulung-bulungan sa paligid ng simbahan, lahat ay may kanya kanyang kwento, haka-haka, at mga komento.

“Sino namang nasa matinong pag-iisip ang gagawa niyan?” sambit ni Mickey, nakakunot ang noo nito sa inis sa nakita.

Si Esme naman ay tinakpan ang kanyang bibig upang pigilan ang sariling maiyak.

“Esme, okay ka lang?” tanong ni Mickey sa kaibigan.

“O-okay lang ako…”

Sa kabilang banda, nang unang beses pa lamang na nakita ni Emily ang masamang tanawin ay nagkaroon na ito agad ng napakasama at napaka nakakatakot na pangitain.

Takot, kaguluhan, dugo, kamatayan…

Hindi malinaw, hindi klaro, walang konkretong mga imahe ang naging pangitain ni Emily, pero isang pigura ang kanyang nakita, isang pigurang nababalot ng kadiliman, at ang tanging mensahe ng pigura ay ang paparating na kaguluhan sa Santa Monica.

Nang matapos ang pangitain ay hiningal si Emily sa kaba, ang puso niya ay tumitibok ng napakalakas.

“E-Emily?” pagtawag ni Mickey sa atensyon ng kaibigan ng mapansin niyang humihinga ito ng mabilis. “Anong nangyayari sa’yo?”

“A-a-ah…wala. Okay lang ako, wag niyo ko pansinin.”

Dahil sa naging reaksyon ni Emily, hindi na napigilang umiyak ni Esme sa takot, at tumakbo ito palayo upang itago ang kanyang pag-iyak.

“O, anong nangyari dun?” sabi ni Mickey. “Tara, sundan natin.”

“S-sige.” Tugon ni Emily.

Naunang tumakbo si Mickey, at nang susunod na sana si Emily ay bigla na lamang itong natigilan. May naramdan ang dalagitang napakaitim at napakabigat na aura sa paligid. Tumitingin tingin si Emily, at nakita niya ang isang napakamisteryoso at kakaibang binata.

Sa ilalim ng isang puno ng mangga sa harapan ng simbahan, nakatayo ang isang binatang lalake, nakasuot ito ng puting damit, at lumang maong. Gaya ng iba, nakatingin din ang binata sa katawan ng kambing. Pero imbis na takot at pagkagulat, ang reaksyon na nakapinta sa mukha nito ay pagkatuwa at pagkasabik. May napakalaki at napakawirdong ring ngiti ang mga labi ng misteryosong lalake.

Hindi makilala ni Emily ang binata. Sigurado ang dalagita na kailanman ay hindi pa niya nakita ang misteryosong binata. Dahil sa kakaiba at wirdong aura ng binata ay, sa kabila ng pangako niya sa sariling di na niya muling gagamitin ang kakayahan niyang iyon, muli, ginamit niya pa rin ito: ang magbasa ng isipan.

Di gaya ng iba, maraming kayang gawin si Emily na pinapangarap lamang ng marami.

Kaya ng 15-anyos na dalagita na magbasa ng isip ng ibang tao kung kalian niya gustuhin, kaya niya ring mahulaan ang mga bagay na nangyari na o mangyayari pa lamang sa pamamagitan ng mga pangitain na dumarating sa kanya.

Pero ang isang kakayahan ni Emily na pinaka-ikinakatakot niya ay ang kakayahan niyang makakita ng mga kaluluwang hindi matahimik. Kahit alam niyang nagagawa niya ito simula nung siya ay maliit pa, hanggang ngayon ay natatakot pa rin siya rito.

Dahil sa napakakakaibang dating ng misteryosong binata ay wala nang napagpilian si Emily kundi basahin ang isip nito, pero nang sinusubukan niya nang pasukin ang diwa ng binata ay bigla na lamang nangyari ang hindi niya inaasahan: siya ay biglang nahilo at bigla ring sumakit ang kanyang ulo, napakapit siya sa pader ng simbahan upang pigilan ang sariling matumba.

Nang tiningnan niyang muli ang lalake ay nakatingin na rin ito sa kanya, ang malaking ngiti sa labi nito ay hindi pa rin nawawala.

“Jerome”, isang misteryosong tinig ang narinig ni Emily.

“Jerome?” napabulong si Emily.

“Emily, halika na! Umalis na tayo dito!” pagtawag ng mga kaibigan kay Emily.

“A-ah, sige, pupunta na ako diyan.”

Muling tumingin si Emily sa kaninang kinatatayuan ng binata, ngunit wala na ito doon, at kasabay ng pagkawala ng misteryosong binata ay ang pagkawala rin ng sakit ng ulo at pagkahilo ni Emily.

Habang naglalakad papunta sa mga kaibigan, napatingin si Emily sa langit, at nakita niya ang buwan sa pinakakakaiba nitong itsura: ito ay kulay pula, na tila ba ay nagbibigay ng babala sa kadilimang paparating sa bayan ng Santa Monica. Hindi nagustuhan ng dalagita ang nasilayan.

PlssVote and Comment :)

and dont forget to Follow me on Twitter and Facebook

Twitter: @Trishallangorin

Facebook: https://www.facebook.com/trishllangorin or TRISH LLANGORIN

Santa Monica : Philippine Ghost storyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon