Walang Iwanan? Pweh!

780 19 10
                                    

Magkasabay kayo ng kaibigan mo na naglalakad sa kahabaan ng Shaw Boulevard. Sinusubukan mo syang patahanin kasi inuuhog na sya sanhi ng kanina pa nyang pag-iyak. Ikaw pa tuloy itong napapahiya sa mga taong nakakakita sa inyo.

         “Lahat na lang. . . lahat na lang sila iniiwan ako!” pagmamaktol nya. “Yung nanay ko sumakabilang bahay. Yung tatay ko tatanga-tanga kaya tuloy namatay! Yung lola ko naman puro mahjong inaatupag. Tapos yung mga kapatid ko, tambay lagi sa bilyaran at arcade! At yung balasubas kong boyfriend, ipinagpalit ako sa pokpok! Wala na talaga akong kasama ngayon. Walang nagmamahal sa akin! Nag-iisa na lang ako. Huhuhu. . .”

         “Hindi ah!” sabi mo sa kanya. “Nandidito lang ako, ako na kaibigan mo! ‘Di kita iiwanan, promise.” Nag-Honesto pose ka pa.

         Inalis nya ang mga kamay nya sa mukha para titigan ka ng kanyang namumulang mga mata. “Utut! Iiwanan mo din ako!”

         “Hindi nga! Promise.” Dalawang kamay na ang pinang-Honesto pose mo.

         Nakaakyat na kayong MRT station sa Shaw Boulevard, nakabili ng ticket, at nakapila na sa southbound side ng station, pero hindi pa rin maubus-ubusan ng luha at pananaghoy itong kaibigan mo. Nasabi mo na nga yata lahat ng pwedeng sabihin para tumahan sya, gaya ng, “’Wag ka mag-alala. Pag-uwi natin mamaya, tulungan kitang maghukay para diretso doon yung lola mo pag-uwi nya.” Pero wa-epek lahat.

         Oo nga’t naaawa ka na sa kanya, at ayaw mong maramdaman nyang nag-iisa lang sya. Pero nakakapeste na talaga sya. Nakakahiya na eh. Pinagtitinginan at pinagbubulungan na kayo ng ibang mga nakapila sa platform.

         “Pa’no ba ‘to?” bulong mo sa sarili habang iginagala ang paningin sa paligid baka sakaling may mahanap kang kasagutan doon. Hinihimas mo ang likod ng iyong kaibigan.

         Nang makita mo ang isa mong kaibigan na nakapila roon sa may kaliwa ninyo, tinawag mo ito. “Joyce!”

         “Uy!” ang tugon. “Ikaw pala ‘yan! Kumusta?”

         “Long time no see! ‘Lika dito mag-usap tayo!”

         “Mabigat ‘tong dala kong bag eh!” sabi nya at nakita mong may malaking bag sa may paanan nya. Mukha ngang mabigat iyon.

         “Sige, punta na lang ako djan!” Nilingon mo ang kaibigan mong umiiyak. “Ano, puntahan ko lang friend ko ha. Saglit lang ‘to. Babalikan kita. ‘Wag kang aalis dito ha.”

         Pinuntahan mo si Joyce at nagkaroon kayo ng pag-uusap. Nagtatawanan at nagpapaluan pa kayo no’n ng mga braso. Nakalimutan mo yung umiiyak mong kaibigan. 

         Maya-maya, dumagundong na ang paligid, indicating na paparating na ang tren, pero hindi pa kayo tapos mag-usap ni Joyce. Pagdaan ng tren, naramdaman mong may tumalsik na liquid sa mukha at damit mo.

         Napatili si Joyce sabay turo sayo. “DUGO! DUGO!”

         Yumuko ka at nakitang may pulang wisik ng mga mantsa sa may manggas ng puti mong T-shirt. Saka mo lang namalayan na may komosyon na sa paligid. Nagsipuntahan ang mga tao sa area ng platform malapit sa pinakaharap ng tren para may usyosohin.

         “Hala friend!” sabi sayo ni Joyce. “Narinig mo ba yun? May nagpasagasa daw sa tren!”

         Binundol ng kung anong kaba ang puso mo at nilingon mo ang spot kung saan mo iniwan yung umiiyak mong friend kanina.

         Wala na sya roon. 

          Punung-puno ng pag-aalala ang mukha mo habang hinihila ka ni Joyce para maki-usyoso rin. Bago pa kayo makalapit doon, nag-ring ang cell phone mo. Kinuha mo ito mula sa bulsa mo sabay tanong, “H-Hello?”

         “Sabi mo ‘di mo ‘ko iiwanan. . .”

Walang Iwanan? Pweh!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon