MISSION 2 : STAY BY MY SIDE Part 1

94 3 1
                                    

"Walking with a friend in the dark is better than walking alone in the light."  - Helen Keller


"Aaron. Ikaw nga." Maluha-luha ang mga mata ni Valerie habang niyayakap siya ng mahigpit ni Aaron. Labing dalawang taon din sila nang huling magkita. Nakakasabik, nakakatuwa at nakakapanibago. Ang dating cute na batang tinuring niyang kapatid ay ngayo'y makisig at matangkad nang binata. Pakiramdam niya tumigil ang oras at ang pag-ikot ng mundo sa mga sandaling nasa bisig siya ng kaibigan.

Hinigpitan pa lalo ni Aaron ang kanyang yakap nang mapansing hindi siya niyayakap ni Valerie. "Valerie, kamusta. Pasensya na...." Napatigil si Aaron nang biglang tinulak siya ng konti ni Valerie matapos tinapik ng malakas sa ulo.

"Valerie?" Tinignan niya ng diretso ang binata sabay taas ng kilay at isang masayang ngiti. "Hoy, bata! Alam mong mas matanda ako ng limang taon sa'yo diba? Ate. Ate Valerie. Hay, tumangkad ka lang ng konti." Lumapit uli si Valerie sa kanya at hinaplos ang buhok nito gaya noong dati.

Kinuha ni Aaron ang kamay ng dalaga at hinala niyang papalapit sa kanya. "Pero parang ang weird na tawagin kitang ate." Ngumiti si Aaron at nilapit lalo ang mukha sa kanyang kaibigan. Sinuri niya ang maliit na mukha nito, "Nanghilamos ka ba, bago lumabas?"

Lumaki ang mata ni Valerie, kinuha ang kanyang kamay sa mahigpit na hawak ni Aaron at nilinis ang gilid ng kanyang mga mata. Totoo nga, may dumi pa. "Hoy, ano ba?!" Pinalo niya ang binata sabay nagtawanan ang dalawa.

"Mukhang na-miss niyo ang isat-isa ah." Natutuwa si Tatay Dong sa reunion ng dalawa.

"Anak, namalengke ka pala. Naku! Okay ka lang ba?" Lumapit ang kanyang ina para kunin ang mga dala-dala ng anak, ngunit naunahan siya ni Aaron.

"Ako na po." Yumuko ang binata sabay ngiti sa dalaga habang kinukuha ang mga pinamalengke at dire-diretsong pumunta sa kusina. Sumunod sa kanya si Tatay Dodong para tumulong.

Sumunod din ang mag-ina "Sandali, magtitimpla ako ng kape. Ito naman kasing si Aaron, ang aga-aga bumisita, ni hindi pa nga kami nakapag-luto."

"Siya nga pala Aaron, paano mo nalamang dito na kami nakatira?" Nagtataka si Valerie kung paanong natunton siya ng kaibigan. Lumipat sila ng Maynila nang walang paalam sa mga kamag-anak o mga kaibigan dahil gusto niyang magsimula ng panibagong buhay. Nawalan na rin siya ng kontak sa mga tao sa lugar nila. "Saan ka ba galing? At paano ka napunta dito?"

Nilagay ni Aaron sa may lababo ang mga pinamalengke ni Valerie at dali-daling tumabi sa dalaga. "Hay, alam mo bang hindi mo pa ako nakakamusta simula nang nagkausap tayo? Hindi mo ba itatanong kung ano na trabaho ko ngayon? O kung anong pinag kaka-busyhan ko?" Nakangiti ang binata sabay kindat sa kausap.

"Hah! Mukhang okay na okay ka naman. Paano ka nga napunta dito?"

"Nakita kita."

"Saan?"

"Sa commercial. Yung shampoo." Tumayo si Aaron sa harap ni Valerie at ginaya ang ginawa nito sa commercial, sabay kanta ng jingle.

Namula bigla ang mga pisngi ng dalaga at sinapak niya ang tiyan ni Aaron.

"Napanood mo rin 'yun." Tawang tawa ang tatay ng dalaga.

Natutuwa naman si Nanay Ding sa ginawa ni Aaron "Diba ang ganda ng anak ko dun, kahit malabo ang kuha."

Umupo ulit sa tabi ng dalaga si Aaron sabay kamot ng ulo. "Tsk. Yung malabo totoo yun. Pero yung maganda~~~ " tinignan muli ni Aaron ang dalagang namumula na ang pisngi. "Ahh, hindi ako sigurado sa maganda."

"Ang sama mo!" Nagtawanan uli ang lahat. "Siya nga pala si Bea, kumusta? Nandito rin ba siya?"

Biglang natahimik si Aaron at yumuko, hindi makatingin ng diretso sa dalaga. "Ah, si Ate Beah? Nasa Amerika pa. Training na siya ngayon, gusto niyang mag-police."

"Hindi siya sumama? Kamusta naman..."

"Siya nga pala, naghahanap ako ng matitirhan ko dito. Tulungan mo akong makahanap ng apartment." Sadyang binara ni Aaron ang mga tanong ni Valerie tungkol sa matalik nitong kaibigan - ang kanyang ate.

"Apartment?" tanong ni Valerie.

"Oo, yung malapit lang dito."

"Maghahanap ka pa ng apartment? Nako! mahihirapan ka, iba dito sa Maynila. Dito ka na lang tumuloy, tutal wala naman si Marco, at kung darating man siya, matutuwa 'yung makita ka." may ekstrang kuwarto sila sa boarding house para sa kanilang anak na nasa Hong Kong ngayon. Naisipan ni Tatay Dong na mas mainam na doon na lamang tumuloy si Aaron.

"Kung ganun, dito po ako tutuloy? May kuwarto pa po para sa akin?" tanong ni Aaron, "Ayos! Saan po?"

Bigla-biglang bumukas ang kanilang pinto at pumasok at tila inaantok pang si Sheena, "Good Morning." Dire-diretso siya sa kusina ngunit napatigil nang makita ang isang bagong mukha. "Haha, may bisita po pala kayo. Sorry!"

"Sheena, halika, sumabay ka na. Ngayon pa kami kakain." tinawag ni Valerie si Sheena para umupo. "Kaibigan ko ito. Matagal na kaming hindi nagkita. Dito na rin siya titira mula ngayon." Kumaway din si Aaron sa kanya.

"Ha?" Umupo na rin Sheena, harap ni Valerie. "Akala ko lady boarders lang pwede? May lalakeng tumawag kahapon nagtatanong, sabi ko bawal ang lalake dito. Sayang! Mukhang sa boses niya, pogi 'yun."

Napangiti si Aaron, mukhang siya ang tinutukoy ni Sheena. "Aaron nga pala."

"Dun siya sa kuwarto ni Marco tutuloy. Huwag kang mag-alala, kung may hiwaga man siyang gagawin, lagot siya sa'kin." Nakangiting sabi ni Valerie sa kaharap.

Sabay-sabay na silang nag agahan at nagkuwentuhan. Kumuha si Aaron ng isang tasa at hinati ang tinimplang kape ni Valerie. "Hindi mo 'to mauubos."

Pagkatapos nilang kumain, si Aaron na ang kusang nagligpit ang naghugas ng pinggan.

Inaayos ng mag-asawang Reyes ang kuwartong tutuluyan ni Aaron. Matagal-tagal ding hindi nakakauwi ang kanilang panganay kaya't naging bodega na ang kuwarto.

"Natutuwa akong makita ulit ang batang 'yon. Nakakaawa diba?" biglang lumungkot ang mukha ni Nanay Ding at napatigil sa kanyang pag-aayos.

Nilapitan siya ng kanyang asawa at niyapos, "Alam ko. Hay! Mabubuting tao ang mga magulang ng dalawang yun. Estudyante natin ang mga magulang nila, at mabubuti silang tao. Sina Viktor at Helen, hanggang ngayon hindi ka-pani-paniwalang nasangkot sila sa droga. Agresibo at palaban na bata si Viktor at medyo pilyo, pero may malakas siyang prinsipyo para sa pamilya at lipunan. Hinding hindi ko matatanggap na makakagawa siya ng mga bagay na ikakasira ng prinsipyo at pamilya niya.

"Sina Andrew at Andrea naman, bigla na lang nawala, hindi man lang sila pumunta para magluksa o kumustahin si Valerie. Matalik silang magkakaibigan, pero paano nila natalikuran ang lahat at umalis papuntang Amerika. Pagkatapos, mababalitaan na lang natin na nalagay sila sa aksidente.

"Minsan talaga hindi mo na alam kung ano ang paniniwalaan mo. Ano ba talagang nangyari sa mga batang 'yun?" mangiyak-ngiyak na rin si Tatay Dong habang naalala ang trahedya. Naaawa siya sa kanyang mga dating estudyante, pati na sa mga naulila nilang anak.

Napatayo sila at napatigil nang may kumatok sa kwarto, binuksan ni Aaron ang pinto dala-dala ang kanyang mga gamit, "Dito po ba ang kuwarto ko 'Prop?" tanong niya sa matandang lalaki.

"Oo, pasensya na ha. Matagal nang walang gumagamit dito, minsan lang umuuwi si Marco. Eh, kung nagpasabi ka sana na darating ka, 'di sana napaayos pa namin 'tong kwarto." nakangiti na ngayon si Tatay Dong habang tinutulungan si Aaron sa kanyang gamit.

"'Prop, ok nga ito eh. Masaya akong makita kayo, lalo na si Valerie. At siyempre kayo din po 'Cher."

"Hay! Itong batang ito, hindi na kami propesor at teacher." ngumiti si Nanay Ding sabay pisil sa pisngi ng binata. "Naku! Naku! Ang tangkad mo na, at ang poging bata. Kung sana lang..." natigil si Nanay Ding, muntik na nitong mabanggit ang mga magulang ng binata. "Ah, siya nga pala..." Kinuha niya ang braso ni Aaron at hinila sa may bintana, sabay turo sa labas. "Diyan ang kwarto ni Valerie, harap mo lang." 

Chegaste ao fim dos capítulos publicados.

⏰ Última atualização: Sep 20, 2016 ⏰

Adiciona esta história à tua Biblioteca para receberes notificações de novos capítulos!

Hinahanap Hanap KaOnde as histórias ganham vida. Descobre agora