X Lines

1.6K 52 58
                                    

Akala ng lahat magkakatuluyan tayo.

Kung ako ang tatanungin, hindi tayo ang ‘perfect match’ na kadalasang nakikita sa mga palabas, pelikula, at libro. Sa katunaya’y una palang, pakiramdam ko, kahit kaunti lang ay hindi talaga tayo nababagay sa isa’t isa. Naisip ko kasing hindi ka papatol sa isang boyish at sigang katulad ko. Ako at ikaw na halos ituring nang anghel sa sobrang bait? Malabo. Di nga kita type eh.

Pero sabi nga nila, “opposites attract.” O kaya naman, sabihin nalang nating ako ang na-attract sa iyo. Halatang-halata namang opposites tayo eh. Nilulon ko pa tuloy mga sarili kong salita. Hindi ko alam papaanong nangyari pero bigla nalang akong nagkagusto sa iyo. Magmula noong araw na nakita kitang bumili ng pagkain sa Jollibee para lang ibigay sa matandang namamalimos sa labas nito, ayun, tinamaan ako ng pana ni Kupido. Corny, pero ewan ko ba. Sadyang madali akong ma-turn on sa ganoong klase ng lalaki. Kahit naman kasi ganito ako, may pusong mamon pa rin naman.

Isang taon rin kitang pinagmamasdan at tinatanaw lang mula sa malayo. Mabuti at pareho tayo ng kurso kaya hindi ako nahirapan, magkaklase rin kasi tayo sa lahat ng majors. Magkaiba man ang mga mundong iniikutan natin, ayos lang. Kuntento na nga ako sa ganoong "relasyon" natin eh, ang kaso, umepal ang kapalaran. Kumbaga sa math, ang dalawang parallel lines, nagkaroon bigla ng point of intersection. Kung papaanong nangyari ‘yun? Nanginig siguro bigla ‘yung kamay nung gumuguhit ng linya.

Cliché na kung cliché pero nakita ko nalang ang sarili kong sumasama sa barkada mo. Nagsimula lahat iyon nang i-grupo ni Miss Monreal ang klase sa walo. Nagkataon namang nagkasama-sama kayong apat na magbabarkada, eh dahil late akong dumating at wala akong ka-grupo, nagpresinta ang kabarkada mong si JM na sa grupo nalang ninyo ako isali. Sa isip-isip ko noon, kinukumbinsi ko ang sarili kong panaginip lang ang nangyayaring iyon. Eh wala, talagang nabigyan ko ng hustisya ang mga katagang "a rose among the thorns".

Ilang araw ang lumipas matapos iyon, nagsimula na kaming ma-chismis na dalawa. Ang galing ngang mang-inis ni Pareng Destiny eh, best friend mo pala si JM. Cliché na naman. Ako, may gusto sa iyo, samantalang sa kaibigan mo ako nalilink. Kung tama ang pag-oobserba ko sa ugali niya, mahilig lamang siya sa mga babaeng babae talaga kung umasta. Hindi sa tulad ko na panay oversized shirt, skinny jeans, at mid-cut na sapatos lang ang porma (na minsan sinasamahan pa ng sumbrerong may tatak na ‘T’). Hindi ko naman makita ang lohika sa pang-aasar nilang iyon sa amin. Siguro dahil sa madalas niyang pangungulit sa akin?

Akalain mo nga naman, ‘di nagtagal, parte na talaga ako ng barkada niyo. Ang problema, ikaw nalang ang hindi ko ka-close. Pakiramdam ko kasi ilang ka sa akin. Pakiramdam ko, ayaw mong nakikisama ako sa inyo. Pakiramdam ko… ayun, pakiramdam ko naiilang rin ako, gawa ng lihim na pagkagusto ko sa iyo. Hindi pa nakatulong ang pagiging sobrang mahinhin mo para sa ugali ko.

Pero alam mo ‘yun? Lalo lang ata akong nahulog.

Bakit kaya gano’n ang tao? Ang hilig umasa kahit alam namang walang pag-asa… Bakit sa tuwing ituturing silang parang espesyal ng isa pa, binibigyan na nila ito ng ibang kahulugan? Iyong mga tipong kaunting kibot lang, may something na agad para sa kanila? Hindi ko maintindihan hanggang ngayon eh. Tao rin kasi ako, at inaamin kong oo, oo umasa ako.

Katulad nga ng sinabi ko, napakatahimik mo kung ikukumpara sa mga barkada mo. Lalung-lalo naman kung itatabi ka sa magulo mong best friend. Alam mo bang gustung-gusto ko talagang makipagclose sa iyo? Pero ayun nga, pinangungunahan ako ng hiya. Sobrang awkward sa tuwing naiiwan tayong dalawa. Problema kasi 'yun ng mga maiingay na tao, awkward talaga sa pakiramdam ‘pag tahimik lang ang kasama. Nakakapanis ng laway. Nakakatuyo ng lalamunan.

Masaya naman ako sa naging improvement ng (so-called) friendship natin makalipas ang ilang buwan. Paminsan-minsan, kinakausap mo na ako at ngini-ngitian. Gayon rin naman ako. At ayun na naman ang makulit na si Kupido, dinoble ang panang nakatarak sa puso ko. Inisip ko tuloy, pumana rin kaya siya sa iyo? Mahirap ka kasing basahin… kaya nga ipinagpalagay ko nalang ang mga bagay-bagay. Mali pala.

X LinesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon