Chapter 2: Broken Family (SAMPLE CHAPTER)

18.4K 442 49
                                    

Chapter 2: Broken Family
Written By: Cristina_deLeon

NANG MAKAUWI si Eden sa bahay ay isa na namang pangkaraniwang eksena katulad ng mga nakaraang araw ang naabutan niya. Nag-aaway na naman ang lasinggera niyang ina at ang ate niyang desperada. At katulad ng palaging mangyari ay siya na naman ang dakilang tagapag-awat ng mga ito. Nagsasabunutan ang dalawa. Ina laban sa anak.
"Wala kang galang na hayop ka! Pagkatapos kitang iere sa mundo, sasagot-sagutin mo lang ako ng ganyan!?" Mangiyak-ngiyak na ang Mama Nita niya.
"Kung gusto mong igalang ka, magpagalang ka! Akala mo ba hindi ko alam? Sa mga kaibigan at kabit mo dinadala lahat ng mga pinapadalang pera ni papa! Pagkatapos aalis ka at iiwan kami rito na nagugutom?!" galit din na sagot ng Ate Sisa niya. Ito ang perfect example ng isang anak na walang galang at respeto sa sarili nitong ina.
"Kung hindi ka makatiis ay lumayas ka! Ang mga anak mo, lahat nandito, bakit hindi ang asawa mo ang habulin mo!? Sana noon pa lang ay ipinalaglag na kitang hayop ka!"
"At sana ay hindi rin ikaw ang naging ina ko! Wala kang kwentang ina! At hinding-hindi ako lalayas dito dahil may karapatan ako sa pamamahay na ito. Bakit? Bahay naman ito ni papa, a? At ikaw, pinulot ka lang niya sa putik!" Patuloy pa rin sa pambabastos si Sisa.
"Hayop kang bata ka! Wala kang utang na loob!" Hindi na nakapagpigil si Nita at sinampal nito ang Ate Siya niya. At ang magaling naman niyang kapatid ay sinabunutan naman ito pabalik.
Hirap naman siyang pigilan ang dalawa dahil mahina nga siya at may pagkalampa. Hindi niya kayang pigilan ang parang dalawang tigre na nagrarambulan sa harapan niya. Natataranta naman siya. Wala pa naman silang kalapit na kapitbahay dahil malawak ang lupang kinatitirikan ng bahay nila. Isolated sa kanila ang bahay dahil kakailanganin mo pang tumakbo nang may kalayuan bago makalabas mula sa loob. Halos wala talagang makakarinig na ibang tao kahit magkaroon pa ng patayan sa loob.
Ang bahay na lang na iyon ang naiwan sa kanila ng tatay nilang hapon na nasa ibang bansa na ngayon at may iba ng pamilya. Lumabas pa siya para humingi ng tulong. Sakto namang may napadaan na baranggay tanod at agad pumasok ang mga ito sa maluwag nilang bahay. Napigilan sa pag-aaway ang dalawa. Iyak nang iyak pa rin ang dalawang bata na sina Joan at Aaron.
Gaya ng inaasahan niya ay dinala nga ng mga baranggay tanod ang dalawa at doon pinagalitan sila ng baranggay captain. Parang eksena sa Face to Face sa Channel 5 ang dalawa habang siya ay tahimik na nakikinig lang. Hindi niya kasing tapang ang dalawa. Sa totoo nga ay para lang siyang naligaw sa pamilyang iyon dahil hindi siya madada katulad ng mga ito.
Nagkaroon ng agreement na kapwa ikukulong pansamantala sa baranggay ang dalawa kung hindi pa titigil sa pag-aaway ang mga ito. Hinatid pa sila ng mga baranggay tanod sa bahay. Kalmado na kahit papaano ang dalawa at nagsiakyatan na sa kani-kanilang mga kwarto nang hindi nagpapansinan.
Siya rin ay pumasok na sa kwarto niya at doon na lang nag-i-i-iyak.
Naalala niya bigla ang puno't dulo kung bakit humantong sa ganoon ang pamilya nila. Naaalala pa niya noon na masaya naman sila dati. Masagana naman ang pamumuhay nila dahil medyo may kaya rin naman sila. Isang singer sa club dati sa Japan ang Mama Nita niya kaya nito napangasawa ang Daddy Hajime nila. Pero kahit na kasal na ang dalawa at may mga anak na ang mga ito ay hindi pa rin ganap na matakasan ng mama niya ang pagiging flirt nito. Hindi ito makuntento sa isang lalaki lang kahit napaka-thoughtful naman ng Daddy Hajime nila dati. Bata pa siya noon pero siya ang madalas na nakakahuli sa panlalalake ng ina niya pero tumahimik lang siya dahil ayaw niyang masira ang pamilya nila.
Pero daddy's girl ang Ate Sisa niya. Nang magdalaga na ito ay nalaman din nito ang pagtataksil na ginagawa ng mama nila. Nagsumbong ito sa daddy nila kaya nag-away at halos magpatayan na ang mga magulang nila. Halos mapatay talaga ni Hajime si Nita noon nang mahuli nitong may kinakalantari itong ibang lalake. Naghiwalay ang dalawa at nag-file ng divorce si Hajime. Bumalik ito sa Japan at iniwan sila ng Ate Sisa niya sa Pilipinas. Nangako naman ito na iiwan ang Phoenix's Temple sa kanila at magpapadala pa rin ito ng sustento dahil mga anak pa rin sila nito pero si Nita ay winawaldas lang ang bawat perang pinapadala nito. Wala itong ginawa kundi ang magsugal at maglasing kasama ang mga kaibigan nitong bad influence. Kaya iyon, nakatira nga sila sa malaki at maluwag na bahay pero salat naman sila sa salapi.
Maganda, maluwag at malaki ang bahay na iyon. May bukal pa nga sa likod ng bahay, e. Iyon ay dahil purong hapon si Hajime, kaya naman japanese style din ang interior design ng bahay na iyon. Religious din ang Daddy Hajime niya kaya naman may mga rebulto at iba't-ibang imahe ni Sidharta Gautama sa bahay na iyon. Dahilan para tawagin na templo ng mga tao ang bahay nila. Noon ay madalas ding dayuhin ng mga dayuhan ang bahay nila dahil kakaiba. Saan ka ba nga naman nakakita ng templo na japanese style sa Pilipinas? Mayroon nga siguro sa ibang bahagi ng Pilipinas pero sa lugar nila ay ito lang ang nag-iisa. Kaya naman sikat ang templo na iyon noon
Naging negosyo rin ng Daddy Hajime niya noon ang bahay dahil may malaking bukal sa likod ng bahay nila. Madalas ay nagbabayad ang mga tao makaligo lang doon dahil pinaniniwalaan din na nakakagaling ng mga may sakit ang sasampa sa bukal.
Bumagsak nga lang ang negosyo na iyon nang iwan na sila ni Hajime. Bata pa siya noong mga panahong iyon at hindi rin magaling sa negosyo si Nita at nagastos pa ang mga pera nito kaya nganga na lang sila ngayon.
Napariwara rin ang buhay noon ng ate niya at nagkaroon ito ng maraming boyfriends hanggang sa mabuntis nga ito pagkatapos nitong maka-graduate sa kolehiyo. Hindi ito pinananagutan ng lalaki kaya dahil doon ay para itong nabaliw na. Ni wala na itong ganang mag-apply ng trabaho para sa mga anak nito.
Nagkaroon ng pangalawang asawa ang ate niya pero isa rin namang batugan kaya nagkaroon din ito ng pangalawa pang anak. Nagkataon pa na parehong lustay ang dalawa kaya kapag may pera ang mga ito ay nauubos din kaagad. Palayas-layas din ang asawa nitong batugan at hindi permanenteng namimirmi sa kanila.
Kaya kapag nagugutom ang Ate Sisa niya ay si Nita ang pinag-iinitan nito. Sinisisi kasi nito ang mama nila kung bakit nagkaganoon ang buhay nito. Anito, hindi naman daw sila maghahanap ng makakain kung hindi umalis ang Daddy Hajime nila. Ang daddy nila na iniwan sila dahil nanlalaki ang Mama Nita nila.
At siya naman ay nagmistula nang nanny ng mga pamangkin niyang sina Joan at Aaron. Wala naman siyang reklamo dahil bukod sa mahilig naman siya sa mga bata ay mahal na mahal naman niya ang mga ito. Pero ang nangyayari kasi ay mas napalapit na ang mga ito sa kanya kaysa sa sariling ina ng mga ito. Kadalasan ay siya rin ang bumibili ng gatas at iba pang pangangailangan ng mga ito dahil madalas ay wala ring pakialam ang ate niya. Galit ito kay Nita pero ito mismo ay hindi rin naman mabuting ina.
Ilang beses na niyang pinagsasabihan ang mga ito dahil concern siya. Pero madalas ay minamasama lang ng mga ito iyon. Minsan nga ay pinagtatangkaan pa siyang saktan kapag nagsasalita siya. Wala naman talaga siyang boses sa tahanang iyon dati pa.
Kaya araw-araw ay wala na lang siyang ibang ginawa kundi ang umiyak. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya sa pamilya nila. Sila-sila na nga lang doon pagkatapos ay gano'n pa. Sila-sila ring magpapamilya ang nagsasakitan at nagsisiraan. Ni hindi siya pinakikinggan ng mga ito kahit pa anong awat niya.
Siya na nga ang nagpapaaral sa sarili niya dahil scholar naman siya. Kahit isang beses kasi ay hindi naman siya nakakatikim ng padala ng papa niya. Para sa allowance niya at baon sa school ay nag-pa-part-time job siya bilang isang writer sa isang sikat na publishing company. Gumagawa siya ng mga nobela.
Makakatulog na sana siya nang makarinig siya ng nag-aaway na naman sa ibaba. Huminga siya ng malalim at pinigilan ang luha. Hindi na ba talaga matatapos ang lahat ng ito?
Pagbaba niya ay nagulat siya. Dahil ang Mama Nita niya ay may dala-dala nang maleta!
"Hindi ko na matiis ang bahay na ito! Lalayas na ako at hindi na ako babalik pa!" umiiyak na sabi ni Nita. May galit sa tinig.
"Sige, umalis ka! Wala ka namang kwentang ina, e! Matutuwa pa ako kapag lumayas ka!" pambabastos pa rin ng tila psychotic na niyang ate.
Hindi na nagsalita ang mama niya at lumabas na ito. Ang mga bata ay nagsisiiyakan na naman at panay naman ang dada ng ate niya kahit ang sarili lang naman nito ang kausap nito. Lumabas siya para sundan ang mama niya.
"'Ma, huwag kayong umalis! Huwag n'yo akong iwan dito! Ayaw ko ring kasama si ate!" paghabol niya sa mama niya.
Kahit ito naman talaga ang may kasalanan ng lahat ay ito pa rin ang pinakamalapit sa kanya sa pamilyang iyon. Ang Daddy Hajime niya ay wala namang pakialam sa kanya kahit noong magkakasama pa sila. Para itong may galit sa kanya na hindi niya maintindihan. Siguro dahil panget siya kaya ang Ate Sisa niya ang paborito nito noon.
Isa sa dahilan kung bakit ayaw niyang maiwan kasama ang Ate Sisa niya ay dahil madalas siyang kinukupitan nito. Alam niya na ito ang madalas magnakaw ng pera niya at kahit saan niya pa itago ang pitaka niya ay palagi pa ring nawawala ang laman. Magaling manghula ang kapatid niya pagdating sa lagayan ng pera. Ang Mama Nita lang niya ang pinaka-nakakausap niya at pumapansin sa kanya sa bahay na iyon kahit papaano.
"Hindi ko na kaya rito, Eden! Mababaliw ako kapag nakasama ko pa ang demonyang 'yon!" pagmamatigas ng mama niya.
"Pero paano po ako? Sasama na lang ako sa inyo!" Tuluyan na siyang umiyak.
"Hindi pwede, Eden. Baka bumalik dito ang tunay mong mga magu--" Bago pa nito maituloy ang sasabihin ay parang biglang nagbago ang isip nito at hindi nito iyon itinuloy.
"Tunay na ano po, mama?" nagtatakang tanong niya.
"Ah, wala! Basta! Hindi ka pwedeng sumama! Hindi pwedeng ang gaga lang na 'yan ang makinabang ng perang ipapadala rito ng papa mo. Baka ibenta pa niya ang templo na ito kapag parehas tayong nawala rito. Kaya hindi pwede, Eden! Kailangan mong bantayan ang bahay na ito!"
"Pero--"
"Wala ng pero, pero! Hindi ka pwedeng sumama, tapos! Magsasama na kami ni Phil. Mas mabuti pa ang ibang tao, may malasakit sa akin. Doon na muna ako sa probinsya."
"Pero mama, mahal ko po kayo. Hindi naman po totoong walang nagmamalasakit sa inyo, e. Kasi nandito pa ako..." Saka siya yumakap dito. Hindi niya kayang may mawala na namang isa sa pamilya nila.
"Mahal din kita, anak. Kung mayroon mang isang bagay na magandang nangyari sa akin sa pamilyang ito ay ikaw iyon, Eden. Alam ko na hindi ako naging perpektong ina pero palagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, anak." Tuluyan na ring umiyak si Nita. Hinigpitan ang yakap sa kanya.
Nang maghiwalay sila ay may nilabas ito sa bulsa nito. Isang necklace.
"Ingatan mo ang kwintas na ito. Kahit ano'ng mangyari ay huwag na huwag mong aalisin sa leeg mo ito," seryosong bilin na ito.
"Para sa akin po? Pero bakit?" nagtataka pa ring sabi niya dahil mukhang mamahalin ang kwintas na iyon.
May kulay pink na bato sa gitna ng pentagram at sa paligid niyon ay may iba't-ibang kulay na mas maliliit na bato sa bawat dulo. Red, yellow, brown, white, at green. Ano ba 'yan. Parang power rangers lang.
Kahit hindi niya alam kung ano ang pangalan ng mga hiyas na nasa loob niyon ay alam niyang mamahalin iyon dahil napapalibutan din iyon ng ginto!
"Huwag ka nang maraming tanong! Basta, hindi mo pwedeng tanggalin ito sa 'yo kahit ano pa man ang mangyari. Dahil po-protektahan ka ng kwintas na ito sa kahit anumang bagay, nagkakaintindihan ba tayo?"
"O-opo." Napipilitang na lang siyang sumagot dahil sa totoo lang ay hindi pa rin niya maintindihan ang lahat.
Wala na rin siyang nagawa nang umalis na ito palayo sa kanya. Kahit anong pagpigil niya na huwag itong umalis ay ito pa rin at ang desisyon nito ang nasunod. Panay ang bilin nito na mag-iingat daw siya at alagaan niya ang templo na iyon. At kung kailan daw ito babalik ay hindi rin daw nito alam.
-----
= II =
ILANG buwan lang ay ang Ate Sisa naman niya ang umalis kasama ng mga anak nito. Noong unang mga buwan lang kasi itong nagpakasasa sa mga pinapadalang pera ng daddy nila. Sa hindi nila malaman na dahilan ay nahinto ang pagpapadala nito ng pera. Nagpapadala sila ng sulat sa address nito pero bumabalik na lang iyon sa kanila dahil lumipat na raw ito ng tahanan kasama ang pamilya nito. Mas lalo namang hindi na makontak ang number nito at lahat ng account nito sa mga social networking sites sa internet ay naka-deactivate na.
Halatang-halata na pinagtataguan na sila nito. Dahil na rin siguro sa kakahingi ng ate niya ng kung ano-ano rito. Kahit kasi na paborito nito ang Ate Sisa niya ay nadismaya rin ito sa kapatid niya dahil nag-anak at nag-asawa ito ng sobrang aga pagkatapos mag-aral.
Dahil doon ay wala na rin daw dahilan para magtagal pa ang Ate Sisa niya sa templo na malaki nga ay wala namang laman. Halos lahat kasi ng gamit nila ay naibenta na nila. Pero nang sinabi nito na ang templo raw ang ibenta nila para raw mapaghatian nila ang pera ay doon na siya nagmatigas sa pagtutol na huwag ibenta ang bahay. Dahil kung pati sila ay mawawala pa roon ay sino na lang ang madadatnan ng mama nila kapag bumalik ito? Kaya kahit ayaw man niyang umalis ang Ate Sisa niya ay wala na rin siyang nagawa nang sumama na ito sa probinsya ng batugan nitong asawa.
Kapit na kapit pa nga ang mga anak nitong maliliit sa kanya na para bang siya ang ina ng mga ito. Ayaw ding sumama ng mga bata sa nanay ng mga ito pero wala rin naman siyang magagawa dahil tita lang siya. Kahit gaano niyang alagaan at mahalin ang mga pamangkin niya, at the end of the day, ang nanay pa rin ng mga ito ang mas may karapatan.
Kaya naman ngayon ay naroon siya sa sala at nakatulalang nagbibilang na lang ng mga butiki sa kisame ng mag-isa. Saturday kasi ngayon kaya wala siyang pasok. Ang ulam niya? Instant cup noodles. Wala na siyang ganang magluto dahil siya lang naman at isa pa ay gabi na rin.
Susubo na sana siya nang bigla siyang makarinig ng isang malakas na pagbagsak sa likod ng bahay. Ang lakas-lakas ng impact niyon kaya parang lumindol din ng konti. Halos mabingi rin siya sa lakas ng pagbagsak ng kung ano'ng bagay sa likod ng bahay niya.
Kinabahan siya. Agad siyang dumampot ng malaking pamalo. Ano iyong bagay na bumagsak? May bumagsak ba na helicopter? Malaki ang likod bahay nila kaya hindi imposibleng mangyari iyon. Mabuti na lang at hindi sa mismong bahay nila tumama kung hindi ay tepok na agad siya.
Dahan-dahan siyang lumabas at pumunta sa likod-bahay. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Ano nga ba ang nakatakda niyang makita? Hindi kaya may bulalakaw na literal na bumagsak? O eroplano talaga?
Nagulat siya nang makitang hindi helicopter ang bumagsak. Malaki ang naging butas sa likod ng bakuran niya. Isang maliit ngunit malakas na pwersa mula sa itaas ang bumagsak sa lupa kaya ganoon na lang kalalim ang pinsalang tinamo ng lupang pagmamay-ari niya.
Lumapit siya at hinintay na mawala ang matinding usok. Napapaubo na siya pero tiniis niya. Pagdilat niya ay nagulat pa siya nang makitang may isang bilog na bagay ang naroroon. May kaliitan iyon pero parang saktong-sakto lamang ang isang tao roon. Parang.. isang spaceship!
Gosh! Totoo ba itong nakikita niya? Spaceship!
Kinusot-kusot niya ang mga mata at kinurot pa ang sarili dahil baka nananaginip lang siya. Pero nasaktan siya kaya ang ibig sabihin ay totoong may spaceship nga sa harapan niya!
True na nga kaya si Kokey?
Kabado man ay lumapit pa rin siya. At mas lalong nadagdagan ang kaba niya nang unti-unting bumukas ang pintuan ng spaceship.
Hinanda niya ang sarili at napalunok. Kung totoong malaking halimaw ang lalabas sa loob katulad ng tumatakbo sa isip niya ay lalaban pa rin siya kahit alam niyang imposibleng makapalag siya dahil ang mga tao nga na katulad ng mama at ate niya ay wala siyang nagawa eh, alien pa kaya?
Pero nandito na ito. Nangako na siya sa ina na po-protektahan niya ang templo kahit pa mamatay siya kaya gano'n ang gagawin niya. Ipaglalaban niya ang templo kahit pa kanino!
Ang malas lang niya. Mamatay siya na isang virgin at hindi man lang nakakatikim ng isang halik mula sa isang lalaki. Ay, ano ba itong naiisip niya? Mamamatay na nga lang siya ay may gana pa siyang maglandi!
Hanggang sa tuluyan na ngang bumukas ang spaceship. Sobrang kapal pa rin ng usok na lumalabas mula roon. At nang lumabas ang nasa loob ay hindi isang halimaw ang nakita niya kundi isang lalaki na duguan!
Agad siyang lumapit. Baka kailangan nito ng tulong dahil hirap na hirap na itong maglakad palabas. Tumakbo siya palapit dito at doon ay nawalan nga ito ng malay at natumba pa ito sa kanya! Nasalo niya ito pero pareho lang silang natumba! Pero naaamoy niya ang lalaki. Mabango ito. Ito na nga kaya ang kasagutan sa matagal na niyang dasal? Isang prince charming?

- TO BE CONTINUED...

You may follow me at my social media accounts below:

http://www.wattpad.com/user/Cristina_deLeon
https://www.facebook.com/cristinadeleonwppage/
https://twitter.com/lady_phoenix16
IG - lady_phoenix16
ASK.FM - http://ask.fm/LadyphoenixWattpad

A House Full of Alien Hunks (Published Under Dreame App)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon