CHAPTER 2

106 2 1
                                    

CHAPTER 2

Gaya sa anumang sport, meron din namang time out at commercial break.

Sa dahilang di ko mawari, bigla na lang nagleave si sir Leo. Dalawang subjects ang tinuturo niya sa amin, Filipino at Values. Yung values class sinalo ng isa sa mga lumang teachers namin. At yung Filipino naman napunta sa isang bagong substitute teacher, si Ms. Aroel.

May pagkalibrarian na mahilig magbasa ang dating ni mam. Maliit, kayumanggi at mahaba ang buhok na may nunal sa bandang kaliwa ng ilong.

Unang araw ni mam.

Ramdam ang tensyon pagpasok nya ng room.

Hindi dahil nakakatakot o terror siya. Actually, tensyonado siya. Nang mga panahon na yun, alam ko na nasense din ng buong klase ang kaba na meron siya. Isang bagay na dapat malaman ng mga guro ay ang lakas ng pang-amoy ng mga estudyante sa kaba ng teacher, lalo pag bago ito. Para silang mabangis na aso. Pag mas takot at kinakabahan ka na, dun ka pa lalong hahabulin at kakahulan.

Ganoon nga ang nangyari.

Inulan ng sang-damakmak na tanong si Ms. Aroel. Iwasan man nya ang kada patak ng ulan, siguradong meron pa ring tatama sa kanya. Matapos ang isang oras ng pagkaka-upo ni mam sa hot seat, nagring na din ang bell. Saved by the bell.

Kinabukasan, dumating si mam na handa sa anumang tanong na ibabato namin sa kanya.

Simula pa lang ng klase entrada na niya “Bibigyan ko kayo lahat ng oras magtanong bago matapos ang klase kaya ipunin nyo lang ang mga tanong niyo.”

Aba confident.

Bago natapos ang klase, ang dating ulan ng tanong ay naging bagyo na. Sukat ba namang sabihan niya kami na ipunin ang mga tanong.

Pero sabi ko nga, this time naghanda na siya.

Wala siyang nasagot sa mga tanong namin. Pag hindi na niya alam ang sagot sa tanong sasabihin na lang niya “I will research on that”, tapos kinabukasan na niya sasagutin.

Sa loob ng mahigit isang buwan ganun lang ang flow ng klase namin sa Filipino.

Gawa siguro ng pagkabato, o kawalan na din ng excitement sa klase, nagtrip ang mga kaklase ko. Di ko na maalala kung kasama ba ko sa mga nagplano (maghuhugas kamay na lang ako).

Bago dumating si mam sa klase, may naglagay ng WATUSI sa ilalim ng mga upuan sa room. Bakal ang paa ng bawat upuan.

(Lahat nakatayo)

Good Moooooooooooooorning Ms. Arooooooooooooeeeeeeeeeeeeeel!

Hindi ko alam kung bakit pero ganyan talaga kami nag-gigreet araw-araw. Tsaka lang kami mauupo pag pinaupo na ng teacher.

Sabay-sabay naupo ang lahat.

Sabay-sabay ding nagputukan ang WATUSI.

Tumawa ang bullies.

Naiyak naman si mam.

Siguro nga nasa huli ang pagsisisi. Di man kami nagsisi sa pagkakaiyak ni mam, pinagsisihan naman namin ang mga sumunod na nangyari.

 Wala pang isang linggo matapos ang insidente, nagresign na si Ms. Aroel. Hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon magsorry at magexplain.

Panandaliang nagkaroon ng katahimikan sa klase. Dala na rin siguro ng guilt na nararamdaman ng mga may kagagawan. Ang hindi alam ng lahat, matapos ng katahimikan ay may darating na bagyo.

Matangkad, payat, at mukang matandang dalaga si Ms. Tan. Siya ang pumalit kay Ms. Aroel. Tawag ko sa kanya: ang substitute ng substitute teacher sa Filipino.

Unang araw pa lang niya ay nagset na siya ng house rules. Sa dahilang di ko maipaliwanag, hindi namin nakuhang sindakin siya gaya ng ginawa namin sa dating teacher. Di gaya ni Ms. Aroel, intimidating at sophisticated si Ms. Tan.

Uso pa ang corporal punishment nun.

Ang mga usual latecomers ng klase ay mistulang nag gym. Sa loob ng isang linggo ay nagsimula ng madevelop ang muscles nila sa legs kaka-pumpings.

Kung dati ay pinauulanan namin ng tanong ang teacher, ngayon kami na ang umiiwas sa ulan.

Sa kabila ng pagiging terror niya, bihasa siya sa subject na tinuturo niya. At dahil dun, wala kaming laban sa kanya.

Araw-araw, sa tuwing matatapos ang discussion ay sisimulan na ni Ms. Tan ang pagtatanong.

“ ANO ANG MASASABI NIYO SA ISTILO NG PAGSULAT NA GINAWA NG MAY AKDA?” tanong ng guro habang naglalakad paikot ng klase na parang leyong humahanap ng makakain. Kami namang takot makain, isa-isang nagsisipaglubugan sa kanya-kanya naming upuan.

Tulad ng pagkaka-amoy namin dati sa kaba ni Ms. Aroel, naamoy din ni Ms. Tan ang kaba at takot ng mga batang walang isasagot sa recitation.

“Gusto kong marinig ang opinyon ni Jomar.” Sabi ng guro na kasalukuyang nakatalikod sa klase. Sa tuwing ibang pangalan ang mababanggit ay para akong nabubunutan ng tinik sa dibdib.

“…mam?”

“GANYAN BA ANG PAGSAGOT? TUMAYO KA JOMAR.”

“…” natamemeng sagot ni Jomar.

“SIGE JOMAR TUMAYO KA LANG KUNG WALA KANG MAISASAGOT.” Pautos na sagot ng gurong agad nang humanap ng susunod na bibiktimahin.

Maswerte na ang sinumang patatayuin lang ni mam. Kadalasan kasi ay may hawak na tag-tatlong libro sa magkabilang kamay ang mga pinapatayo niya. Minsan pa sa labas ng room tatayo.

Araw-araw kaming nakikipagsapalaran tuwing klase namin kay Ms. Tan. Umaasa na hindi matatawag para sumagot sa mga tanong niyang tila imposible sagutin.

Mabilis kasi siya magturo. Ang dating isang topic sa isang araw, ginawa niyang dalawa. At kapag may oras pa ay sisimulan na ang discussion ng next topic. Yun lang mga nag-advance reading ang may pag-asang makatsamba ng sagot. At hindi uso samin yun.

Wala man kaming laban, di pa rin makakasama kung paghahandaan. Di ako nag-aadvance reading. Sa halip, umisip ako ng paraan/teknik para makaiwas sa mga tanong niya.

TIPS PARA DI MAPATAYO/MAPAHIYA PAG RECITATION:

1.      Mag recite na habang madali pa lang ang tanong at wag palalagpasin ang pagkakataong ito. Karamihan sa mga guro gustong bigyan ng chance ang lahat para magrecite. Kaya kapag natawag ka na, malaki ang chance na di ikaw ang susunod na tatawagin.

2.      Kung hindi mo alam ang sagot pero may ibang nakakaalam at nagtataas ng kamay, itaas ang iyong kamay kasabay ng pagtawag ng guro dun sa ibang nagtataas. Medyo tricky to. Dapat sakto ang pagtataas mo ng kamay. Pag napaaga ka ikaw ang matatawag. Pag nahuli naman masyadong obvious na galing-galingan ka lang at sa next question ikaw ang tatawagin. Pag perfect ang timing, iisipin niya na alam mo din talaga ang sagot pero nahuli ka lang. May mga guro na mas gustong tawagin ang mga walang isasagot lalo na pag walang nagtataas ng kamay. Sa ganitong paraan masisindak ang lahat na huwag tumulad sa mga walang isasagot at mag-aral mabuti.

3.      Kung walang nagtataas at wala ka ding isasagot, magtanong ka nalang ng kahit anong related sa discussion. Kung minsan nawawala na sa isip ng teacher kung nagtanong ka ba o sumagot. Bottomline, natawag ka na at nag “PARTICIPATE”. Kaya nga sa ibang grading sheet tawag dun class participation at hindi recitation.

4.      Magbura ng nakasulat sa blackboard pag recitation na at tagalan ang paggawa nito. Sa tagal kong nag-aral, never pa tinawag yung batang nagbubura ng board para magrecite. Lagi yung mga nakaupo ang natatawag.

Madami pang paraan para makaiwas, pero ito yung mga pinaka tumatalab.

The Chosen JuanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon