II. Pambabae o Panlalake

182 7 4
                                    

            Alas sais na pala na ng gabi. Sa wakas at nakauwi na rin sa bahay. Nakakatagtag lang talaga ang buhay kolehiyo. Lalo na ang may isang oras din na biyahe. May kalayuan din talaga ang Las Piñas sa Cavite na kung saan ako nag-aaral . Buti na lang at isang diretsong biyahe lang naman itong village namin na katapat ng isang fish port papunta sa pinagkatiwalaang eswkwelahan ng aking mga magulang. Tanggal ng pagkakapusod ng buhok. Wala naman akong arte sa pag-aayos. Sapat na sa akin na nakatali ang buhok ko para naman walang umiistorbong buhok na lumilipad sa mukha ko. Tanggal ng sapatos at ng kung ano-ano pang burloloy na nakasabit sa katawan ko. Tamang ligpit ng mga gamit na hinubad at diretso na agad sa banyo. Sagupain mo ba naman ang sandamakmak na usok sa kalye, init ng araw na umuubos ng tubig mo sa katawan at mga alikabok na nagiging instant pulbos sayong mukha, tiyak talaga na manlalagkit ka at kinakailangan ko itong iligo dahil sa ayaw kong mangamoy construction worker.

            Natapos ang mga seremonyang pambabae at presko na uli. Madali naman akong naghapunang mag-isa. Wala pa kasi ang mga magulang at kapatid ko at laging kasambahay lang ang naabutan kapag ganitong napapaaga ang pag-uwi. Ginagabi ng uwi ang mga magulang ko dahil sa trabaho habang ang mga kuya ko naman ay busy sa kani-kanilang libangan. Isang hayskul titser si nanay habang si tatay naman ay nagtuturo sa kolehiyo. Minsan naman daw ay electrical engineer daw si tatay. Parehas silang nagtapos ng Bachelor of Secondary Education. Major in English si nanay. Major in Math naman si Tatay. Mas minabuti raw ni tatay na magtrabaho muna sa call center pagka-graduate  para masuportahan ang mga kapatid niya at ang pagrereview para sa LET exam. Nakatsamba naman daw pumasa at sinuwerte rin na makakuha ng scholarship sa isang unibersidad na kilala sa paglikha ng mga magagaling na inhinyero. Pero ang tanging nalalaman ko kay tatay ay isa siyang magaling na chess player.

            Tamang log in muna sa facebook account ko. Check ng updates at mga bagong friend request. Isnabin ang mga di kilala at accept ng mga bagong mukha sa aking bagong mundong ginagalawan. Si Angel,in-add n pala ako. Isnabin ko kaya. Angelique Atienza ang full name ng babaeng una kong nakilala sa campus. Suwerteng nagkausap noong orientation at hindi rin inaasahang magka-course pa pala kami. At talaga naman binasbasan kami ng mga bathala ng swerte at naging magkaklase pa kami ngayon. Bigla ko tuloy naalala kung paano ako napasok sa eskwelahang de pugon na ito. Palibhasa ay wala pa rin akong ideya noong una ng kursong kukuhain at unibersidad na maaring pasukan. Isang taon ako tumigil sa pag-aaral. At ang tanging dahilan ay ang aking katamaran at kawalan ng interes na magkolehiyo. Napaka-undecided ko talaga ng mga panahon na iyon at hindi ko rin malaman ang gusto ko noon.

            Naubos ang oras ko sa loob ng isang taon sa paglalaro ng mga computer games at kung ano-anong gadget dito sa bahay. Ragnarok, dragon nest, DOTA, League of Legends, Cross Fire at Special Force ay kinaadikan ko. Ilang ulit ko na nga rin natapos ang Need for Speed Carbon sa PSP ko.    Paminsan- minsan sumasali rin ako sa mga chess tournaments kapag niyayaya ako ni kuya Carlo. Ikatlo sa aming magkakapatid. Apat kaming lahat at ako ang bunso. Puro lalake ang mga kapatid ko kaya ang nakalakihan ko namga  laruan ay ang mga laruan din nila. Kahit ang mga magulang ko ay inakala na may pagkatibo ako. Pero alam ko sa sarili ko na babae pa rin ako. Ika nga sa kanta ni Mike Kosa "siya'y magandang babae na lalake pumorma". Mas nakahiligan ko lang talaga ang makisama ang mga lalake at umasta gaya nila. Napakatotoong tao kasi nila. Todong biruan pero walang pikunan. Kung meron man, agad- agad napag-uusapan. Hindi gaya ng mga tulad kong babae na ang daming arte. May nakita ka na bang mga lalakeng nagpaparinigan? Mga lalakeng nagtataasan ng kilay? May nabalitaan ka na bang mga lalakeng nagpaplastikan na akala mo talaga ay magkaibigan?

            Isang araw ng bakasyon kung saan anibersaryo sana ng pagtigil ko sa pag-aaral. Ginising ako ng maaga ni nanay at laking gulat ko na pinaghahanda niya pa ako ng almusal. Inutusan niya ako na maghanda at aalis daw kami na siya namang agad kong sinunod. Bihis na bihis na si tatay habang nakikipag blitz game sa chess kasama ang tatlo kong kuya. Ikutan ang laro. Gusto ko sana sumali pero agad akong sinita ni nanay para madaliin ang aking seremonyang pambabae. Marahan pa akong nag-almusal at nangingiti dahil mukhang may gala kami. Nang matapos na ako sa pagkain ay agad nagyaya umalis si tatay. Laking gulat ko na tatlo lang pala kami nila nanay ang gagala ng araw na iyon. Suwerteng hindi kasali ang mga buwisit kong kuya. Diretso sa sasakyan. Nasa back seat ako. Nagha –hallucinate na ako kung saan kami maaring magsaya ngayong araw. Biyaheng Cavite ang destinasyon. Napapa-yehey ako sa utak ko at mukhang Tagaytay pa ang peg namin ngayong araw. Pagkalipas ng ilang minutong biyahe ay nagulat ako nang biglang lumiko ang kotse namin sa isang lugar kung saan kilala na kuhaan ng lisensya. Ipapa drug test ba ako ng mga sarili kong mga magulang?

            Huminto ang kotse sa isang building na akala mo ay malaking aquarium. Halatang ni-renovate lang para magmukhang eskwelahan. Ang uniberisad ay nakapangalan sa bayan na kinatatayuan niya. Natataranta na ang utak ko at mukhang dito ako balak pag aralin ng aking mga magulang.

"Mag-aaral ka na sa darating na pasukan ! At dito namin napagkasunduan ng tatay mo na i-enroll ka" paliwanag ni nanay sa akin kahit na hindi ako humihingi ng paliwanag kahit katiting.

            Tahimik pa rin ako. Hindi kumbinsido sa mga nakikita sa paligid at lalo na sa mga nangyayari sa akin. Parang gusto kong lumulon ng face powder.

" You will take an education course ,pumili ka na lang ng gusto mong i-major"

Diniktahan na ako ni tatay. Wala na akong nagawa. Ngayong nasa harap na kami ng registrar office na mukhang bilihan ng ticket sa lotto, may magagawa pa ba ako para tumanggi? Sinulatan ang papel na iniabot sa akin at pikit-mata kong sinulat ang Bachelor in Secondary Education major in Mathematics. Bahala na.

Ang Prinsesang Mahilig MagkapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon