sa mga kababaihan ng malolos

22.3K 21 10
                                    

Sa Mga Kababaihang

Taga Malolos

José Rizal

Buod: Sa kanyang liham sa mga kadalagahan ng Malolos na sinulat noog 1889, ipinahahayag ni Jose Rizal ang kanyang papuri at paggalang sa katapangang ipinamalas ng mga ito sa pagsusulong ng karapatan sa edukasyon – isang di-karaniwang hakbang para sa maraming kababaihan sa kanyang panahon. Ayon kay Rizal , namulat siya sa pananaw na ang kababaihang Pilipino ay katuwang sa layunin para sa ikagagaling ng bayan. Batay sa kanya, ang mithiin ng mga kadalagahan ng Malolos para sa karunungan ay patunay ng pagkamulat sa tunay na kahulugan ng kabanalan - kabanalang nakatuon sa kabutihang-asal, malinis na kalooban at matuwid na pag-iisip. Binibigyang-diin ni Rizal ang tungkulin ng kababaihan – bilang dalaga at asawa – sa pagbangon ng kanilang dignidad at halaga sa lipunan. Kaugnay nito, inilalarawan niya ang katangian ng kababaihan sa Europa at bilang halimbawa ay pinakita ang babaing Sparta bilang huwaran ng pagiging mabuting ina. Ipinapayo ni Rizal na gamitin ang halimbawang ito upang maitaguyod ang isang anak na marangal at magtatanggol sa bayan. Bahagi rin ng liham ang pagpapaalala ni Rizal sa lahat na gamitin ang isipang kaloob ng Diyos, upang matukoy ang katotohanan at hindi maging alipin ninuman. Pinupuna ang mga hindi kanais-nais na gawain ng mga prayle, gayundin ang pagiging mulat ukol sa tunay at huwad na relihiyon. Ang payo ni Rizal ay "mulatin ang mata ñg anak sa pag-iiñgat at pagmamahal sa puri, pag-ibig sa kapwa sa tinubuang bayan, at sa pagtupad ñg ukol. Ulit-uuliting matamisin ang mapuring kamatayan sa alipustang buhay".

Mga Tala: Ika-17 ng Pebrero 1889 nang isulat ni Jose Rizal – gamit ang wikang Tagalog – ang liham na ito habang ginagawa ang anotasyon sa aklat ni Morga. Isinulat niya ito sa London, limang araw matapos ipaalam sa kanya ni Marcelo H. del Pilar ang isang mahalagang pangyayari sa bayan ng Malolos. Ayon sa pagsasalaysay, ika-12 ng Disyembre 1888 nang may 20 kadalagahan ng Malolos ang naghain ng petisyon kay Gobernador-Heneral Weyler upang magtayo ng isang "panggabing paaralan." Layunin nila na mag-aral ng wikang Español sa ilalim ni Teodoro Sandiko, isang propesor sa Latin. Gayunpaman, hindi sinang-ayunan ni Padre Felipe Garcia, ang kura paroko, ang petisyon. Naging dahilan ito upang hindi rin pumayag ang gobernador-heneral na maitatag ang paaralan. Sa kabila ng pagtutol, hindi dagliang sumuko ang mga kadalagahan sa kanilang layunin. Patuloy silang nanawagan at nang lumaon, pumayag na rin ang pamahalaan na maitatag ang paaralan, bagama't tumagal lamang ito ng tatlong buwan. Si Señora Guadalupe Reyes ang nagsilbing guro ng mga kadalagahan.

Europa Pebrero 1889

SA MGA KABABAYANG DALAGA SA MALOLOS:

Nang aking sulatin ang Noli Me Tangere, tinanong kong laon, kung ang pusuang dalaga'y karaniwan kaya diyan sa ating bayan. Matay ko mang sinaliksik yaring alaala; matay ko mang pinagisa-ngisa ang lahat ñg dalagang makilala sapul sa pagkabatá, ay mañgisa-ñgisa lamang ang sumaguing larawang aking ninanasá. Tunay at labis ang matamis na loob, ang magandang ugalí, ang binibining anyó, ang mahinhing asal; ñgunit ang lahat na ito'y laguing nahahaluan ñg lubos na pagsuyó at pagsunod sa balang sabi ó hiling nang nagñgañgalang amang kalulua (tila baga ang kaluluwa'y may iba pang ama sa Dios,) dala ñg malabis na kabaitan, kababaan ñg loob ó kamangmañgan kayá: anaki'y mga lantang halaman, sibul at laki sa dilim; mamulaklak ma'y walang bañgo, magbuñga ma'y walang katas.

Ñguní at ñgayong dumating ang balitang sa inyong bayang Malolos (=Malolos, Bulacan), napagkilala kong ako'y namalí, at ang tuá ko'y labis. Dí sukat ako sisihin, dí ko kilala ang Malolos, ni ang mga dalaga,liban sa isang Emilia, at ito pa'y sa ñgalan lamang.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 25, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

sa mga kababaihan ng malolosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon