ELECTION SPECIAL:"Pistang 'Di Inaasahan"

16 0 0
                                    

Dahil na-miss ko gumawa ng article, gumawa ako kanina ng isa. Heto yun.

(Note: Kathang-isip ko lang po ito)

ELECTION SPECIAL:Pistang ‘Di Inaasahan”

            Punum-puno ng  makukulay na banderitas ang mga kalsada, tangan ang mga iba’t ibang mukhang may iisang layunin. Umaalingawngaw ang musikang halaw sa mga tugtuging kilala ng lahat upang matandaan at makatawag ng pansin.

            Lumipas ang ilang taon, sa ganito ring panahon, pero walang ipinagbago ang mga nangyayari. Maririnig mo pa rin ang mababangong salita nila. Bumabaha ng kasaganahan—sa pera at pagkain na ‘di ko na maisip kung saan galing dahil sa kahirapan ng aming lugar. ‘Di inaasahang pista yata ang ginaganap sa mga panahong ito. Pistang target na punan ang matagal nang kumakalam na sikmura ng bawat isa, salu-salong nagpapakita na ang lahat—mayaman man o mahirap—ay pantay-pantay. Gaano ko hinihiling na sana’y huwag nang matapos ito.

            Pero tulad ng ibang pagtitipon, may mga napa-sobra yata at nagkainitan. Yung magkaibang mukhang anila ay may iisang layong bigyan ng kapayapaan ang aming bayan ay nagkasagupa. Nagulantang na lang ang lahat nang makitang isa ang uuwing pantay na ang mga paa. Sa kabila nito, sinabi nung lalaking kalaban nung nawala na kumalma ang lahat at magpatuloy sa kasiyahan. Hiningi rin niya, sampu ng kaniyang mga kasama, ang aming mga suporta. Tumalima naman kami, kapalit ng halosisang linggong kasaganahang ibinigay nila sa amin.

            Dumating ang araw na aming ipinangako na sa mga mababait na estranghero. Tinupad namin an aming pangako.

            Yung nagbigay sa’min ng kaalwanan sa buhay nung isang linggo ang uupo sa kapagyarihan. Malaki ang kumpiyansa ko sa kanila.

            Sa kanilang termino, marami silang nagawa. Patunay nito ang mga kalsada, eskwelahan, pabahay, at maging mga medalyang may mga nakaukit na pangalan nila. Marami rin daw silang naipanukalang programa para sa amin.

            May mga pagkakataong lumapit ako sa kanila, dala ang pag-asang matutulungan nila kaming magka-trabaho, pero ‘di raw muna nila kami mabibigyan. Puno na raw kasi ang mga bakante. Naiintindihan ko naman sila, mahirap naman talagang pagbigyan ang lahat sa limitadong pinagkukunan.

            Nung minsang magkasakit naman ang anak ko, pumunta ako sa pampublikong ospital na proyekto nila. Na-dengue kasi ang bunso ko.  Sa ilalim ng tirik na tirik na araw ay matiyaga kaming pumila sa labas ng ospital para sa libreng konsultasyon at gamot. Binuhat ko na muna si Bunso dahil sa mukhang  pagod na siya kahihintay sa mahabang pila.

            Nang marating namin ang hangganan ng pila, bumungad sa amin ang bulyaw ng isang nars na ubos na raw ang libreng gamot para sa dengue, pero nagbebeta pa naman da sila. Nagmakaawa ako na makakuha ng libreng gamot dahil salat kami sa buhay, ngunit umuwi kaming bigo ng anak ko.

            Nagtiis na lang ang anak ko sa kanyang sakit at gumaling na lang ng kusa sa aming barung-barong.

            Lumilipas ang panahon, nagbabago ang mga mukha ng may umuupo sa kapangyarihan, ngunit di ang naksanayang sistema. Ngayon, nakaamba na naman ang pang-isang linggong pista na luhong maituturing dahil sa dami ng naghihirap sa aming bayan. Susunod na lang na naman ba ang ordinaryong Pilipinong tulad ko sa agos g nakasanayang sistema o tatayo at pangangatawanan ang kapangyarihang gumawa ng ninanais na sistema at iukit ang sariling kapalaran?

-Wakas-

PS: Your vote counts.

ELECTION SPECIAL:"Pistang 'Di Inaasahan"Where stories live. Discover now