ANAKAMABATHALA

830 25 15
                                    

BANG! BANG!

Manginaw, manginig at magtago sa piitang sakop ang kaluluwa, hindi ng mga matutuwid na salita kundi ng isang nilalalang na handang magdulot ng katuwiran – ito ang salamin ng mundo ng tao...

Ang mga paputok at ang ingay ng mga tawanan ay waring nagbababdya ng hindi ko matukoy kung ano. Ang paghuhudyat ng panganib ang siyang nagpapalakas ng loob ko upang huwag tumigil... huwag bumitaw... ituloy ang laban.

Napapasailalim ang gabi sa isang di matiyak na kapalaran – ano na nga ba pagkatapos ng madugong bangayan ng mga naghahamok na isip at nagkukubling salita na sa pagdaing ay hamak na mas mataimtim kaysa sa mga santong lumiligid-ligid.

"Naku anak mag-iingat ka doon palagi, ha?"

"Huwag mong kaliligtaang sumulat sa amin linggo-linggo nang kahit na malayo man kami sa'yo ay masubaybayan ka namin, kahit sa liham man lang."

"Kuya, kuya, 'yung ipinabibili kong yoyo, kuya, ha?"

"Ito ang unang pagkakataong malalayo ka sa amin kaya't tiyak mamimiss ka agad namin, anak!"

"Mag-aaral kang mabuti, anak, at magdarasal, Siya ang magliligtas sa'yo, ipangako mo... anak..."

Ika-19 ng Oktubre, 1998

#75 Remedios Apts., T. Alonzo St.,

2600, Baguio City

Mama, Papa at Bunsoy,...

Halos mag-iisang taon na rin nang tahakin ko ang Baguio at iwan sina Papa at Mama sa Nueva Viscaya upang mag-aral ng pag-iinhinyero. Mag-iisang taon na rin nang aking makasanayang magsulat ng liham para kina Mama at Papa gaya ng pagpangako kong mag-aral ng mabuti. Hindi ko pa rin naman nakakalimutan ang munting bilin sa akin ni Bunsoy.

Kamusta na po kayo? Si Bunsoy, makulit pa rin po ba? Alam niyo po, sobrang miss ko na po kayo. Gustuhin ko man pong umuwi ngunit hindi pa ipinagkakaloob ng Diyos ang pagkakataon. Ipagpaumanhin po ninyo ang hindi ko pag-uwi ngayong bakasyon. Tinulungan po kasi ako ng kaibigan kong si Jimuel na mamasukan bilang isang waiter sa Jollibee, pandagdag din po sa gastusin. Sayang din po kasi ang 200 na pamasahe sa pinakamurang van na puwede kong masakyan papauwi. Sana po'y maintindihan ninyo...

Oo, hindi pa ako nakakauwi simula ng mapadpad ako sa Baguio, ngunit hindi ko naman sinasayang ang ibinibigay na pera sa akin ni Papa sa kanyang pagsasaka at ang mga lutong pagkaing ipinadadala ni Mama sa kapitbahay naming si Marieta na kasama ko naman sa boarding house.

            Masaya ngunit mahirap ang buhay estudyante, lalo na sa kolehiyo. Tama nga ang sabi sa akin ni maestra bago ako magtapos sa hayskul, "...hindi lahat ng bagay napag-aaralan sa loob ng klase... maswerte ka't biniyayaan ka ng Diyos ng talino at makapagtatapos ka pa bilang balediktoryan." Hindi ko ginustong manguna sa klase. Ang gusto ka lamang ay tuparin ang pangako ko kina Mama at Papa na mag-aral ng mabuti at makapagtapos. Iyon lang. Sabagay ay malaking tulong na din iyon dahil nakapasa pa ako bilang isang iskolar sa pinapasukan ko ngayong pamantasan. Sabi nga ng mga kaklase ko, masyado daw akong tahimik at seryoso para maturingang balediktoryan. Hindi ko naman alam na may batayan ang pagiging isang balediktoryan. Ano naman ngayon? Hindi oras ng pagsasayang ng panahon sa mga walang saysay na bagay gaya nito. Gayunpaman, nagpayo ang isa sa aking mga maestra na subakan kong sumali sa iba't ibang organisasyon sa unibersidad na siyang nababagay sa aking mga kinahihiligan. Hilig ba ika niya? Wala akong ibang kinahiligan kundi ang mag-aral sa buong araw at ituloy ang di ko matapus-tapos na liham pagdating sa bahay.

Naging maayos naman po ang unang semestre ko sa kolehiyo, at tiyak na mas magiging magandang balita pa po kapagka nakuha ko na ang aking mga grado sa susunod na enrolment. Kagaya pa rin po ng ipinangako ko, nagsisikap po akong mabuti sa pag-aaral at asahan po ninyong magtutuloy-tuloy pa ito sa awa ng Diyos.

ANAKAMABATHALA [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon