Si Agi Agila, Si Fely Falcon at si Ugo Unggoy

1K 8 2
                                    

Isang araw, sa isang malawak na kagubatan, makikitang lumilipad si Agi Agila. Sa kagubatang iyon, hindi si Leon o si Matsing ang hari. Si Agi Agila ang hari! Kinilala siya bilang pinakamabilis, pinakamatalino at pinakamataas na agilang lumipad sa kalangitan. Isa pa, siya ang may pinakamagandang balahibo sa lahat. Kaya lahat ng hayop sa kagubatan ay siya ang tinitingala.

          Ngunit, isang araw, habang nagpapahinga si Agi Agila sa isang matayog na puno, isang hindi kilalang ibon na halos katulad niya ang mabilis na lumipad sa langit. Nakita ng lahat na higit na mataas ang lipad ng isang ibon.

          “Sino ang ibon na iyon?” ang tanong ni Agi Agila kay Lito Leon.

          “Ah, iyan? Si Fely Falcon iyan,” ang sagot ni Lito Leon. “Galing iyan sa kabilang bundok.”

          “Naku, hindi na ako ang hari rito kung higit na mataas ang lipad niya sa akin,” ang sabi ni Agi Agila.

          Kaya lumipad agad si Agi Agila upang ipakita sa lahat ng hayop sa kagubatan na kaya niyang talunin si Fely Falcon. Sinubukan nang sinubukan ni Agi Agila ang lampasan si Fely Falcon ngunit laging bigo ito na taasan ang lipad ng kalabang ibon.

          Isang araw, nakaisip si Agi Agila ng isang paraan upang manatili siyang hari ng kagubatan. May nilapitan siyang isang hayop. Si Ugo Unggoy. Siya ang pinakamagaling gumamit ng pana sa kagubatan. Kahit malayo o mataas ang kailangang panain ay kaya niya.

          “Ugo Unggoy, kailangan ko ang tulong mo. Gusto ko sanang panain mo si Fely Falcon sapagkat kapag nanatili siya rito, siya na ang magiging hari dahil higit na mataas ang lipad niya sa akin.”

          Napatalon sa tuwa si Ugo Unggoy. “Naku, tamang-tama! Mahilig akong kumain ng ibon! Sakto pa naman at tatlong araw na akong hindi kumakain.”

          Lumabas sina Agi Agila at Ugo Unggoy at nagtungo sa isang mataas na puno kung saan kitang-kita nila ang paglipad ni Fely Falcon.

          “Naku, mataas pala talaga ang lipad ni Fely Falcon,” ang sabi ni Ugo Unggoy. “Kailangan ko ng balahibo mo Agi Agila. Ilalagay ko ito sa dulo ng aking palaso upang higit na mataas ang abutin ng aking pagpana.”

          Dahil sa kagustuhan ni Agi Agilang mawala si Fely Falcon, bumunot si Agi Agila ng isang balahibo mula sa kanyang pakpak at ibinigay kay Ugo. Si Ugo Unggoy naman, inilagay ang balahibo sa dulo ng palaso para mas lumayo ang aabutin ng kanyang tira.

          Sinipat ni Ugo Unggoy si Fely Falcon, pinakawalan ang kanyang pana. Ngunit, higit na mabilis at maliksi si Fely Falcon kaya naiwasan niya ang palaso ni Ugo Unggoy.

          “Sayang naman! Malapit na sana ang tira ko!” ang sabi ni Ugo Unggoy.

          “O, patamaan mong muli ng pana!” ang utos ni Agi Agila.

          “Kailangan ko ulit ng balahibo mo,” ang sabi naman ni Ugo Unggoy.

          Muli, sa kagustuhan ni Agi Agilang mawala si Fely Falcon, binigyan niya ng balahibo si Ugo. Ngunit, dumaplis muli si Ugo. Humingi ulit si Ugo ng balahibo at binigyan siyang muli ni Agi Agila.

          Pumana nang pumana si Ugo Unggoy ngunit sa bilis ni Fely Falcon ay hindi niya ito matamaan. Si Ugo Unggoy, nangailangan nang nangailangan ng balahibo kaya naman si Agi Agila ay nagbigay nang nagbigay hanggang sa naubos ang kanyang balahibo.

          Noong maubos ang balahibo ni Agi Agila, pinagtawanan siya ng lahat ng hayop sa kagubatan. At dahil sa wala nang balahibo si Agi Agila, hindi na siya makalipad kaya sa halip na si Fely Falcon, siya na ang kinain ni Ugo Unggoy.

🎉 Tapos mo nang basahin ang Si Agi Agila, Si Fely Falcon at si Ugo Unggoy 🎉
Si Agi Agila, Si Fely Falcon at si Ugo UnggoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon