Chapter 1

1.4K 8 4
                                    


"MAG-JEEP? Papa naman!"

"Ano naman ang masama kung sasakay ka ng jeep, Allana? Ngayon lang naman. Pinahihirapan akong talaga nitong arthritis ko, kagabi pa, kaya hindi kita maihahatid,” wika ni Antonio Romasanta sa anak.

"Papa, look. Paglabas ko ng gate natin ay sasakay ako ng tricycle patungong paradahan ng jeep which is almost a mile from here. Pagkatapos ay sasakay ako ng jeep sa paradahan patungong Monumento. Pagdating ko sa Quezon City amoy pawis na ako at lantang gulay," reklamo ng dalaga.

Hinagod-hagod ng matanda ang binti. “And what do you want me to do, hija? Drive you to your shop with my condition?"

"Puwede namang ako ang mag-drive ng Pajero, 'Pa.....”

"Huwag ka nang pumasok, Allana!" matigas na tugon ni Antonio.

Umikot ang mga matang tumingin sa itaas ang dalaga. Anim na linggo na ang nakararaan nang magkaroon siya ng aksidente bago dumating ng toll gate sa Balintawak. Iniwasan niya ang isang lasing na tumawid. Bumangga siya sa nakaparadang truck.

Bagaman walang grabeng nangyari sa kanya maliban sa natuping kaliwang bahagi ng harapan ng kotse ay nagkaroon siya ng knee injury. Hindi niya naikabit ang seatbelt, at on instinct na huwag bumalya sa salamin kasabay ng pag-apak niya ng preno ay naitukod niya nang malakas ang kaliwang binti sa kung saang bahagi ng kotse ay hindi niya matandaan.

Dalawang linggo ding naka-cast ang kaliwang tuhod niya.

“Kasi naman, Papa, lumipat pa tayo dito sa remote na lugar na ito gayong may bahay naman tayo sa Greenhills," parang batang dabog ng dalaga.

"We are going back to that issue, again, Allana...”

"Dahil hindi ko makita ang logic sa paglipat natin dito sa Bulacan. At ang bahay natin ay pinaupahan mo sa ibang tao..."

"Hija, I love this place," lumambot ang boses at mukha ni Antonio. “Sa lugar na ito kami nagkakilala ng mama mo. Dito sa bahay na ito ng lola mo kami nanirahan sa unang limang taon ng buhay namin. That was before you were born..."

Bumuntong-hininga ang dalaga. "Down on memory lane, again..." bulong niya. Pagdating sa ganitong usapan ay hindi na sumasagot si Allana. Kahit gusto niyang mangatwiran ay hindi naman niya gustong maging hadlang sa kaligayahan ng ama na gugulin ang nalalabing taon ng buhay nito sa lugar na iyon.

Nang mamatay ang lola niya, ang ina nito five months ago, ay pinaayos ni Antonio ang bahay. Hindi binago ang dalawang palapag na bahay kundi pinalitan ang dapat palitan. Naglagay ng dalawang toilet and bath sa itaas at maliit na gym sa ibaba at pinapinturahan.

Three months ago, pagkatapos ng pakikipagkatwiranan niya sa ama ng impraktikalidad sa gagawin, ay lumipat sila dito. Ang bahay nila sa Greenhills ay pinaupahan sa mag-asawang foreigner na may stable na negosyo dito sa Pilipinas.

Well, she really has nothing against the place. Malaki ang farm na pag-aari ng ama niya. Nakahilera ang mga puno ng namumungang mangga at kaimito na kung saan ay malaking pera ang inaakyat sa kanila. Presko at sariwa ang simoy ng hangin. Gayunpaman, ang trabaho niya ay nasa Quezon City at malayo ang lugar na iyon sa lahat ng bagay.

Sa ama niya ay walang problema dahil nag- retired na ito sa kompanyang pinapasukan, kung saan isa itong stockholder at direktor. Papaano naman siya? Maliban sa ten to fifteen minutes drive ng tricycle patungong paradahan ng jeep, ang jeep ay thirty five minutes na bumibiyahe palabas ng exit and another fifteen minutes sa north expressway. Pagdating ng Monumento ay maaari na siyang mag-taxi patungo sa boutique niya. Kulang-kulang sa dalawang oras siyang magbibiyahe at one way lang iyon. Kung sabagay, halos kalahating panahon ang natitipid kung sariling sasakyan ang gamit niya.

All-Time Favorite: Aagawin Kita Sa KanyaWhere stories live. Discover now