Hanggang sa muli, kaibigan

148 5 1
                                    

Philia/Phobia: Pymachophobia

Genre: Paranormal

"Wala akong kasalanan! Siya ang pumatay sa kanila!" Pilit kong itinuturo ang kinaroroonan niya ngunit laging sinasabi ng inspektor na wala naman daw tao roon. Kitang-kita ko naman mula sa aking kinauupuan ang pagngisi ng babaeng nakaputi na nakatayo sa sulok.

"Pinagloloko mo ba ako, Ms. Rivera?" Bakit ba hindi niya ako pinapakinggan?

"Siya ang pumatay at hindi ako!" pilit ko naman habang nakaturo pa rin sa direksyon no’ng babaeng nakaputi.

"Sige nga, sabihin mo kung paano nangyari ang pagkamatay ng mga kasama mo at naiwan kang buhay," sabi ng inspector ngunit bakas pa rin ang duda sa kanyang mga mata.

***

Nagising ako ng medaling araw dahil narinig ko na tila may kaaway si mama sa likod ng bahay kaya naman pinuntahan ko ito.

"Malandi kang babae ka!" sigaw ni mama saka ako nakarinig ng isang malutong na sampal. Sinubukan kong sumilip sa pagitan ng mga kortina at kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano pinutulan ni mama ng ulo 'yong babae. Hindi pa ito nakuntento at isinilid pa niya ito sa isang malaking kahon at binalot ito ng tape.

Hindi ko magawang sumigaw dahil sa takot ko at tanging pag-iyak lamang ang nagawa ko. Tumakbo ako agad pabalik ng kuwarto saka ikinandado ang pinto.

'Hindi gano'ng tao si mama. Hindi si mama 'yon. Hindi niya magagawang pumatay ng tao'.

'Yan ang paulit-ulit kong sinasabi habang nakasabunot ang aking mga kamay sa aking buhok. Pilit ko itong kinalimutan at nagpanggap ako na wala akong nasaksihan ngunit hindi nawala ang pagsiklab ng takot ko sa mga malalaking kahon simula noon.

Ang buong akala ko, maibabaon ng kasalukuyan ang mga nangyari noon ngunit nagkamali ako. Matapos ang ilang taon naming pamumuhay ng payapa, tila nagbalik ang lahat simula no'ng lumipat kami ng bahay.

Halos gabi-gabi akong hindi makatulog dahil sa mga boses na bumubulong sa aking tainga at tila may nais iparating. Kahit na takpan ko ang aking tainga, naririyan pa rin ang mga ito. Sinubukan ko itong sabihin kila mama pero hindi sila naniniwala. Lagi nilang sinasabi na imahinasyon ko lamang ang lahat.

Hanggang sa isang araw, may kung anong pumasok sa akin at bigla na lamang nagdilim ang aking paningin. Parang biglang nagkaroon ng sariling buhay ang aking katawan at kusa itong gumagalaw. Sinubukan ko itong pigilan ngunit mas malakas ang puwersa nito kaysa sa akin.

Namalayan ko na lamang na nasa kuwarto na ako nila mama at may dalang kutsilyo sa aking kanang kamay. Naaninag ko ang bahagyang pagbangon nila mula sa pagkakahiga at nang buksan ni mama ang ilaw na malapit sa kanila, agad kong sinunggaban ng saksak si papa. Sumigaw naman si mama pagkatapos ay tumakbo ito palabas ng kuwarto.

Mabilis ko siyang nahabol at nasaksak sa likuran. Nang bumagsak ito, lalong lumakas ang mga bulong na paulit-ulit at iisa lamang ang sinasabi.

'Patayin mo na siya.'

Sinubukan ko itong pigilan pero parang kontrolado nito ang katawan at utak ko at wala na akong nagawa kung hindi ang panoorin ang unti-unting pag-agos ng dugo ni mama sa sahig.

Nang makita kong hindi na ito humihinga, kinaladlad ko ito at si papa sa may bodega. Pagbukas ko ng ilaw, may kung anong nagpabalik sa akin sa realidad nang makita ko ang mga kahon.

'Huwag kang matakot. Ginagawa mo lang ang tama.'

Muli na namang nagdilim ang aking paningin at lumapit sa mga kahon. Una kong isinilid si papa saka binalutan ng tape ang buong kahon. Matapos nito ay isinunod ko si mama.

Papalabas na sana ako ng pinto ngunit huli na para ako’y makatakas dahil naroroon na ang mga pulis.

Bagamat ulila na ako, lubos-lubos pa rin ang pasasalamat ko at nang dahil sa kanya, natuto ko ng mahalin ang bagay na lubos kong kinatatakutan. Binigyan rin ako ng dahilan nila mama at papa para masabi ko sa sarili ko na wala akong dapat ikatakot dahil sa loob ng mga kahon na 'yon, alam kong nand'yan sila at binabantayan ako.

Bago ako sumakay sa isang kotse na may asul at pulang ilaw sa ibabaw, muli akong lumingon sa aming bahay at nakita kong nakagiti sa akin ‘yong babae. Ngunit ang talagang nagpangiti sa akin ay ang kanyang ibinulong sa aking mga tainga,

'Hanggang sa muli, kaibigan.'

-

Incogni2 Fourth Strike: Flash FictionWhere stories live. Discover now