Kabanata 27

9.5K 381 99
                                    


"Ihahatid kita sa isang napakagandang lugar."



Ang tinig na iyon ang nagpahinto kay Aliah. Pamilyar sa kanya ang tinig na 'yon na tila ba hindi iyon ang unang pagkakataon na narinig niya iyon pero hindi niya matukoy kung sino mismo ang nagmamay-ari ng baritonong boses na iyon. Nang lumingon siya ay may nakita siyang anino ng isang lalake.



Hanggang sa unti-unti'y ang aninong iyon ay nagkaroon ng pigura. Tumambad sa kanya ang isang matangkad na lalake na nagtataglay yata ng pinakamagandang pares ng mga mata na nakita niya sa tanang buhay niya. Abuhin ang kulay ng mga mata nito. Lagpas balikat ang buhok nito na bahagyang tinatangay ng hangin.



Ngiting-ngiti ang lalake na lumapit sa kanya. At nang nasa harap na niya ito ay inabot nito ang pumpon ng pulang rosas. "Para sa akin ang mga 'to?" hindi makapaniwalang tanong niya sa lalake. Pero sa halip na sagutin siya at ngumiti lang ito at inilahad ang isang kamay sa kanya. Walang pag-aalinlangang inabot niya ang isang kamay rito at hinayaang igiya siya nito sa isang napakagandang lugar na ngayon lang niya nasumpungan.



Habang naglalakad sila ay hindi niya magawang ialis ang tingin niya sa nakapagwapo nitong mukha. Tahimik lang itong naglalakad habang gagap nang mahigpit ang isa niyang kamay. At sa pagdaloy ng init na nagmumula sa palad nito papunta sa palad niya, hindi niya maiwasang isiping may nabubuhay pa palang nilalang na nagtataglay ng perpektong mukha katulad. Maganda ang lahat dito, parang isang prinsipeng sa panaginip lang matatagpuan.



Pero hindi siya nananaginip lang. Totoo ang lalakeng kahawak kamay niya ngayon. Hindi man niya maalala ang pangalan nito, alam niyang totoo ito. Totoong-totoo ito at hindi bahagi lang ng pantasya niya.



Nang huminto ang lalake sa paghakbang ay napahinto rin siya at sinundan ng tingin ang hinahayon ng mga mata nito. At pagtingin niya sa unahan ay nakita niya ang isang puting-puting kama na mayroong mga talulot ng pulang rosas. Maging sa ibaba ng kama ay nagkalat rin ang petals ng nasabing bulaklak.



Nang muli siyang tumingin sa lalake ay nakita niya sa mga mata nito na tila ba inaanyayahan siya nitong mahiga sa kama-bagay na kaagad naman niyang ginawa. At habang unti-unti niyang ipinipikit ang mga mata niya ay muli niyang narinig ang malamyos na tinig ng gwapong lalake.



"Ipikit mo ang mga mata mo Aliah at magpahinga ka. Matulog ka. Matulog ka nang mahimbing."



__________


Iyon ang huling detalye sa panaginip ni Aliah na naalala niya nang magising siya. Dahil napapalibutan ng salamin ang buong kwarto niya, agad na napansin niyang nakangiti siya. Umupo siya sa kama at wala sa sariling kinagat ang kuko ng kaliwang hintuturo niya.



Ang lalakeng nasa panaginip niya at ang lalakeng nasa painting na naka-display sa bahay ni Calyx ay iisa. Kung sa panaginip niya ay hindi niya maapuhap ang pangalan nito, ngayong dilat na dilat na siya ay alam niyang si Yuri ang lalakeng nasa panaginip niya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 16, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dream Catcher [ROMANCE/FANTASY]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon