Sana (One-shot)

17.1K 548 126
                                    

Gaano ka-sakit maagawan ng minamahal?

Huwag ako ang tanungin niyo. Hindi ko alam.

Dahil simula't sapul..

Walang kami.

Walang aagawin dahil hindi naman talaga ako naging malaking parte ng buhay niya.

Kailanman, hindi siya naging akin.

***

Hindi ako kasali sa mundong ginagalawan niya at ganun din naman siya sa mundo ko.

Isa lang siyang hamak na kaklase. Minsan nagpapansinan, madalas hindi.

Wala naman talaga akong pakialam sa kanya. Hindi ko ugaling panghimasukan ang gawain ng iba. Hindi ko ugaling makisawsaw at pag-usapan ang buhay ng may buhay.

May sarili akong mundong ginagalawan. May sarili akong buhay na kailangan pagtuunan ng pansin. May sarili akong pangarap na kailangang abutin. May sarili akong mga problemang kailangan hanapan ng solusyon.

Wala akong panahon sa kanya.

Wala akong panahon para tingnan siya mula sa malayo. Wala akong panahong ngitian siya kapag nagkasalubong kami. Wala akong panahon na sundan siya ng tingin pagkalampas niya sa akin.

Wala naman akong paki sa bibo niyang aura, na ang bilis niyang makagaanan ng loob ang mga tao. Wala akong paki na puro kagandahan at kabutihan lang ang gusto niyang makita.

Pakialam ko ba sa ngiti niyang umaabot hanggang mata? Eh ano naman kung sobrang ganda ng buo niyang pagkatao?

Wala lang sakin na itinuring na niya akong kaibigan. Hindi naman mahalaga na minsan nagkekwento na siya ng mga bagay-bagay sa buhay niya. Ano naman kung nalaman kong kumportable siyang kasama ako.

Hindi ko gustong naging malapit na kami sa isa't isa. Ayaw na ayaw ko na naging mas open na siya sa akin.

Hindi ako masaya kapag kasama ko siya. Hindi niya kinukumpleto ang araw ko.

Hindi ko siya gusto.

Hindi ko namalayan. Nahulog na pala ako sakanya.

***

Masaya ako nung nalaman kong may iba siyang gustong lalaki at nililigawan na pala siya nito.

Buti nalang talaga simula noon hindi na kami madalas nagsasama. Buti nalang madalang na siyang magkwento. Mabuti nalang at unti-unti na siyang lumalayo sa akin. Masaya dahil wala na ulit ako sa mundong ginagalawan niya.

Wala lang naman sa akin nung malaman kong boyfriend na niya yung lalakeng mahal na mahal niya.

Masaya ako para sa kanya.

Masaya ako dahil wala na siya sa buhay ko. Masaya akong wala nang naggugulo sa nananahimik kong puso.

***

Mabilis ko lang din naman siyang nakalimutan.

Hindi ko siya naaalala. Hindi ko siya napapanaginipan. Hindi ko pinapangarap na sana..

Akin nalang siya.

Ayaw kong isipin na..

Sana ako nalang ang mahal niya.

Buti nalang talaga naka-move on na ako at hindi ko na siya naiisip.

Hindi ko na siya tinitingnan mula sa malayo.

Hindi na ako umaasa na sana maghiwalay sila at ako ang maging takbuhan niya.

***

Ang saya malaman na umabot sila ng isang taon. Na isang taon na rin pala mula nang matagal-tagal ko siyang natingnan nang malapitan.

Kaya hindi ko siya ginustong kausapin. Kaya hindi ko sila sinundan.

Kaya hindi ko nakitang pumasok sila sa isang gusali kung saan maraming lasing na may kasamang mga babaeng makakapal ang make-up at maiiksi ang suot ang pumapasok.

Hindi sumagi sa isip ko na baka hindi lang pagtulog ang gagawin nila doon.

***

Nakakainis kasi pagkatapos ng ilang linggo mula nang mangyari ang insidenteng yun, kinakausap na niya ulit ako. Nagsimula na naman siyang magkwento ng kung anu-ano.

Badtrip lang kasi nagkakalabuan na raw sila. Badtrip kasi nagkaroon na naman ako ng pag-asa.

Sobrang nalungkot ako nung nalaman kong hiwalay na pala talaga sila ng boyfriend niya. Ayoko yung sa akin niya nilabas lahat ng hinaing niya. Hindi ko gusto na ako ang una niyang nilapitan para pagaanin ang loob niya.

Wala naman talaga akong pakialam sa kanya.

Hindi naman talaga siya kasali sa mga plano ko sa buhay. Wala naman akong balak na ipagtapat sa kanya ang nararamdaman ko.

Wala akong planong subukan na magkaroon ng kami.

Yun yata talaga ang gusto ng tadhana. Kasi hindi ko na nagawang magtapat.

Hindi ko nagawa dahil sa nag-uumapaw na saya nung nalaman naming buntis siya. Buntis siya sa anak nila ng ex-boyfriend niya.

Masaya ako para sa kanya. Masaya kasi ma-e-etsapwera na naman ako sa buhay niya.

***

Excited niyang ibinalita ang good news kay Brian. Excited siya na magkakabalikan ulit sila. Masaya siya dahil alam niyang pananagutan nito ang bata.

Na hindi nito ginawa.

Kaya nagpalaglag siya.

Lumapit siya sa isang manghihilot sa kung saang tagong lugar at pinalaglag niya ang dinadala niya.

Kaya siya dinugo ng sobra-sobra.

Kaya hindi ko na siya naabutan ng buhay sa ospital. Kaya hindi ko nalaman na pangalan pa rin ni Brian ang binanggit niya..

***

Gaano ka-sakit maagawan ng minamahal?

Hindi ko pa rin alam.

Dahil kahit sa huling pagkakataon, hindi siya naging akin.

Hindi pa rin para sakin tumitibok ang puso niya. Hindi pa rin ako yung araw na iniikutan ng mundo niya. Sa huling pagkakataon, hindi pa rin ako.

Gaano ka-sakit mawalan ng minamahal?

Hindi ko alam ang sagot. Hinde. Alam ko ang sagot pero hindi ko alam kung paano sumagot.

Kulang ang mga salita para ilarawan ang sakit.

Sana nga iba nalang.

Sana iba nalang para hindi niya nasapit ang nangyari.

Sana iba nalang para nandito pa rin siya. Sana iba nalang para nakakasama ko pa siya kahit na ba hindi ako yung mahal niya.

Sana iba nalang, Nina.

Pero ayos lang.

Madali ko lang din to makakalimutan. Hindi naman mahirap eh. Ilang araw lang at babalik na ulit sa normal ang buhay ko. Magiging normal din ang lahat na parang walang nangyari. Na parang hindi ako nawalan. Na parang walang parte ng kaluluwa ko ang nawala. Hindi naman kasi siya ang buhay ko.

Pero sana talaga..

Ako nalang.

-END-

Sana (One-shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon