Previous Page of 4Next Page

Maganda Pa Ang Daigdig (Kabanata 13 - Wala Akong Sala) Ni Lazaro Francisco

spinner.gif
MAGANDA PA ANG DAIGDIG Ni Lazaro Francisco Kabanata 13 “Wala Akong Sala” Napansin kaagad ni Miss Sanchez ang kakatwang kilos at alingasngas ng kaniyang mga kanayon laban kina Kabo Lontoc na ibinunga ng bintang ni Aling Ambrosia na benggansa lamang ang dahilan ng pagdakip kay Lino. Upang maagap na maapula ang anumang maaaring mangyari ay iginala ng dalaga ang kaniyang paningin sa karamihan at mabanayad na nagsalita.  “Mga kanayon!” ani ni Miss Sanchez. “Huwag sana nating malimot na sina Kabo Lontoc ay napag-uutusan lamang! Tumutupad lamang sila sa kanilang tungkulin! Batas at bayan ang kanilang panginoon, at tayo’y bahagi ng bayang pinaglilingkuran nila!” Sa ilang katagang iyon ng punung-guro, ang may maiinit na ulo sa kanilang paligid ay para namang nasubhang bigla ng malamig na tubig. Ang mga umirap sa kabo ay tumahimik na at ngumiti pa ang ilan.  “Ito pa, Miss Sanchez,” himig pasintabing wika ni Kabo Lontoc, “ang isa sa malulungkot na tungkulin namin! Nguni’t kung hindi namin tutupdin ito ay bababa ang tingin sa amin ng bayan at baka wikain pang alangan kami sa aming uniporme!” Tumangu-tango si Miss Sanchez, nguni’t hindi nagsalita.  “Ipinakikiusap ko sana sa kanila, Miss Sanchez,” pakli naman ni Villas na tinukoy sina Kabo Lontoc, “na, yayamang hindi pa naman gaanong tiwasay ang panahon, at yayamang marami pa rin naman ang nakikita nating nagkalt doon at dito na nakagawa ng lalong malulubhang paglabag sa batas nguni’y ni di pa man lamang yata kamalak-malak na isakdal at hulihin kung kaya nakapanunungkulan pa ang iba at ang iba nama’y patuloy na nakapamamayagpag sa gitna ng bayan, ay maano sanang ipagwalambahala na muna nila ang pagdakip na ito kay Lino at maging parang balato na nila sa atin ang kanilang pagpapaumanhin, na anupa’t palabasin na lamang na hindi nila natagpuan si Lino dito saan man. Nasabi ko pa nga na kung kailangan lamang na palayuin na muna rito ang mag-amang Lino at hindi maluwag na magawa natin iyon, huwag na lamang sanang dakpin ngayon dito ang ama, alang-alang sa kabutu-butong anak na musmos pa’t walang sinomang maaaring sulingan kahit na isang malayo nang kamag-anak!” Malungkot na yumuko si Miss Sanchez at nagpatuloy sa di rin pagkibo.  “E… ano ang sagot sa inyo, Mr. Villas?” tanong ni Miss Lavadia.  “Tama rin naman ang isinagot nila sa ‘kin,” ang patuloy na salaysay ni Villas na naging tugon na rin sa tanong ni Miss Lavadia. “Kung magkakagayon daw ay kailan pa kaya masisimulan ang pagpapatupad sa mga batas sa kapakanan ng kapayapaan at kaayusan?”  “Saka,” sudlong ni Kabo Lontoc, “ kung hindi man kami ay marami pa rin namang ibang mauutusang dumakip sa dinarakip namin at baka, kung inaalat, maging dalus-dalos pa sa pakikitungo sa inyo at sa dinarakip!” Luminga-linga ang kabo at tumanaw sa mga kasamang kawal, saka hinarap si Villas. “Gagabihin kami, Mr. Villas!”  “Sandali lamang, Kabo Lontoc,” Hadlang ni Miss Sanchez. “Maaari bang bigyan ninyo kami ng kaunting panahong makausap muna namin si Mang Lino?”  “Aba, opo, Miss Sanchez,” payag kaagad ng kabo. “Kausapin na ninyo. Hindi kami maiinip.”  “Salamat,” tanging nasabi ni Miss Sanchez na tumalikod na upang lumapit sa mag-amang Lino. Saglit munang tinaya ni Miss Sanchez ang anyo ng pag-uusap ng mag-ama. Ibig sana niyang igalang ang mga huling maseselang sandaling yaon ng kanilang pag-uusap. Nguni’t maikli na ang panahon. Kaya nga, napilitan nang lumapit ang dalaga na naging maingat naman at marahan. Sinundan siya ni Miss Lavadia at ni Aling Ambrosia. Buung-buo manding nakapako naman yata ang isip ni Lino sa mga bagay na sinasabi at itinatagubilin sa anak kung kaya nakalapit at sukat sina Miss Sanchez sa may likuran ng takayad nang di niya napansin, gayong manipis at butas-butas na ang dingding ng takayad. Patuloy si Lino sa banayad na pagsasalita at sa tinig na malinaw, marahan, at walang pangamba.  “Muli’t muling sinasabi ko sa iyo, Ernesto, na tibayan mo sana ang loob mo,” anang tinig ni Lino na halos nanuot sa kaluluwa ni Miss Sanchez at ng dalawang kasama. “Mag-aral kang magpakalalaki, kahiman bata ka pa. Itanim mo sa puso mo na wala akong sala, pagka’t iyan ang totoo. Umasa kang magbabalik ako, pagka’t may katarungan pa naman sa puso ng tao, marahil. At kung wala man, umasa ka ring magbabalik ako Ernesto. Hahanapin kita saanman, anoman ang mangyari, gaya rin ng ginawa kong paghahanap sa iyo noong sanggol ka pa. Hindi pa nasira ang anomang sinabi ko sa iyo, Ernesto, hindi ba?
Previous Page of 4Next Page

Comments & Reviews (26)

Login or Facebook Sign in with Twitter


library_icon_grey.png Add share_icon_grey.png Share

Who's Reading

Recommended