Bahaghari

52 3 3
  • Dedicated kay Gideon Loyola Daganio
                                    

"Lalayuan mo si Islaw ngayon din!! Hindi kita pinalaki sa maranyang pamumuhay upang bumagsak sa isang maglulupa lamang."

May kudlit ng kirot ang suyo ng pagmamahal. Hindi pala madali ang manatiling nakatayo kung ang niyayapakan ang dahilan ng pagtumba.

"Nagmamahalan kami ni Islaw, Papa."

Ngunit ang pagmamahalang langit at lupa ang pagitan ay suntok sa buwan. Kasing imposibleng makasumpong ng bahaghari sa hatinggabi o nang tala sa umagang masanting ang araw. 

"Pakakasalan mo si Senior Esteban,sa ayaw at sa gusto mo Simplicia,hindi ka nababagay sa hayop na yaon!!"

Walang pangakong kaligayahan gaano man kadakila ang pag-ibig. 

Maging kasing lalim man ito at lawak ng dagat,sa huli'y walang saysay ang lahat.

Susubukin ng tadhana ang matimpiing puso.

"Opo Padre,tinatanggap ko."

At kapag ito'y mahina ,sandali lang igugupo.

"Paalam Pisyang!"

Ang tao raw kapag namatay, nagiging isa sa mga bituin. 

Nagiging tala daw ito sa kalangitan na sa payapa ngunit mapanglaw na magdamag ay nagmamasid,nagbabantay. Nakatingin sa naiwang mahal sa buhay. 

Ngunit ang nais ko'y maging bahaghari. 

Ayokong sa bawat gabi ay masilayan mo't maaalalang wala na ako.  

Kapag nagsukob ang init at ang hamog,sa muling pagsikat ng araw pagkatapos ng ambon.

Sa pambihirang pagkakataong magtagpo ang araw at ang ulan.

Sa maliwanag at makulay na dulo ng bahaghari,asahan mo'ng ako'y naroon.

Hinihintay kita Pisyang.




"Hindi ako lumimot sa sumpaan natin Islaw,naangkin ng iba ang aking kaluluwa ngunit hindi kailanman ang aking puso"





Nilipad ng malakas na hangin ang laglag na mga dahon,kasama ang pinaghalong pait at tamis ng kahapong sa iisa't pinakamalayong sulok na lang ng puso namamahay.

wakas

BahaghariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon