ONE

5.8K 221 135
                                    




Sa tuwing maulan na gabi, inuusig ako ng dalawa sa hindi malilimutang kadiliman. Isa para sa aking ina, para sa akin naman ang pangalawa.

Nakakabingi ang mabigat na buhos ng ulan. Niyayanig kami ng bawat angil ng kulog. Kung normal na ulan lamang ito ay nagkakarinigan pa kami, kahit na ang mumunting tunog ay mahahagip. Ngayon ay hindi ko na matukoy kung nakarating na ba si Mama sa simpleng mga hakbang nito o sa pag-ingit man lang ng inaanay naming pinto. Natatabunan ang kadalasang ingay maliban lang sa walang humpay na iyak ng kapatid ko.

"Tim, tama na..." hindi pa rin siya tumatahan sa pang-ilang sita at reklamo ko.

Hindi iyon nakatulong dahil kahit ako ay ginagapangan na rin ng takot. Pero kailangan kong maging matapang sa harap niya. Kung hahayaan ko ang sariling magpadala sa pangambang nararamdaman, matatakot lang siya nang husto.

Panibagong kulog ang yumanig dahilan para masapawan pa niya ang ingay ng ulan. Pumalatak ako at mas lumapit upang tapikin siya sa hita at tahanin. Bumaling siya sa akin habang umiiyak. Sa natural na malaki at nangungusap nitong mga mata, para bang nagmamakaawa siya sa aking pagalitan ko ang ulan hanggang sa tumigil.

Tinitigan ko siya. "Ewan ko ba't pa kita binabantayan. Ang sama naman ng Papa mo sa 'min!"

Unti-unti siyang tumatahan, naiiwan ang mahihinang hikbi. Bumaba ang tingin ko sa pangangatal ng mga labi niya. Siguro doon talaga siya naiiyak, sa lamig.

Tinatanggal ko ang tumatakip sa aking kumot nang umagaw sa aking pansin ang pumapatak na tubig sa banig na hinihigaan namin. Sinundan ko ng tingin ang pinagmulan ng patak at natagpuan sa taas ang butas naming bubong. Inayos ko ang pagkakatakip ng kumot kay Tim bago siya pansamantalang iniwan para kumuha ng palanggana pansalo sa patak ng tubig ulan.

Mabilis kong nagawa iyon saka bumalik sa tabi ng kapatid, naging panulak ang panlalamig lalo na sa tumitinding unos at sipol ng hangin

Mag-aalas nuwebe na ng gabi at wala pa si Mama taliwas sa kadalasang uwi nito na alas sais. Buong araw siya ngayon marahil sa gilid ng kalsada kung hindi man sa talipapa o sa kahit saang nahahagip agad ng mga biyahero at iilang turistang napupunta rito sa bundok namin, nagtitinda ng mga tanim naming gulay.

Kung sabagay, talagang matatagalan siya. Pagkatapos akyatin ang bundok, tatahakin pa niya ang napakahabang daanang sinasakupan ng naglalakihang mga puno. Isang buong kagubatan ang maghahatid sa kanya pabalik rito sa amin. Sigurado akong puro putik ang paa niyon pagkarating at nakapayong man, sa lakas ng ulan ay mababasa pa rin.

At isa pa, madilim. Suwerte na lang talaga naming taga rito na pamilyar sa bahaging ito ng lupain na nakakauwi kahit pikit mata.

Pinagmasdan ko ang kumikidlap na kandila. Katabi nito ang sumasalong palanggana. Sumisilip sa amin ang dilim sa bawat patak ng tubig, tila ba ang pagbagsak na iyon ay nagdadala ng ihip na marahang binubugahan ang kandila dahilan para panghinaan ng alab. Napakurap-kurap ako, taimtim na hinihiling na hindi iyon mauupos.

Sinilip ko si Tim. HIndi na nga siya umiiyak pero halos tabunan na ang buong katawan sa lamig at takot habang nakatitig sa kandila, ramdam rin sigurong sa ilang segundo lang ay maaari kaming pagharian ng dilim.

Suminghap ako at umahon para maupo sa tabi niya.

"Tim, tignan mo." Tinapat ko ang mga kamay sa tanging liwanag na kinayang sakupin ng pag-iilaw ng kandila.

Hinugis ko sa mga kamay ang isang ibon na may pakpak: Hinarap sa akin ang mga palad at pinagkrus ang dalawang hinlalaki. Ginagalaw ko ang pinagdikit na mga daliri sa bawat kamay para maging pakpak.

Sa pader, sa loob ng bilugang liwanag, lumilipad ang anino ng ibon at ginagawan ko pa ng tunog. Kita ko ang mangha ni Tim na gusto nitong gayahin ang anino sa maliliit na kamay niya. Madalas na mababaw ang paghinga niya dahilo nga masakitin. Lumala ito ngayon dahil sa paghihirap na maggaya ang kamay ko kaya bago pa siya atakihin, tinulungan ko na. Dalawang anino na ang lumilipad sa aming pader, paikot-ikot sa liwanag at hindi lumalagpas sa bingit ng itim.

OBSIDIAN ISSUES SERIES 3: MARKEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon