Mga Batang Ginawang Buro

713 14 1
                                    

Mga Aswang sa Kabilang Bayan


Tatlong bata na naman ang nawawala. Nakakabingi ang iyakan galing sa mga kubong magkakatabi ng mga nawalan ng anak. Walang may alam kung paano at saan kinuha ang mga bata ngunit iisa lamang ang kanilang itinuturo, walang iba kundi si Mang Domingo.

Ang baryong kilala sa kasaganahan ng malalaking isda galing sa yaman ng kanilang lawa ay binalot ng pangamba at ang lawang nasgsisilbing buhay ng baryo ay nagsimulang matuyo. Hindi mapigil ang panunuyot ng lawa at hindi na rin makatiis ang mga tao kay Mang Domingo.

Maraming ngsasabi na ang mga batang nadadakip ay tinataga ng matalim na itak at itinatambak sa malalaking banga para gawing buro. Inaantay mabulok at uurin para mas maging malinamnam sa panlasa ng mga usap-usapang aswang.

Ang mga aswang raw na ito ay galing sa kabilang baryo na kanyang mga regular na mamimili at gabi-gabi'y nagpupunta sa bahay ng kinatatakutang matanda gamit ang karo na hila-hila ng malaking kalabaw para kuhain ang umaalingasaw at nilalangaw na binuburong bata.

Hindi makapaniwala si Emilio na ang anak nya na si Josepino ay isa sa mga magiging biktima ng mga nawawalang bata. Walang sino man ang may lakas ng loob humarap sa matanda sa takot na ubusin ang kanilang pamilya.

Ngunit iba si Emilio dahil wala ng uubusin sa kanyang pamilya, ang kanyang natatanging Josepino na lang ang naiwan sa kanya na ngayo'y kinuha ng kinatatakutang matanda. Araw-araw ay binabaybay ni Mang Domingo ang kahabaan ng Sitio upang kumuha ng mga sangkap para sa kanyang buro.

Madami ang takot sa kanya dahil mayroon daw syang basbas ng mga aswang galing sa kabilang baryo na bumibili ng kanyang buro kung kaya't nanatili syang malakas sa edad na pitumput-pito.

"Itago nyo ang mga bata papadating na si Mang Domingo!" Madalas na sigaw ng mga tao sa tuwing sya'y paparating.

Ang kanyang itsura ay matangkad at mahaba ang mga braso, payat, maitim, laging may mantsa ang damit na sabi nila'y dugo ng mga paslit. May hila-hilang kariton na may mga tambak ng sako na walang may alam kung ano ang laman.

Pagpatak ng ala-sais ay nagsimula na namang dumilim. Ang gabing ito ay naiiba. Mas maliwanag ang buwan at tahimik ang mga kuliglig animo'y nagmamasid ang matanda sa dilim. Ngunit walang makakapigil sa mga tao, buo na ang kanilang loob na lumusob.

Nagpulung-pulong ang mga residente, bawat isa'y may kanya-kanyang hawak. Sibat, apoy, itak at kung anu-ano pa. Sabay-sabay silang naglakad papunta sa bahay ng mambuburo ng bata.

Pagdating sa tapat ng bahay ni Mang Domingo ay naaninag nila ang mga nagagandahang ilaw ng mga alitaptap. Nahinto sila at tumingala sa mga kislap na tila hinihipnotismo ang kanilang mga diwa.

Kung gaano kaganda ang paligid ng bahay ng matanda ay kabiktaran ng 'di maatim na sumisingaw na amoy galing sa loob ng kubo.

Maya-maya pa'y nagsimula na sila sa kanilang misyon. Winasak ang bintana, hinagisan ng apoy ang bubong, sinira ang pintuan at sunud-sunod na nagsipasukan ang mga kalalakihan. Ang iba nama'y dumiretso sa bakuran at nakita nila ang pitong malalaking tapayan kung saan inilagay ang mga musmos na biktima.

Pagbukas nila rito ay tumambad sa kanila ang makapal na singaw ng nabubulok na laman ng mga bata na ginawang buro. Madali nila itong nilayo sa nasusunog na bahay. Hanggang sa kumalat ang apoy at natupok ang maliit na kubo kasama ang matanda sa loob.

Kinabukasan ay mapayapa ang maliit na baryong Sitio Pulang Lupa ngunit natutuyo pa rin ang lawa. Ganun pa man ay nawalan ng tinik sa dibdib ang mga residente sa pagkamatay ni Mang Domingo.

"Wala ng batang mawawala simula ngayon!" Sigaw ni Emilio habang sila'y naghahanda sa seremonya, ang mga banga na kanilang nakuha ay kanilang ipababasbas at ililibing.

Pagtapos basbasan at ilibing ang pitong mabibigat na tapayan ay nagpasalamat ang lahat sa tapang ni Emilio. Lahat ay nag-udyok na maging pinuno si Emilio ng kanilang baryo.

Nagpa-unlak ng maliit na piging at nagpa-ihaw sila ng malalaking hito dahil simula ngayon ay wala ng mawawalang paslit. Pagdating ng umaga ay nababakas na ang bitak-bitak na lupa sa natutuyong lawa.

Nagpunta si Emilio sa bahay ni Mang Domingo upang makasiguradong patay na ang matanda. Sa kalagitnaan ng kanyang pag-iimbestiga ay nakarinig sya ng kaluskos ng putik sa natutuyong lawa.

Sinundan nya ang tunog at nabigla sa kanyang natagpuan. Nalula ang kanyang mga mata sa dami ng hito. Maliliit, malalaki, at apat na higanteng hito na mas malaki pa sa tao. Pumapagaspas ang madudulas na katawan sa putikan at uhaw na uhaw sa tubig.

Ang mga malalaking hito ay sinusunggaban ang mas maliliit na tila gutum na gutom. Kumislap ang mata ng lalaki sa nakita dahil magkakaroon ng huling pakinabang ang natutuyong lawa. Bilang bagong pinuno ng Sitio Pulang Lupa ay nais nyang ipagmalaki ang kanyang natuklasan.

Sinugod nya ang isang higanteng hito, at hinagisan ng matalim na kawit. Tumama ito sa buntot at sinimulan ang paghila. Biglang lumitaw sa ilalim ang mas malaki pang hito at sinunggaban si Emilio. Sumigaw ang lalaki sa gulat at takot. Ngunit dumulas ang katawan ng tao sa lalamunan ng hito.

Dilat at maliksi pa rin ang kawawang Emilio na kumapit ang kaliwang kamay sa isang matigas na bagay. Dumukot naman ang kanang kamay sa kanyang bulsa at nakuha ang patalim. Pinagsasaksak ang lahat ng kanyang matamaan at nagsimulang mahirapan sa paglanghap ng hangin.

Hanggang sa makakita ng liwanag ang lalaki at nagbukas ang katawan ng higanteng hito. Kumalat ang lamang-loob ng mabahong isda kasabay ng pagdulas nya papalabas.

Sa kanang kamay ay hawak pa rin nya ang patalim, sa kaliwang ay di sya bumitaw sa kanyang pinagkapitan, pagsulyap nya dito ay braso ng kanyang anak, si Josepino!

Mabilis na hinila ang nakilalang bata nang hindi lumilingon sa likuran. Pagdating sa pampang ay kalahati na lang pala ang katawan ng bata. Habang nakatitig sa anak ay napagtanto ni Emilio na malalaking hito pala ang kumain sa mga nawalang paslit.

Tuliro ang lalaki habang bitbit ang anak at tulalang naglakad palayo sa kanilang bayan. Hindi kayang harapin ng bagong pinuno ang kanyang responsibilidad dahil ang pagkamatay ni Mang Domingo ay walang saysay.

Sa kalayuan ng kanyang paglalakbay, bawat hakbang ng mga namamanhid na paa ni Emilio ay hinihila ng lupa. Tanging buwan lamang ang nagbibigay liwanag sa kalangitan.

Sya'y napahinto nang makita ang gaserang ilaw na paparating. Nagkasalubong ng tingin ang kanyang mga mata at ng mga lalaking nakasakay sa karo na hila-hila ng kalabaw, ang mga suki ni Mang Domingo na pinag-uusapang aswang.

"Anong ginawa mo sa bata?" Tanong ng isa. Huminto ang karomata at nakipa-usap nang sandali. "Bumalik na kayo sa pinanggalingan nyo dahil patay na si Domingo." Sigaw ni Emilio. Nagtinginan ang mga lalaki na tila natuwa sa balita.

Inalok ng isang matanda na bilhin ang walang buhay na anak. Napaatras si Emilio. "Sino ka para bilhin ang anak ko?" Matapang nyang sagot.

"Dati akong taga Sitio Pulang Lupa. Ako si Hidalgo" Sambit ng matanda sabay hablot sa katawan ng bata. Paglarga ng karo ay humabol si Emilio ngunit ang kanyang mga paa ay hindi na makakilos.

Paglayo nng karo ay tanaw pa rin nila ang lalaki. Biglang lumundag ang matandang Hidalgo na wari'y lumipad sa ere at sinunggaban si Emilio. Sa gitna ng dilim ay umalingawngaw ang kanyang sigaw na parang kinakatay na baboy habang ang mga lalaking nasa karo naman ay pinagpira-piraso ang katawan ng paslit na parang mga gutom na hayop. At ilang minuto pa'y biglang tumahimik ang paligid. Dinig lamang ang mga paglapa sa laman.

Ang mga usap-usapang aswang na suki ni Mang Domingo sa kanyang buro ay tunay pa lang mga aswang. Ang mga batang nawala ay naakit sa kislap ng ilaw ng mga alitaptap sa likod ng bahay ni Domingo at syang nagbigay ng dahilan upang lumapit ang mga musmos sa lawa. At dito sila nakain ng mga higanteng hito nang hindi alam ng mga tao.

Kung kaya't bumabalik-balik ang mga aswang dahil naglasang laman ng mga batang paslit ang buro.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 04, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Mga Batang Ginawang BuroWhere stories live. Discover now