Kabanata 3

1.8K 115 92
                                    

HINDI na maunat ni Bernadette nang maayos ang kaniyang likod kakayuko at kakatayo mula sa maghapong paglalaba at pagsasampay. Inaatake kasi ng rayuma ang kanilang ina kaya siya ngayon ang nakatoka sa paglalaba. Hindi naman niya maaasahan si Ton-ton sa ganitong gawain at dahil baka wisikan lang nito ng tubig ang mga damit, e di nangati pa sila? Ayaw naman din niyang ipasalo pa ang mga ito sa ate niya dahil alam niya pagod na rin ito pag-uwi mamaya.

     Pasado alas-dos pa lang ng tanghali kaya matindi pa ang sikat ng araw, halos masunog na ang balat niya. Paano na ang pangarap niyang pumusyaw? Mukha na nga siyang naglalakad na sunog na turon, 'tapos ay araw-araw pa siyang mabibilad sa arawan? Ano na lang kaya mangyayari sa kutis niya?

     Naghahalo na ang pawis at tubig sa balat ni Bernadette, pero tila hindi niya iyon alintana. Gusto na niyang matapos sa pagsasampay para makapagpahinga na siya at makagawa ng mga takdang aralin. Nitong mga nakaraang linggo, nararamdaman na niya ang hirap ng pagiging working student. Tama ang ate niya, mahihirapan siyang balansehin ang oras, pero walang balak sumuko si Bernadette. Wala sa dugo ng mga Palma ang mahihina. Kung kinakaya ng ate niya para sa kanila, kakayanin din niya.

      "Laban, Badet! Fighting!" Inayos ng dalaga ang pagkakatindig at masigasig na sinampay ang hawak-hawak na t-shirt sa improvised sampayan na pinakumpuni pa ng nanay niya sa kapitbahay. Gawa lang iyon sa pinagtagpi-tagping wire at kahoy, pero ilang bagyo na ang dinaanan nito heto't matibay pa rin. Dinaig pa nito ang bubong nila na sa hindi malamang dahilan ay palaging nabubutas kahit buwan-buwan na lang yata ay pinaayos nila. May kapre bang kumakagat sa bubong nila tuwing gabi? Pambihira!

      "Ngayon lang ako nakakita ng babaeng ganiyan ka-energetic magsampay."

      Dahil abala ang isip niya sa pag-iisip ng remedyo sa kanilang mahiwagang bubong, hindi niya napansin ang lalaking lumapit sa kaniya. Nagulat na lamang siya nang marinig ang boses nito sa tabi niya. Dahil five feet flat lang ang height niya, sa dibdib ng lalaki unang dumako ang tingin niya. Nakabukas ang unang dalawang butones niyon. Napakurap siya't mabilis na inangat ang mukha, bahagya pa siyang napapikit dahil nasilaw siya sa araw. Dinala niya ang isang palad sa taas ng kaniyang mga mata upang magsilbing shield.  Ilang saglit siyang nag-isip kung kapre ba ang nasa harapan niya o ano. Ang tangkad, e! Pero kailan pa natutong pumorma ang mga nilalang na 'to?

     Pass sa kapre.

     Kahit nakasuot ng itim na itim na shades ang estranghero, halatang may hitsura ito. Ibig mag-walk out ng ilong niya sa tangos ng aristokratong ilong nito. May pagka-moreno at mukhang sosyal. Luminga-linga siya sa paligid, maliban sa kotseng nakatigil sa harap din nila, wala namang ibang mga tao. Walang camera o ano pa man. Confirmed na wala ring shooting, so bakit may artista rito sa San Guevarra?

      "Sino ka?" Lumipat siya ng puwesto kung saan mas makikita niya ito nang maayos at nang hindi naluluha dahil sa araw.

      "I'm looking for—sorry," anito't tumigil na para bang biglang may na-realize. "Hinahanap ko ang bahay ni Adalina Palma."

     "I-it's okay, I can understand English," sansala ni Bernadette rito. Bagama't matigas at may punto ang ingles niya, nakakaintindi at nakakapagsalita naman siya niyon nang walang problema. Aba'y sayang naman ang pagpapaaral sa kaniya ng ate niya sa kolehiyo at pagiging dean's lister niya kung hindi, 'di ba?

      Tila hindi apektadong tumango-tango ito at pumamulsa. "Oh, cool. I'm sorry about that." Tinapunan nito ng tingin ang munti nilang barong-barong. Sa pagdadala pa lamang nito sa sarili, halata nang mayaman ang lalaki, ngunit wala siyang naaninag maski bahid ng pagkadisgusto sa mukha nito. "So, is this Ada's house?"

DIS #2: The Right OnesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon