When the Ink Dries (Zodiac Pr...

Autorstwa CrabLamb

4.1K 326 39

[ ON GOING ] As the body count climbs on the concept of immoral justice. This chilling tale will explore the... Więcej

Note
Introduction
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 18
Chapter 19
Chapter 20

Chapter 6

180 15 0
Autorstwa CrabLamb

"Paano kung napahamak ka? Paano mo nagawang iwanan yung gamot mo?!" 

Hindi ko alam kung ilang beses sinabi iyon ni kuya Gael pero hindi ito ang oras para sabihin sakaniya iyon. Nag-alala siya at kasalanan ko ang nangyari.

Napatingin ako sa gilid ko at natagpuan ko ang nakakrus na mga braso ni kuya Gray, magka-kalahating oras na rin nang makauwi siya galing sa trabaho pero hindi pa rin siya nagbibihis. Dama ko na galit rin siya sa nangyari, na gusto niya rin akong pagsabihan pero masyado nang nagu-uyam sa galit ang panganay para sumawsaw pa. 

Hindi ko alam kung ilang oras akong nagpakalma ng sarili. Sadyang hindi muna ako umuwi dahil nag-ayos muna ako ng sarili at nagpatuyo ng pawis para hindi nila mahalata, pero katulad nga ng kasalukuyang nangyayari, hindi ako nakalusot.

Natagpuan ni kuya Gael ang gamot ko sa kwarto, at dahil nakasubaybay silang dalawa ni kuya Gray sa oras ng pag-inom ko at bilang nila ang gamot ay agad nilang nalaman na hindi ako nakainom.

Naisip kong magsinungaling, na dalawang gamot ang binili ko pero alam na ng dalawa kong nakakatandang kapatid ang pasikot sikot ng personalidad ko. Dating myembro ng Commercial Crime Division si kuya Gael, marami na siyang kriminal na nainterview na mas batikan pa sa pagsisinungaling kaysa sa akin. Si kuya Gray naman ay isang Editor-in-Chief sa sikat na limbagan sa buong Pilipinas, nakakasalamuha siya ng mga pulitiko at mga batugan na journalist na hindi nagseseryoso sa deadlines. 

Sa madaling salita, bukod sa may ibedensya sila laban sa magiging palusot ko, sa mata nila ay hindi ako magaling mag sinungaling.

"Tapos nung makakalma ka na, hindi ka man lang tumawag saamin? Ilang beses ba kita tinawagan at pinapatay mo lang?"

"Alam ko kasi na magagalit kayo..."

"Talagang magagalit kami!" napakurap ako nang padabog na sinara ni kuya ang lagayan ng pagkain ni Baste. Maging ang aso namin ay napaatras sa lakas, nagda-dalawang isip kung kakainin pa ang nilagay na pagkain ng kuya ko sa kainan niya, "Paano kung tarantado iyong nalapitan mo? Anong magagawa mo? Anong magagawa namin? Saan ka namin hahanapin?"

Kagat labi kong ipinagtanggol ang sarili ko, "Kuya, buhay naman ako."

"Kung ganoon ay magagalit na lang kami kapag patay ka na? Ganoon ba?" hindi na napigilan ni kuya Gray ang sumabat. Nag-uyam ang loob ko pero wala akong maisip na panapat sa sinabi niya.

Katahimikan...

Nararamdaman ko na ang pamumuo ng mga luha ko kaya naman napayuko na ako. Pakiramdam ko? Pinagtu-tulungan nila akong dalawa. Alam ko naman na kasalanan ko, na nagagalit sila dahil sobra silang nag-alala, pero hindi ko mapigilan. Siguro maraming magtataka na former cadet ako pero ganito ako, mababaw ang luha, pero ang hindi nila alam ay hindi naman talaga ako ganito. 

Naging mababaw ang luha ko dahil sa naranasan ko. Naging mainitin ang ulo, naging iritable ng sobra, naging emosyonal ng sobra dahil sa naranasan ko...

Napahikbi ako ng isa. 

Pinigilan ko ang sarili ko. Imbis na tumulo ang mga luha ay natuyo ito, pero maraming hikbi ang gustong kumawala.

Hikbi...

"Gwen," tawag saakin ni kuya Gael pero hindi ko siya tinignan, tahimik lang akong hinimas himas ang ulo ni Baste na lumapit saakin. Naramdaman sigurong paiyak na ako kaya panay ang amoy at abot sa mukha ko.

"Gwen tumingin ka sa akin."

Hindi ko siya sinunod.

Isang malalim na buntong hininga.

"Gray, kaya ba ang hatid sundo?"

Sa sinabi ni kuya Gael ay napaangat ako ng tingin, tuluyan nang kumawala ang pagkairita sa buong mukha ko at napatayo sa kinauupuan, "Kuya ano ba?! Veintinueve na ako, hindi na ako bata!"

Sa sinabi ko ay pinanlisikan ako ng mata ni kuya Gael. Bahagyang nawindang ang buong pagkatao ko at napaatras ng kaunti sa sidhi at bigat ng tingin niyang iyon. 

Kung mayroon man isa sa aming magkakapatid ang nakakuha ng mga mata at maawtoridad na aura ni papa, si kuya Gael iyon. Minsan lang siya magalit, at kung mangyayari man iyon, alam niyang siya ang nasa katwiran.

"Sa tingin ko magagawan ko ng paraan," putol ni kuya Gray sa tinginan namin ng panganay, hindi naman ako makapaniwalang tumingin sakaniya.

"Veintinueve na nga kung veintinueve. Pero hindi hadlang ang edad mo sa seberidad ng mentalidad mo. Bakit Gwen? Kaya mo ba kontrolin iyang sakit mo kahit walang gamot?" seryosong sangga ni kuya Gray, mas lalong lumakas ang hikbi ko dahil sa talim ng mga salita niya, "Wag mong gagamitin ang edad mo sa aming mga kuya mo. Hindi porket niregla ka na't lahat ay alam mo na ang lahat ng bagay sa mundo."

Umiling ako sakanilang dalawa.

Hindi ko na kaya.

Lantik ang mga paa kong humakbang papunta sa direksyon ng hagdan. Hindi ko pinansin ang blankong tingin ni kuya Gael, hindi ko rin pinansin ang pagtunog ng panga ni kuya Gray sa gigil, tanging mga padabog na hakbang ko lang sa hagdan at matulis na hakbang ni Baste pasunod saakin ang maririnig sa buhong bahay.

Sa sobrang gigil ko ay sinipa ko ang pintuan ng kwarto, nagsilaglagan ang mga nakasabit sa likuran nito pero wala akong balak ayusin iyon sa galit. Isa pa ay puro sa kuya ko iyon.

Malakas ang pagkakahampas ng pintuan sa pader kaya paniguradong dinig iyon hanggang sa baba.

"Gwen, ano ba?!"

Si kuya Gael iyon, sa huling pagkakataon ay hindi ko siya pinansin. 

Ni-lock ko ang pintuan. Kwarto ko ito pero narito ang ilang mga gamit ni kuya Gray sa trabaho, maliit lang kasi ang kwarto niya kumpara saamin ni kuya Gael kaya nakisuyo muna siya para sa maliit na espasyo.

Binagsak ko ang sarili paharap sa kama. Hindi nagtagal ay nangalay ako at humiga pagilid, tumulala sa limpak limpak na papel na paniguradong gamit ni kuya Gray at inikot ang mata sa bwisit. 

Umakyat si Baste sa kama. Pagsasabihan ko sana na bumaba pero matapos akong amoy-amuyin ay hinimlay nito ang baba sa aking tiyan. Napabuntong hininga nanaman ako at hinimas himas ang ulo niya para lambingin.

"Veintinueve na nga kung veintinueve. Pero hindi hadlang ang edad mo sa seberidad ng mentalidad mo. Bakit Gwen? Kaya mo ba kontrolin iyang sakit mo kahit walang gamot?"

Ipinikit ko ang aking mga mata sa sobrang pagod. Kung kailangan man ni kuya Gray ang mga kagamitan niya bukas sa trabaho niya, manigas siya dahil hindi ko bubuksan ang pintuan.



SA pang pitong tangka ni kuya Gray na tawagan ako ay tuluyan ko nang pinatay ang aking cellphone. Bukod sakaniya ay nakatanggap pa ako ng labing dalawang tawag mula kay kuya Gael at dalawa kay Levy, lahat nang iyon ay hindi ko sinagot. 

Napahilamos ako ng mukha at tumingin na lamang sa labas ng jeep na sinasakyan ko. Mabuti na lamang ay hindi ko naisipan na kila Levy manuluyan mamaya, paniguradong kapag nalaman niya ang nangyari ay kakampihan niya ang mga kuya ko. Kung kay Adie naman ako makikitulog ay isang tawag lang sakaniya ni kuya Gray ay bibigay na iyon. 

Kaya naman nang matagumpay akong makaalis ng bahay kaninang alastres ng umaga ng hindi nagigising ang dalawa kong nakakatandang kapatid ay iniwanan ko na ng mensahe si ate Shaina. Na sakaniya ako makikitulog ng isa o tatlong araw.

Mabuti na lang ay hindi na nagtanong si ate Shaina kung bakit at pumayag kaagad. Alam niya kasi na kung manghihingi ako ng ganitong pabor ay paniguradong personal, at hindi niya ugaling manghimasok sa mga ganoong bagay lalo na at pag dating saakin. Hindi ko alam kung awa iyon o respeto dahil dati akong sundalo, alin man sa dalawang bagay na iyon ang dahilan, malaki pa rin ang respeto ko kay ate Shaina. 

"Para po."

Nang makababa ako ng jeep ay agad akong napasimangot sa langit. Makulimlim at kahit pa marami rami ang laman ng bag ko ay sigurado akong wala akong nailagay o nadalang payong. 

Napailing ako sa aking sarili, sana lang ay hindi matuloy. 

Nang marating ko ang gate ay mabilisan kong binuksan muli ang aking phone at tinext si sir Martin. Hindi kasi ako makakapasok ng gate gawa ng hindi ako estudyante, alumni o propesor ng UST. 


06-27-2018

Sir Martin:

Sige sandali lang. Antayin mo ako at nasa grandstand lang ako 


Hindi na ako nag reply at tinago na agad ang phone sa aking bulsa. Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko nasabi sa dalawang kuya ko kung saan ako pupunta ngayong araw, sana lang ay hindi sila magtanong kay Adie dahil sa pagkakatanda ko ay nabanggit ko sakanila ni Ji Eun na magmo-model ako para sa mga art students ngayon. 

Napaisip naman ako kung sinabi ko rin kay Levy na pupunta ako ng UST ngayon. Pero kahit naman makapunta sila dito ay hindi sila papapasukin ng guard. Wish ko lang na walang kilala dito ang mga kuya ko o wag na silang mag abala pa dahil masama talaga ang loob ko.

Napatitig ako sa aking relo. Hindi porket na ito ang bunga ng pag-aaway naming magkakapatid ay kakalimutan ko na ang responsibilidad ko sa sarili ko. Aaminin ko na may punto si kuya Gray, na hangga't nakadepende ako sa mga medisinang iniinom ko ay hindi ko pwedeng gamitin ang edad sa pangangatwiran. Sa panic na naramdaman ko kagabi? Masasabi kong hindi ko pa kaya.

Baka nga hindi ko kayanin, hanggang sa dulo.

Na baka habang buhay na akong ganito...

"Hey... Take a deep breath..."

Lumunok ako at humigop ng hangin mula sa aking ilong.

"You are safe..."

"You are in control."

Sana totoo...

Sana lagi...

Hindi naibsan, hindi gaanong nakatulong ang mga katagang iyon sa lakas ng tibok ng puso ko noong lunes. Naririnig ko pa rin ang mga bagay na hindi ko rapat naririnig sa payapang daan ng Katipunan.

Hindi rin ako naniniwalang ligtas ako sakaniya, iyon ay dahil sa posibilidad na kasabwat siya ng mga nasunod sa akin at mukhang mas mahina siya pagdating sa pisikal na depensa kaysa saakin.

Hindi ako ligtas noong gabing iyon.

Hindi ako kontrolado.

Pero nakahinga ako. Nakalakad. Nakaakyat. Nakauwi. 

Ligtas ako.

Ligtas rin siya.

Doon ko napagtanto na hindi man lang ako nakapag pasalamat. Bigla na lang rin kasi siya nawala nang makabili na ako ng gamot. Nasigawan ko pa siya dahil sa panic ko, pero hindi siya gumanti. Ramdam ko rin na may respeto siya sa kung ano man ang sabihin ko, alam niya rin kung ano ang tamang distansya.

Ano kayang pangalan niya?

Napailing ako. Ang mas pinoproblema ko dapat ay ang mga taong sumusunod saakin noong gabing iyon. Siguro ikokonsulta ko kay ate Shaina mamaya.

"Gwen?" 

Napaahon ako sa malalim kong pag-iisip nang marinig ko ang boses ni sir Martin. Agad akong lumapit sakaniya at hindi ko naiwasang na yumapos.

"Sana lang ay niyayakap rin ako ng ganito ng mga kinakapatid mo," biro ni sir Martin matapos ang ilang tapik sa aking likuran. 

Napangiti ako, "Nasa Korea si Ji Eun. Pinapatanong niya kung may gusto ka ba raw na pasalubong mula sakaniya." 

Dahil nandito na si sir Martin ay malaya na akong nakalagpas sa guard.

"Kahit regaluhan na lamang niya ako ng isa sa mga gawa niya," sagot ni sir Martin habang naglalakad sa kahabaan ng Arellano, "Kulang ang pang tatlong buwan kong suweldo sa presyo ng mga obra niya eh."

Napatawa ako at payapang pinakinggan ang malakas na hampas ng hangin sa mga puno, "Isang request mo lang ay libre mong makukuha kahit na anong gusto mo."

Pinagmasdan ko ang naglalakad na mga estudyante mula sa malayo. Kung hindi ko siguro pinili na maging cadet ay paniguradong naranasan ko ang maging isang kolehiyala. 

"Alam mo naman na hindi ko ugaling kumuha ng mga obra na may karampatang presyo," pag-papaalala saakin ni sir Martin, iginala niya rin ang mata sa paligid na tila may inaalala, "Sabihin mo na lang sa kaibigan mo na bisitahin niya ako dito pag balik niya at mag pinta tayong tatlo sa gitna ng open field."

"Hindi sa umaayaw ako sa reunion sir Mar, pero mag-isa ka," napatawa ng malakas si sir Martin sa sinabi ko. 

"Aba bakit hindi?" habol ni sir Martin sa gitna ng mga tawa niya, "Pwede ko rin iyong ituring na seminar sa mga estudyante ko."

"Kakaiba ka talaga magturo."

"Sinong may sabing hindi ako pwedeng maging malikhain rin sa pagtuturo?" 

Napataas ako ng kamay, simbolo ng pagsuko. 

Hindi rin nagtagal ay narating namin ang Beato, pamilyar ito saakin dahil kapag magmo-modelo o dadalaw ako ay dito ako kalimitan tumatambay. Bukod kasi sa ito ang building para sa mga nag aaral ng arts, ito lang ang tanging gusali sa buong campus na pamilyar ako. Ang laki masyado ng UST at kahit ilang beses na akong nagawi rito ay hindi pa rin ako pamilyar sa mapa.

"May klase po ba kayo ngayon?" tanong ko habang naglalakad kami sa hallway.

"Mayroon ako 2 hour class bago mag tanghalian," sagot ni sir Martin sabay liko sa direksyon ng auditorium, "Iga-gather ko lang ang mga estudyante ko sa room, alam mo na naman kung saan ang dressing room, hindi ba?"

Tumango ako bilang sagot, "10 minutes iteration po ba ulit?"

"30 minutes," pagtatama ni sir Martin sa sinabi ko.

Napanganga ako at napatigil dahil nasa tabi ko na ang pintuan papasok ng auditorium, "Mukhang paluwag ka ng paluwag sir Martin ah."

"Pagaling lang ng pagaling ang mga estudyante," sagot ni sir Martin, "At isa pa, mas mahabang oras ay mas malaking improvement ang kailangang makita."

"And that's art school," tango tango kong sabi habang nakangiti, ngumiti din saakin si sir Martin bago kami maghiwalay ng landas. 

Walang tao sa dressing room ng auditorium nang makarating ako kaya hindi ako nahirapang pumili kung anong cubicle. May nakalagay na box sa katabi ng mahabang salamin at napagdesisyunan ko na doon ko na lang ilalagay ang damit ko pansamantala.

Nagsimula ako sa lumang doll shoes na suot ko. Sunod ang maong na palda at itim na cycling na pangibaba. 

"Mag shave ka."

Napalobo ako ng pisngi nang maalala ko iyon. Hindi ko na nagawa dahil masyado akong busy sa pagta-translate noong weekend at wala akong oras kagabi, hindi rin naman ako nagkaroon ng chance kaninang umaga sa pagmamadali.

"Hayaan na," pagsa-sawalang bahala ko. Ang mga estudyanteng guguhit naman saakin ay paniguradong sanay na at wala nang pakialam. 

Hanggang nga sa huling saplot saaking katawan ay wala na. Hindi ko naiwasang tignan ang sarili ko sa salamin. Hindi pantay ang kulay ng mga braso ko sa katawan ko, kita rin ang iilang peklat sa binti at likuran ko. 

Inalis ko ang pagkakapuyod ng buhok ko, nagbabasakali na matakpan ang ilang peklat sa balikat o dibdib ko pero masyadong maikli. Naalala ko rin na depende sa posisyon na ipapagawa saakin sir Martin kung may matatakpan man sa kahubaran ko. Pwede niya kasing ipahawi sa akin ang buhok ko.

Sa ikalawang pagkakataon ay ipinagsawalang bahala ko ang lahat. Muli, ang mga taong titingin at guguhit sa katawan ko ay mga estudyanteng batikan na. Hindi man ito ang una at huling beses na makikita nila ako ay kahit kailan ay hindi nila malalaman ang pangalan ko hangga't hindi ko sila binibigyan ng karapatan.

Agad kong sinuot ang luntiang bestida na madaling hubarin sa luwag. Matapos ay pinatungan ko pa ng balabal na itim na paniguradong pinanggagamit sa mga dula-dulaan. Dadaan pa ako sa hallway kaya kailangan kong takpan muli ang sarili ko.

Nang marinig kong bumukas ang pintuan ng auditorium ay agad akong kumilos para lumabas ng dressing room. 

Sa halip na si sir Martin ay isang babaeng naka pantalon at light blue na t-shirt ang bumungad sa akin, naka salamin ito at tila hinahanap ako. 

"Estudyante ka ni sir Martin?"

Nang marinig ang boses ko ay agad nagawi saakin ang paningin niya, tinignan niya muna ang kabuuan ko bago ngumiti at tumango.

"Pinapasundo po kayo."

Ngiti akong tumango at sumunod na sakaniya. 

Walang gaanong estudyante sa hallway pero maingay ang paligid, maririnig mo na may nag de-debate sa kaliwa at mayroong nanonood ng pelikula sa kanan. Kung may titingin naman sa akin na naglalakad sa hallway ay hindi iyon nagtatagal. 

Bago pa man mapihit ng babae ang pintuan ay bumukas na ito at iniluwa si sir Martin, pinauna niya ang estudyante na makapasok at inantay na magsara ang pintuan. 

"Katulad ng nakagawian, bawal kang gumalaw sa loob ng tatlumpung minuto pero pwede kang tumingin sa kahit saan, pwede ka ring pumikit," paalala ni sir Martin habang nagbubuklat ng kaniyang sketch pad, "Pero sa totoo lang ay gusto kong tumingin ka sa mga mata ng estudyante para mas mabigyan sila ng pressure."

"To-torturin ko mga estudyante mo sa tingin ganoon?" natatawang sabi ko habang nakatingin sa sketch pad. 

"Si Ji Eun nga nginitian pa yung nasa pinaka unahan," sabay kaming natawa sa ibinahagi niya, "Ay nako, iyong batang iyon talaga."

Hindi nagtagal ay ipinakita na sa akin ni sir Martin ang postura. Dahil tatlumpung minuto akong magaala bato sa gitna ng nakabilog na mga estudyante ay hindi ganoon kahirap ang postura, iyon nga lang ay nakatayo ako. 

Pero hindi iyon problema sa akin.

"May stage sa gitna, ipapakita ko saiyo ang gawa ng bawat isang estudyante pagkatapos. Ako ang manghuhusga sa progression, pero ikaw ang manghuhusga sa accuracy," ani ni sir Martin. 

"Sige po."

Ilang segundo ang lumipas ay napagdesisyunan na ni sir Martin na pagbuksan ako ng pintuan. Tahimik ang buong room nang pumasok ako, may ilang tumingin sa gawi ko pero agad din nilang pinawi dahil nag-aayos pa sila ng mga gagamiting materyales. 

Diretso ang tingin kong nilakad papunta sa maliit na entablado sa gitna, pilit na hindi mapatid sa suot kong bestida at balabal. Kada hakbang ko ay siyang tunog ng tela at kada sunod na hakbang ay tunog ng pantasa.

Yapak akong humakbang paakyat, hindi alintana ang mahigpit na kapit sa itim na balabal. Karamihan sa mga estudyante ay babae, iyon ang wari ko mula sa gilid ng paningin ko. May nakita akong isang lalaki sa bandang likuran kanina kaya hindi ako mangangamba dahil likod ko lang ang maiguguhit niya. 

Pipikit ba ako?  Unang tanong na pumasok sa isip ko habang inaantay ang cue ni sir Martin. 

Kisap mata akong tumingin sa estudyanteng nasa harapan ko at ang responsable sa pag guhit sa harapang parte ng katawan ko.

Hindi lang pala isa ang lalaking estudyante.

Dalawa.

Sa isang kisap ng mata na ginawa ko ay nagtama ang paningin namin. Hindi ako napasinghap sa gulat, hindi ko rin siya nakitaan ng pagkagulat. Hindi ko masabing sa lahat ng lahat ng tao at lugar na pwede kaming magkita ay bakit dito pa?  Bakit siya pa?  dahil hindi naman kami magkakilala ng lubos, hindi rin naman masama ang una't huli naming pagtatagpo. 

"Tatlongpung minuto," pag-papaalala ni sir Martin sa likuran. Iyon na rin ang hudyat na maghubad ako.

Pipikit ba ako?! Halos magwala ako sa tanong na iyon na alam kong ako lang ang makakasagot. Ayokong mahalata ng ibang estudyante na hindi ako kumportable na maging modelo nila kaya pinilit kong kalmahin ang sarili ko at inalis ang balabal. 

Alam ng Diyos kung gaano ko sinulit ang pagtupi bago ito inilagay sa baba ng entablado. Sunod kong hinubad ay ang mahabang luntiang bestida na hindi kalauna'y bumaha sa mga paa ko. 

Damang dama ko ang pag tama ng malamig lamig na hangin mula sa bentilador nang umayos ako ng tayo at ginawa ang postura. 

Pigil ang hininga kong hindi huminga ng malalim.

Tumingin ako sa unahan. 

Hindi ako pipikit. Iyon ay sa kadahilanan na hindi postura ng ballerina ang pinili ni sir Martin. Postura ng isang mandirigma. Kahit kailan ay hindi pumikit ang isa sa gitna ng laban. Pipikit lamang ito kapag nakahalik na ang mukha sa lupa. 

Hindi nagtagal ay nagsimula na akong makarinig ng mga pag guhit mula sa iba't ibang direksyon. Kahit sa papel sila naguhit ay dama ko ang paghimlay ng maliit na porsyento ng uling sa iba't ibang parte ng katawan ko. 

Ginuguhit... Sinasabuhay... Dalawampu't siyam na taong hinulma ang katawang ito. 

Gagawin lamang ng tatlumpung minuto.

Diretso akong tumingin sa lalaking nasa unahan. Hindi siya nakatingin sa akin. Para mas espesipiko, hindi siya nakatingin sa mga mata ko.  Kalimitan sa mga estuydyanteng nasa pinakaunahan ay inuuna ang mukha, hindi ko alam kung para mabawasan ang oras ng pagtatama ng paningin ng modelo at ng pintor kaya iyon ang ginagawa nila, pero kung ilalagay ko ang sarili ko sa sapatos ng estudyante ay iyon ang magiging dahilan ko.

Bukod sa importante at masyadong kumplikado ang ekspresyon sa limitadong oras, ayokong mas magkunwari na walang kahiya hiya sa sitwasyon.

Pero ang lalaking ito...

Base sa direksyon kung saan siya gumuguhit ay nagsimula siya sa gitna. Sa dibdib ko ba? Sa tiyan? Hindi ko alam. Kung tama man ang hinala ko ay kahanga hanga siya, bibihira lang ang mga kilala kong naguguhit na doon nagsisimula.

Nakagat ko ang maliit na bahagi ng labi ko nang tumingin muli siya sa katawan ko. Ilang segundo... bago bumalik ulit sa papel kung saan siya nag guguhit. 

Balat na kasing puti ng mga bulak,  maliit pero hindi kasing singkit kagaya ng kay Ji Eun na mga mata. Katawan na hindi payat, pero hindi rin malapad. Tono ng Tagalog na halatang pinagsumikapang aralin. 

May sandali na tumigil siya sa pag guhit at umatras. Noong una ay hindi ko iyon pinansin pero nang tumingin siya sa katawan ko at tumitig ng lima? sampu? o mahigit na segundo ay nagbaga ang talampakan ko. 

Anong tinitignan niya?  Hindi ko maiwasang magtanong na tila hindi ko alam ang iba't ibang parte ng katawan ko. Na may kung ano man dito na hindi ko pa nakikita na tinitignan niya ngayon.

Kaya nang biglang umakyat ang tingin niya sa mga mata ko ay halos malagutan ako ng hininga. Bukod sa hindi ko iyon inexpect at kasalukuyan akong may sinasagot na tanong sa utak ko ay masyadong mabilis ang akyat ng tingin niya. 

Nakaramdam ba ako ng takot? Hindi ko alam. Mas lalo akong naguluhan kung takot o gulat ang naramdaman ko nang ngumiti siya sa akin. 

Matamis...

Na ngiti....

Pero hindi lahat ng matamis na ngiti ay mabuti, hindi ba? May purong ngiti, may hiya, uhaw, mapanuklaw...

Mapanlinlang...

Doon ko napansin na kada tingin niya sa akin ay nagtatama na ang paningin namin. Ibig sabihin lang noon ay mukha ko na ang ginuguhit niya. Kada tunog ng lapis ay palaki ng palaki ang kyuryusidad ko kung ano ang itura ng guhit niya saakin. Tamang tama ba? Detalyado? 

Makalipas lang ng ilang sandali ay natapos ang tatlumpung minutong katahimikan.  Pinalabas ni sir Martin lahat ng estudyante habang ako ay nagtataklob muli ng bestida at balabal. Hinintay ko siyang tapusin ang kaniyang anunsyo sa mga estudyante at sumulyap saglit sa lalaking iyon. 

Hindi man lang ito nagtapon ng tingin at dire-diretsong naglakad kasama ng mga kaklase paalis.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni sir Martin at tumingin saakin, "Oh siya, gradean na natin?"

Tipid ang ngiti kong tumango at nagsimula na nga kaming mag-ikot. Kagaya ng inexpect ko ay karamihan sakanila ay marunong na, may ilan ilan na napunta siguro sa maling anggulo kaya hindi ganoon katumpak, lalo na sa bandang tagiliran.

Hindi nagtagal ay napunta kami sa harapan, at masasabi kong doon kami pinakanatagalan.

Hindi ganoon kagaling ang lalaki kagaya ng ineexpect ko. Halata sa guhit kung ano ang inuna niya, at may ibang parte na kung hindi masyadong malaki ay masyadong maliit naman.

Ang tanging lamang lang niya ay detalye ng mga peklat, halos malaglag ang panga ko dahil ni isa ay walang kulang mula sa anggulo niya. Perpekto din ang ulong parte, lalo na ang mata. 

"Husga mo?" 

Napalunok ako at tinitigan sa huling pagkakataon ang obra.

"Kung..." panimula ko, naramdaman kong napagilid ng ulo si sir Martin dahil hindi numero ang sinabi ko.

Napatikhim ako bago nagpatuloy.

"Kung bibilhin ko ito, magkano kaya sa akin ibebenta ng estudyante mo?"




SA huli ay hindi ko nabili ang obra. Iyon ay dahil kailangan ni sir Martin ang mga ito para i-monitor ang progreso ng mga estudyante pagdating sa pag guhit. 

Napaikot ako ng mata nang maalala ko ang sinabi ko kanina. Hindi rin naman ganoon kalaki ang dala kong pera, paano kung maibenta nga saakin pero kulang naman ang pera ko? Nakakahiya!

Tanghalian na pero wala pa ako sa mood na kumain kaya napagdesisyunan kong maglakad lakad sa Benavides Garden. Nakapag paalam na ako kay sir Martin at nag text na rin ako kay ate Shaina.  Napagkasunduan naming kumain na lang pagkasundo niya sa akin. May mga bagong missed calls din ako sa dalawang kuya ko pero hindi ko iyon pinansin. 

Hindi naman ako ganoon katibay at may konsensya rin ako kaya nag text ako kay Levy na ayos lang ako at hindi muna ako uuwi, na hangga't hindi tumitino at hindi nawawala ang pag-aalala ng dalawa kong mokong na kapatid ay manunuluyan muna ako kung saan. Hindi ko inespesipiko na kay ate Shaina, syempre.

May tatlong lane sa hardin na ito at mukhang sikat rin tuwing lunch kaya may ilang ilan akong estudyante na nakakasalamuha. Kalimitan ay mga college students mula sa malalapit ang building, at ilan ay mga propesor. 

Mayamaya ay narinig ko muli ang tunog ng tubig, ibig sabihin ay malapit ako sa arch of centuries. Naalala ko pa noong unang beses namin ni Ji Eun dito at kung gaano karaming picture ang pinakuha niya sa akin dahil balak niyang gumuhit magdamag.

Napailing ako sa naalala ko. 

Unti unti akong nangalay kaya naghanap ako ng mauupuan. Maraming bakante pero pinili ko yung malapit sa fountain. Pakurba kong pinalantsa ang maong kong palda at inupo ang sarili ko.

Muli kong iginala ang paningin. Ngayon ay lumilipad nanaman ang isip ko sa maraming posibilidad kung hindi ako pumasok sa kampo. Kagaya rin kaya ako ng mga nakikita ko? Puro aral at laging puyat? Paniguradong mag wo-working student ako, either sa loob ng campus bilang taga ayos ng mga libro sa library o sa opisina ng guidance. 

Napaihip ako ng naka harang na buhok sa mukha ko, posible siguro iyon kung may pera kami o matalino akong nilalang na pwedeng mag apply ng fully covered scholarship. Siguro ay nag try out na rin ako, makakuha lang ng extra na discount kahit wala naman akong katalent talent sa sports.

Nailagay ko ang dalawang kamay ko sa aking likuran at lumiyad ng kaunti sa pagkakaupo, pero kahit na hindi ko naranasan ang lahat ng ito, wala akong pinagsisihan. Mukha mang walang punto lahat ng sakripisyo ko, alam ko balang araw ay magbubunga rin ang lahat ng tinanim ko. 

Napapikit ako.

Balang araw magugulat na lang ang mga kapatid ko...

Balang araw... Maiintindihan din ni mama.

"Gwen, may nakuha akong lead."

Dumilat ako na may pares na ng mga mata ang nakatingin saakin. 

Bahagya pang umawang ang labi ko sa gulat. Bukod roon, wala akong ginawa upang gumalaw. Alam mo iyong pakiramdam na maalimpungatan ka sa gabi tapos may diretsong nakatingin saiyo sa paanan ng kama? Ganoon ang pakiramdam ko.

Iyong tingin niya... parang bumalik lang kami sa malaking espasyo na kwartong iyon. Kahit nakabalot na ako ng saplot ngayon ay pakiramdam ko ay nakahubad pa rin ako. 

Napakurap ako nang tumikhim siya at  pumwesto sa hindi kalayuan saakin. Hindi malayo pero sapat ang distansya para ipakita sa iba na hindi kami magkasama. 

Nabato ako sa kinauupuan ko. Tila ba nawalan ng hangin sa paligid ng ilang segundo. Napaayos rin ako ng upo, diniretso ang tingin sa ilang mga sasakyan na dumadaan. 

Tanghalian na, hindi rin ba siya kakain? Baka naman tapos na siya?  Napakurap ako at luminga linga pa sa paligid. Walang malapit na estudyante ang makikita.

"Na-nakita ko ang gawa mo," halos mabingi ako nang marinig kong tumigil siya sa pagsusulat sa maliit niyang kwaderno, "Bibilhin ko sana pero sabi ni sir Martin ay hindi pwede."

Alam kong hindi ko na dapat ibinahagi iyon pero may intensyon akong magpasalamat sakanya sa ginawa niyang pag-alalay noong isang gabi. Maaring sabihin na sa kawalan ng ideya kung paano ako magsisimula ay iyon na ang nasabi ko. 

Saglit na katahimikan...

"I am not good at drawing at all, miss," malamig na ani niya, halos katulad ng tono ng boses niya noong isang gabi. "I'm still learning, but thank you. Does that mean I'm progressing well?"

Sa sinabi niya ay napatingin ako sa gawi niya. Nakatingin na siya saakin, suot suot ang matamis na ngiti na kahalintulad ng pinakita niya sa akin kanina. 

Umiwas muli ako ng tingin. 

"It's not that bad," bulong ko, pero sapat na siguro para marinig niya. "Hindi ko naman nakita ang past drawings mo para maikumpara ko."

Napatingin ako sa gilid ko nang marinig kong magkalikot siya sa bag niya. Tuluyan akong napatingin nang maglabas siya ng sketch pad at iabot sa akin iyon. Maintained pa rin ang distansya.

"Nagda-drawing lang ako tuwing klase. You can check my past sketches and tell me what I can still improve." 

Uhaw sa progression. Iyon ang nakita ko sakanya noong una, pero sa ekspresyon ng mata niya habang inaabot saakin ang sketch pad niya ngayon, pakiramdam ko ay tinutulungan niya lang akong ibsan ang awkwardness sa pagitan namin.

Sa madaling salita wala siyang interes, pero hindi siya lantarang bastos para hindi paunlakan ang imbitasyon kong makipag-usap.

Napalunok muli ako at tinanggap ang sketch pad, hindi ko alam kung saan mapupunta ang usapan na ito, ni hindi rin ako sigurado kung maisasakatuparan ko talaga ang gusto ko sabihin ng maayos. Dahil ngayong alam kong wala siyang pakialam sa kung ano mang sasabihin ko, parang nawalan na rin ako ng gana na mag pasalamat.

Alam kong wala sa lugar, pero hindi ko mapigilan.

Binuklat ko ang sketch pad niya. Hmn, katulad ng obra at guhit sa akin ay may mga parte na hindi tumpak. Hindi ko alam kung sadya dahil iyon ang estilo niya o masyadong kumplikado para sakanya ang iguhit iyon ng tama. Yoong mga guhit ay halatang hindi sanay sa pag guhit; dikit dikit ang mga linya, halatang hindi nag effort na iangat ang lapis sa papel ng tatlo hanggang limang beses.

Manunulat.

Saglit kong inalis ang paningin sa sketch pad at pinagmasdan ang maliit na kwadernong kanina pa niya sinusulatan. Mabilisan kong ikinumpara ang bilis ng kamay niya sa pagsusulat kaysa sa pag guhit. Masasabi kong mas alam niya ang ginagawa niya pagdating sa mga letra. Walang sandali na tumigil siya at nag isip kumpara noong ginuguhit niya ako, hindi rin strikto ang mga mata niya kung ihahalintulad sa ekspresyon niya kanina.

Sa nakita ko ay sinara ko ang sketch pad at inilagay ito sa pagitan naming dalawa, doon lang siya napatigil sa pagsu-sulat at napatingin saakin. 

Ngumiti ako ng kasing tamis ng iginagawad niya sa akin.

"Okay naman siya."

Napataas siya ng dalawang kilay sa kinomento ko. Halatang nag-aabang kung may sasabihin akong kasunod. Pero sa halip na ibuka ko ang bibig ko ay ibinaba ko ang tingin ko sa hawak niyang kwaderno.

"Parehas sa itura ng gawa mo kanina."

Sa madaling salita wala siyang progreso.

Isang lait.

"Sa tingin ko kailangan mong mag review kung paano ang tamang anatomy," na dinagdagan ng sandamakmak na asin. "Lalo na sa bandang baywang." 

Sa kawalan ng pakialam niya ay agad kong napagtanto na patago niyang tinatago ang taas ng lipad niya.

Sapat na siguro ang mga sinabi ko para bumaba siya ng kaunti, hindi ba?

Napangiti ako, at kung titignan mula sa ibang anggulo ay paniguradong mukha akong nang-aasar. 

Sinisisi ko ang lahat ng ito sa dalawang kuya ko na bwinisit ako.

Agad kong tinignan ang phone ko nang tumunog ito. Hindi ako nag atubiling buksan pa dahil nang makita ko ang pangalan ni ate Shaina at ang salitang papasok sa pahapyaw na mensahe niya ay tumayo na ako sa pwesto ko. 

Sa huling pagkakataon ay tumingin ako sa lalaki, "Maraming salamat nga pala at tinulungan mo ako noong Lunes ng gabi. Hindi ako nakapag pasalamat kasi bigla kang nawala. Mabuti na lang at sinuwerte akong makita ka ngayon." 

Nagpasalamat ako, pero ang tono ko ay walang sinseridad.

Walang lingon lingon akong naglakad palayo. Dama ko ang tingin niya sa likuran ko pero kagaya ng mga tawag ng kapatid ko ay ipinasawalang bahala ko iyon. 

Halos malaglag ang panga ko nang makita ko si ate Shaina na naka parke sa Intramuros Drive, naka motor pala. 

"So, ano gusto mong kainin?" excited na bungad niya nang makita akong palapit. 

Muling sumagi sa isip ko kung gaano sumingkit ang mata ng lalaki habang nagpapasalamat ako.

Napangiti ako kay ate Shaina habang kinukuha ang helmet mula sa kamay niya.

"Gimbap?"




Czytaj Dalej

To Też Polubisz

A Fan's Fantasy Autorstwa Nique

Krótkie Opowiadania

164K 4.7K 12
Black Blade Series #1 Kay Leon Felizardo umiikot ang mundo ni Summer Aguirre. She is and always will be a self proclaimed Leon's girl. Palagi siyang...
24.8M 1.1M 123
The third and final volume of Project LOKI. Join Lorelei, Loki, Jamie, and Alistair as they bring down Moriarty's organization. Looking for VOLUME1...
696K 47.2K 44
Crime and murder podcaster Wren Lozarte is desperate to earn money for her ailing uncle so she accepts a strange but high-paying offer from a mysteri...
63.4M 2.2M 44
Warning: Do not open if you haven't yet read Hell University. This is just a sequel of that book. Thank you!