At si Vaughn Eric ay parang siyang-siya naman sa pakikipaghunta sa babae. Mayamaya kung lumagok ng alak, saka muling babaling sa babae. At one point, nakita ni Patricia na sinaklit pa ng pintor ang beywang ng babae, at pakabig na idinaiti sa tagiliran.

Sa harapan ng dalawa, masaya ring nakikihalo sa huntahan si John.

Tumalikod si Patricia. Ibinalik ang atensiyon sa mga marine life. Naisip niya, parang ang sarap isalpak sa mukha ng babae itong iba't-ibang sea orchins, o kaya'y isungalngal sa bibig nito itong pinakamalaking sea cucumber. Pero puwede ring hampasin na lang sa ulo ng isang malaking piraso ng coral upang lubos na manahimik.

Napatigil sa karumal-dumal na isipin ang dalaga. Bakit bigla ang kanyang panggigigil? At bakit sumasama ang kanyang loob? E, kilala na niyang playboy ang pintor, ano ang bago sa nakikita niyang pakikipagharutan ngayon ng lalaki?

Bago pa nakapagbigay ng katwiran si Patricia ay nakalapit na sa kanya ang isang Kano. Hawak nito sa kamay ang baso ng alak, at nakangiting bumati sa kanya.

"Hello there, lady."

Mga kaedad ni Vaughn Eric ang puting lalaki. Sa totoo lang, may 'itsura at parang maganda rin ang bulto ng pangangatawan.

"Hi," paiktad siyang nagsukli ng pagbati.

"Alone?"

"No," bahagya siyang dumistansiya, ngunit nanatiling nakaharap sa dayuhan. "I-I was with someone."

"My name is Devon, from Los Angeles." Nag-unat ito ng bisig upang makipagkamay sa dalaga.

Nagpilit ng isang ngiti si Patricia. Wala siyang makitang masama mula sa isang tao na gustong magpakilala. In fact, naisip niya, the guy from L.A. was only trying to make friends, or maybe, acquaintances. Inabot niya ang kamay. "Patricia."

Nag-shake hands sila ni Devon. Mula sa kung saan, sumulpot sa kanilang harapan si Vaughn Eric. Mabagsik ang kilos ng lalaki. Sinakmal nito sa gawi ng pulso ang magkadugtong na mga kamay nina Patricia at Devon. Ngunit kitang-kita ng dalaga na mas mahigpit ang pagkakadaklot ni Vaughn Eric sa bisig ng Kano. Bakit ay naglilitawan ang mga ugat sa nakakuyom nitong kamao. Kitang-kita rin niya ang tila biglang pagpuyos sa galit ang pintor.

Pagkuwan ay si Vaughn Eric ang pumutol sa ugnayan ng mga kamay nina Patricia at Devon. Binitiwan nito ang sa dalaga, ngunit patuloy na sinakmal ang sa Amerikano.

"Don't push your luck, buddy," ani Vaughn Eric sa dayuhan. "The lady is taken. Now get back from where you have been!"

"Vaughn!" Nagulat siya nang makitang marahas na ibinagsak ng lalaki ang kamay ng Kano. Walang kibong umatras ang sindak na Amerikano, bago tuluyan itong pumihit saka tuloy-tuloy nang lumayo. "Ano ka ba, nagpakilala lang 'yong tao." Kontrolado ang kanyang tinig.

"Kilala ko ang mga hayup na 'yan, Trish."

"Wala namang ginagawang masama—"

Hinapit siya sa beywang ni Vaughn Eric. "Let's go find John. Magpapaalam na tayo."

Halos mapatingkayad si Patricia sa paglalakad sa kalawakan ng bulwagan, habang damang-dama niya ang paglingkis ng kamay ng lalaki mula sa kanyang likuran. Hindi niya lubos maunawaan ang nagaganap, lalo na ang kakatwang mga reaksiyon ni Vaugn Eric.

Wala silang kibuan hanggang sa magsimulang humarurot pabalik ng Isla Verde ang speedboat. Katabi niya sa upuan ang lalaki, katunayan, halos walang puwang sa kanilang pagitan. Conscious ang dalaga sa pagdadaiti ng kanilang mga tagiliran, sa maya't-mayang pagbabanggaan ng mga gilid ng kanilang paa, at, lalo na, sa maliliit na buntunghininga ni Vaughn Eric, at sa bahagyang pangangamoy-tsiko ng lalaki.

Breathless Encounterحيث تعيش القصص. اكتشف الآن