VI

1.3K 29 0
                                    

HINDI ako nagkakamali. Tandang-tanda ko pa rin ang hitsura nito. Hindi maitatanggi ng aking isipan ang pagkakapareho nito doon sa napaginipan ko. Kahit pa malayo ito sa aking paningin ay parang nakita ko na ito ng malapitan sa sobrang pamilyar nito.

Hindi ko lubos akalain na totoo ito sa tunay na buhay, ang lugar na akala ko'y gawa-gawa lang ng isipan ko. Ngunit bukod sa pagkamangha ay nagsitaasan ang mga balahibo ko sa katawan sa hindi malamang dahilan.

Ang pagsipol ng hangin ay waring mga bulong na tumatawag sa'kin. May bahagi sa aking puso na tumutulak sa'kin na lapitan ang mansyon.

At ang aking pag-aalinlangan ay natapos din at nabuo ang aking desisyon.

Lumapit ako sa pampang kung saan may nahanap akong bangka. Nakatali ito sa nakatusok na kahoy. Luminga-linga ako sa paligid upang suriin kung may makakakita sa binabalak ko, ngunit wala akong nakitang tao sa lugar na 'to.

Dahan-dahan kong kinalas ang tali at sumakay sa bangka. Umuuga ito kahit sa mga simple kong paggalaw.

Hinanda ko na ang aking sarili at kinuha ang sagwan na nasa loob din ng bangka. Sinimulan ko nang itulak ang aking sarili patungo sa mansyon.

Payapa lang ang tubig kaya madali lang ang pagsagwan. Ngunit, dahil hindi ako sanay na mamangka, napapasigaw ako sa hagupin ng mga mumunting alon.

"Lintek!" sigaw ko nung muntik na akong mawalan ng balanse at masubsob sa baba. Mabuti nalang at nakontrol ko din agad.

Hindi rin nagtagal ay natunton ko na rin ang lugar. May munting bakal na gate sa harap at hagdan na magdadala sa'yo paakyat sa mansyon. Medyo nahirapan pa ako sa pagbaba ngunit nagawa ko rin, pagkatapos, tinali ko ang bangka sa gilid kung saan mayroong munting poste.

Huminga ako ng maluwag matapos ang nakaka-stress kong pamamangka, makapunta lang dito. Hindi na rin masama, sapagkat iyon palang ang pinakaunang beses na ginawa ko 'yon.

Bukas lang ang gate kaya nakapasok ako agad. Sa pag-akyat ko sa hagdan upang matunton ang mansyon, dahan-dahan akong humahakbang. Nag-aalala ako kung may tao pa bang nakatira dito. Kasi kung oo, maakusahan pa ako ng trespassing.

Bumungad sa'kin ang mansyon, kung saan napatunayan na tama nga ang hinala ko. Hindi ko alam kung bakit ito dumaan sa panaginip ko.

Mala-European ang estilo nito at punong-puno ng mga halaman sa paligid.

"Tao po! May nakatira po ba dito?!" pagtawag ko ngunit wala akong nakuhang response.

Lumapit ako sa bintana upang sumilip sa loob. Medyo maalikabok pa 'to kaya pinunasan ko muna ito gamit ang aking kamay. Isa nanamang pamilyar na eksena ang bumungad sa'kin, sapagkat tulad ng nasa panaginip ko, nakatalukbong din ng puting tela ang lahat ng kagamitan sa loob.

Mukhang inabandona na talaga ang mansyon na 'to.

Luminga-linga ako sa paligid at baka meron ding hardinero na nag-aalaga dito. Buhay na buhay kasi ang mga halaman sa bakuran.

"Tao po!" tawag ko sa pangalawang pagkakataon, ngunit katulad din ng kanina, wala ring tumugon.

Naglibot-libot ako sa mga halamanan. May mga iba't ibang uri ng bulaklak na hindi ko alam ang mga pangalan. Pinagmasdan ko sila at akmang pipitasin upang gawin ko sanang souvenir pag-uwi ko, ngunit pinigilan ko nung may dumapo dito.

Ito nanaman yung paru-parong hinahabol ko kanina pa. Nakapagtataka, paano kaya niya ako nasundan sa lugar na 'to? Dito ba talaga ako nais ihatid ng paru-parong ito?

"Ang ganda dito," sabi ko sa paru-paro na nananatili pa rin sa bulaklak.

Ewan ko kung bakit nadarama ko na may koneksyon kaming dalawa kaya kinakausap ko siya, kahit na alam kong wala siyang ka-ide-ideya sa mga sinasabi ko dahil isa lang siyang hamak na insekto.

"Dito ka ba nakatira?" tanong ko pa sa paru-paro. Tanga ba ako para kausapin pa 'to?

Bigla nalang siyang lumipad palayo pagkatapos kong sabihin 'yon. At sa bilis ng kaniyang pag-alis ay hindi ko nanaman siya ulit nasundan ng tingin.

Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]Where stories live. Discover now