Sa muling pagbabalik ng Il Secularis, muli silang maghahasik ng karahasan katulad ng karahasang ginawa nila noong pinatay ang kanilang idolo at pinaslang ang kanilang pinuno mahigit isang siglo na ang nakakalipas. Upang mapadali ang kanilang plano, kanilang kinidnap ang Presidente, kasama ng isa sa mga apo sa tuhod ng unang pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo at tinangkang kitilin ang mga buhay nito kapag hindi naibalik ang librong ninakaw ni Aguinaldo sa kanilang pinuno. Sa pangyayaring ito, ipinatawag ng gobyerno si Philip Sangreal upang tumulong sa paghahanap sa kinidnap na Presidente. Ang paghahanap na ito ay isinagawa sa pangunguna ng Bise Presidente na siyang tutulong kay Philip, kung saan kasama nito ang NCRPO Chief at mga myembro ng Philippine Army sa paghahanap sa nawawalang pangulo at sa apo ng dating pangulo. Sa kalagitnaan ng kanilang paghahanap, madidiskubre ni Philip ang isang katotohanan na kapag naisiwalat ay maaaring maging katapusan ng kasaysayan ng Pilipinas.