Libro

10 0 0
                                    


Libro (Mga bahagi ng aklat sa Filipino)

Inihahandog ko itong aking aklat,
Labing isang bahagi, una ang PABALAT.
Sa simulang parte ay agad makikita,
Nakaukit ang larawan mong napakaganda.

Sinusundan ito ng BAKANTENG DAHON,
Puso mo ba'y bakante rin sa ngayon?
Sana ay oo sapagkat habang lumalaon,
Itong nadarama ay ayaw na ngang huminahon,

Kaya't huwag kang mabigla sa PAHINA NG PAMAGAT,
Kung "Liligawan Kita," ang mga katagang nakasulat.
Bagkus ito ang katotohanan, ayoko ng magpanggap,
Higit pa sa kaibigan, ikaw ang babaeng pangarap.

Nailimbag itong aklat nang magpasyang ligawan ka,
Araw na sagutin mo ay makapaglimbag din sana.
Hiling na tayo ay matulad sa PAHINA NG MAY-AKDA,
Na sana ang "tayo" ay may panahon ding nakatakda.

Nang ikaw ay namataan labis-labis ang PASASALAMAT,
Laking tulong mo kaya sa tugma ay hindi salat.
Bilang kapalit dalawang daang porsyento akong magiging tapat,
Walang kulang, iibiging labis, 'pagkat ikaw ay sapat.

Nagsusulat ako at ang dahilan ay ikaw nga,
Ito ay inilathala ko sa PAUNANG SALITA.
Ang babae sa likod ng bawat tulang ginagawa,
Isa kang obra maestra, hindi ka lamang halimbawa.

Nagtala ako ng kwento patungo sa magpakailanman,
Isang alamat kung saan nagsimula itong nararamdaman.
Ito ang nasa aking TALAAN NG NILALAMAN.
At sa puso ko'y ikaw, oo, ikaw na naman.

Kaya't kung bubuklatin mo ang KATAWAN NG AKLAT,
At umabot sa punto na mabasa ang sinasabing alamat.
Na kung saan ako'y naglayag, naghintay, at saka ka nahagilap.
Sa hindi inaasahang pangyayari, ako ay nahulog sa isang iglap.

Mula noon sa aking bibig ngalan mo na ang namutawi,
Balintataw ay nais kang matanaw palagi.
Gusto kitang makasama sa bawat takip-silim,
Parang salita sa GLOSARI itong pag-irog ay malalim

Hayaan mong magpakilala ako dito sa BIBLIOGRAPI,
Hindi kaibigan, kundi bilang umiibig sa'yo binibini.
Ako'y isang manunulat na palagi kang nasa isip,
Patuloy umaasang ito'y hindi lang hanggang panaginip.

At sa pagtatapos ay sa INDEKS ko ipinadadaan,
Hindi nakaayos paalpabeto, kundi mga kaganapan.
Ikaw ay nakita, nagustuhan, at aking liligawan,
Minahal, minamahal, mamahalin kita ng walang hanggan.

Ito ang aking aklat na para saiyo at tanging saiyo ko lamang inilalaan.

Libro (Mga bahagi ng aklat sa Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon