Into the Walls by TheSadistAuthor

128 4 7
                                    

Matagal na kaming magkaibigan ni Lydie. Ako naman si Meil.

Mula grade school ay magkaklase na kaming dalawa kaya ng makatungtong kami sa kolehiyo ay napagkasunduan naming kunin ang parehong kurso sa parehong unibersidad.

Dahil malayo ang paaralang aming pinapasukan, napilitan kaming tumira sa isang maliit na kwarto sa isang paupahan.

May anim na kwarto sa loob ng paupahan. Bawat silid ay makipot. Tanging isang double deck na higaan at isang aparador lamang ang iyong makikita dito. Mainam na lamang at magkasilid kaming dalawa kaya tama lamang sa amin ang ganoong sitwasyon.

Sa itsura pa lamang ng mga kasangkapan sa loob ng paupahan ay mahahalata mo ng matanda na ito. Tila'y kapanahonan pa ng mga espanyol nang itinayo ang gusali.

Dalawang buwan na rin kami rito. Mapayapa naman kung hindi lang dahil sa halo halo ang tumitira dito, mapababae man o lalaki.

Tuwing gabi, sinusuklay ko ang mahabang buhok ni Lydie upang siya ay makatulog. Nakasanayan ko na ring gawin ito sa loob ng dalawang buwan. Sa ganoong mga oras din ay kumakatok sa pader na namamagitan sa amin si Alexander, ang nakatira sa katabi naming kwarto.

Mabait si Alexander.

Palagi niyang kinakamusta ang lagay namin ni Lydie roon. Kaya nga lang minsan ay napakamisteryoso niya. Palagi niyang isinisingit sa usapan kung wala ba kaming balak na lumipat ng matitirhan.

Parang pinapaalis niya kami.

Isang sabado noo'y umuwi ng probinsya si Lydie para sa kaarawan ng kanyang pinsan. Pinilit niya akong sumama subalit tumanggi ako. Gusto ko kasing bumawi para sa midterm dahil maliliit ang nakuha kong marka. Kailangan kong mag-aral.

Dumating ang gabi. Nagbabasa pa rin ako ng aklat namin sa Psychology sa aking higaan. Dahil double deck ito, nasa bandang baba ako.

Di ko na namalayan ang oras. Napatingala ako sa orasan namin. Mag-aalas dose na pala. Dinadalaw na rin ako ng antok.

Pinatay ko na ang ilaw at tanging ang liwanag na lamang ng buwan mula sa labas ang nagbibigay ng kaunting sinag sa akin.

Humiga na ako sa aking pwesto sa bandang ibaba ng double deck. Napatingala na lamang ako sa may itaas na parte nito nang makita kong inilayay ni Lydie ang kanyang buhok pababa ng kanyang higaan. Siguro'y di siya makatulog. Alas dose na pa naman din.

Tumayo ako at inabot ko ang aking suklay sa may lamisita katabi ng aparador. Di ko na pinaandar ang ilaw. Tutal ay madali lang din naman na ito.

Pumwesto ako sa may uluhan ni Lydie na nasa itaas na parte ng double deck.

Nakakumot siya. Sinimulan ko ng suklayin ang kaniyang buhok.

"Lydie, humahaba na masyado buhok mo. Magpaputol ka na bukas ha."

Hindi siya umimik. Hinayaan ko nalang. Baka patulog na talaga.

Tinuloy ko na lamang ang pagsuklay sa kanya para siguraduhin na makatulog na siya nang biglang may kumatok sa dingding. Si Alexander, yung nasa kabilang kwarto. Kinatok ko rin pabalik ang dingding na namamagitan sa dalawang kwarto namin.

Sa tuwing kumakatok ako ay kumakatok rin siya pabalik, nang biglang di na niya itinigil ang pagkatok dito. Kinuha ko ang cellphone ko at itinext siya para tumigil na dahil masyado ng maingay.

To Alexander:

Oyy tama na ang pagkatok mo jan sa kabilang kwarto. Baka magising si Lydie.

Tumigil naman agad ito. Tiningnan ko muna si Lydie na nakakumot pa rin at tila mahimbing na ang tulog.

Nang biglang tumunog ang cellphone ko.

Alexander:

Meil, wala ako jan. Isinama ako ni Lydie. Nasa probinsya nga kami nila ngayon diba.

Nanlaki ang mga mata ko. Tila tumigil sa pag gana ang aking sistema. Di ako nakagalaw. Bumilis ang tibok ng puso ko at pinagpawisan ako ng higit pa sa sobra.

Pinaandar ko agad ang ilaw nang mabilis pa sa kung ano man.

May tao pa rin sa taas ng higaan at nakakumot pa rin ito.

Pero... PERO SINO SIYA?

Lumapit ako dito nang dahan-dahan. Hinablot ko ang kumot para matanggal ito mula sa pagkakabalot sa kanya.

Nakatalikod pa rin siya. Nakaputi itong bestida. Mahaba ang buhok at napakaitim ng bawat hibla. Diretso ang kanyang katawan sa pagkakahiga.

Tumayo na lamang ang aking mga balahibo nang hinay-hinay itong humarap sa akin subalit nakahiga pa rin.

Hindi ako makapagsalita at parang itinali ang aking mga paa sa pagkakatayo

Napansin ko na lamang nang nakaharap na ito na hindi na pala magkadugtong ang kanyang ulo at katawan. Tila hiniwa ito ng diretso sa may leegan. Duguan mula leeg niya hanggang sa may mukha.

Dilat na dilat na nanlilisik ang kanyang mga mata.

Napahakbang nalang ako paatras nang ngumiti siya. Yung ngiting nakakatakot. Parang gagawan ka ng masama. 

Hindi ko na alam. Naramdaman ko na lamang na bumagsak ako sa sahig at lahat ay nag-itim na lamang sa isang iglap.

Into the WallsWhere stories live. Discover now