Chapter 1

54.1K 826 80
                                    

Chapter 1

"Tang*nang buhay 'to!" 'yan ang naibulalas ko, nang maduming bahay, lamesang walang pagkain at nag-iiyakang mga anak ang nadatnan ko. Walang bakas ng asawa ko sa loob ng pamamahay namin pero dinig na dinig ko ang malakas nilang tawanan ng kaibigan niya sa likod bahay namin. "Tang*nang buhay talaga!" Ako na nga ang kumakayod para sa pamilya dahil lasinggero ang walang hiya kong asawa. Sa opisina bunganga ng boss ko ang bumabati sa'kin tuwing umaga tapos pag-uwi gan'to pa.

"Mama! Huwaaaahh! Mama gutom na po ako!" iyak sa'kin ng pitong taong gulang na panganay ko. "Mama si Let-let hindi pa po dumedede. Wala na pong gatas," dagdag pa niya habang kandong niya ang bunsong kapatid na pilit na pinapatahan. "Mama!" sigaw na naman niya.

"Putang*na! Manahimik kayo! Ang sakit-sakit na ng ulo ko! Pare-pareho lang tayong gutom! Pumanik kayo sa taas ng kapatid mo!"

"Mama..." ang tanging nasabi ng panganay kong si Julliane habang ang bunso ko'y tuloy pa rin sa pag-iyak.

"Panik!" nagmamadali siyang pumanik, sa takot na rin siguro na kapag lalong nag-init ang ulo ko ay malutong na palo ang maibigay ko sa kanya. Hindi ko naman sinasadya kapag minsan ay napapalo ko siya, dala lang talaga ng matinding inis sa araw-araw na walang patid na problema ang dumarating sa'min. Nawalan ng trabaho ang ama nilang si Lito, nang malaman ng kumpanya ang tungkol sa paggamit niya ng droga. Baon kami sa utang. Dalawang buwan nang hindi nababayaran ang upa ng bahay na tinitirhan namin at may natanggap na rin akong disconnection notice sa kuryente at tubig. Sinong hindi mapapamura at mag-iinit ang ulo 'di ba? Ang daming kailangan bayaran pero ako lang ang kumakayod, tapos may asawa pa akong lasenggo! Lecheng buhay 'to! Hindi ko alam kung anong mabigat na kasalanan ang nagawa ko sa nakaraang buhay ko at gan'to ang pasakit na dinaranas ko ngayon.

Bigla akong napatingin sa poon kung saan may maliit na rebulto ng Birheng Maria at ng Nazareno. "Tang*nang buhay. Nasaan ang Diyos kapag nangangailangan ako ng gan'to."

Pumunta ako sa likod-bahay namin at nadatnan ko ang asawa ko na lumalagok pa ng alak. May tatlong bote ng gin sa ibabaw ng lamesa, dalawa roon ay wala ng laman habang ang pangatlo ay nangangalahati na. May mangkok din na wala nang laman, pero may bahid pa ng pulang sarsa, na kung hindi ako nagkakamali, 'yun ang sardinas na iniwan ko sa lamesa kaninang umaga, na ibinilin kong ulamin nila ng mga anak niya. Inutang ko pa 'yun sa tindahan kanina, kahit na halos murahin na 'ko, at maiyak na 'ko sa pagmamakaawa kay Manang Siling, basta may makain lang sila ng mga anak ko.

Kasama niyang umiinom ang kapitbahay naming si Rodrigo na sa katapat na bahay lang namin nakatira. Isa pa 'tong inutil eh, lasenggong wala ring trabaho. Ang pinag-kaiba lang nito sa asawa ko, binata siya at walang pamilyang dapat buhayin. Palamunin ng nanay niyang tindera sa palengke.

"Nabalitaan mo ba 'yung swerteng dumating kay Lucia? Aba eh, mag-a-abroad na 'yung bunsong anak at bukas na ang alis. Samantalang parang noong nakaraang buwan lang eh problemadong-problemado ang pamilya nila. Ka-swerte 'di ba?" kwento ni Rodrigo.

"Oo, swerte! Hindi mga malas na tulad niyo! Tang*na kayong dalawa, mga batugan, walang kwenta!" bulalas ko sa sobrang galit ko. Napatingin sila sa'kin pareho.

"O, mahal nadyan ka na pala.." tumayo ang asawa ko at pagewang-gewang na lumakad palapit sa akin.

"Huwag mo akong ma-mahal-mahal diyan Lito! Lasing ka na naman! At 'yung sardinas na dapat para sa mga anak ko, ginawa niyo lang pulutan!" mangiyak-ngiyak kong sigaw sa kanya. "Ikaw Rodrigo, umalis ka rito sa pamamahay ko! Puntahan mo 'yung nanay mong nagkakanda-kuba na sa pagtratrabaho mapalamon ka lang! Wala kayong mga awa! Mga inutil na, wala pang konsensya!"

"Pare, alis na ko. Ang hot ng asawa mo.." nakuha pang magbiro nitong Rodrigo na'to.

"Tang*na mo! Lumayas ka sa harapan ko!" sigaw ko.

"Mahal ang init naman ng ulo..."

"Oo! Mainit talaga ang ulo ko, at nagpupuyos sa galit ang kalooban ko. Hindi ka man lang naawa sa mga anak mo! Inuna mo pa 'yang bisyo mo kaysa unahin ang kumakalam na sikmura ng mga anak mo. Anong klaseng ama ka?" tinalikuran ko siya at naglakad ako papasok ng bahay. Siya naman ay pilit na sumunod sa akin. Kung hindi dahil sa bisyo ni Lito, hindi naman kami magkakaganito. Hindi gan'to ang buhay namin noong hindi pa siya nalululong sa droga at alak. Ayoko na sawang-sawa na ako sa ganitong klase ng pamumuhay namin.

Umakyat ako sa ikalawang palapag ng bahay namin at pumunta sa kwarto naming mag-asawa. Kinuha ko ang pinaka-malaking bag na mayroon ako at isinilid ko roon ang ilan sa mga damit ko, mga uniporme sa trabaho at ilan pang mahahalagang gamit, saka ako pumunta sa kwarto ng mga anak ko at ganoon rin ang ginawa ko. Isinilid ko sa bag ang ilan sa mga damit nila na kakasya pa sa bag ko.

"Mama, aalis po ba tayo? Saan po tayo pupunta?" tanong ng panganay ko.

"Oo, aalis tayo. Doon muna tayo sa Tiya Susan."

"Anong ginagawa mo? Saan mo dadalhin ang mga anak ko?" akalain mong nakuha pang umakyat nitong lasing kong asawa.

"Aalis ako, at isasama ko ang mga anak natin."

"Hindi kayo aalis!" lumapit sa akin si Lito at pilit na hinahatak ang bag mula sa'kin pero dahil sa kalasingan niya, natumba siya agad nang itulak ko siya. Ang mga anak ko naman nag-umpisa na namang magsi-iyak.

Isinarado ko agad ang bag, binuhat ko ang bunsong anak kong si Juliette at hawak ko sa kamay si Julliane habang pababa kami ng hagdan. Narinig ko pa ang pagtawag ni Lito sa pangalan ko, pero hindi ko siya nilingon, hanggang sa makalabas na kami ng bahay.

Akala ko nakaalis na ako sa impyernong buhay ko, hindi pa rin pala.

to be continued...

HILING (Published under Viva-Psicom)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon