Si Redder, Ang Kyoot na Kuting, at si Div

910 34 29
                                    

Aminado ang estudyanteng si Redder Black na malapit na siyang mahuli sa kaniyang klase ngunit ipinagsawalang-bahala lang niya iyon at itinuloy pa rin ang mabagal na paglalakad sa ilalim ng maaliwalas na kalangitan na animo’y ninanamnam ang bawat daang kaniyang dinaraanan kahit pa halos araw-araw na niya itong nakikita. Palibhasa’y sanay nang mapagalitan ng kaniyang mga propesor kaya malakas na ang kaniyang loob at halos wala na siyang pakialam.

Hindi rin lingid sa kaniyang kaalaman na halos lahat ng nakakasalubong niya, babae man o lalaki, estudyante o manggagawa, bata man o matanda, ay napapatingin sa kaniya hanggang sa makalagpas na sila sa isa’t isa. Iyong iba’y humahabol pa nga ng tingin sa binata.

Ito ay hindi dahil sa preskong paraan niya ng paglalakad kung saan diretso ang kaniyang likod at nakapamulsa ang magkabilang kamay habang nakasukbit sa isa niyang balikat ang dalang itm at pulang backpack na parang wala namang laman. Hindi rin iyon dahil sa kaniyang suot na uniporme na kahit hindi niya isuot nang maayos ang pulang kurbata at iayos ang una at huling butones ng suot na long-sleeved polo ay bagay pa rin sa kaniyang tikas na taglay at nadadala niya ito nang mahusay.

Ito ay sa kadahilanang kakaiba ang kulay ng kaniyang buhok at mga mata na pawang mga natural kahit mukhang hindi. Ang kulay pula niyang buhok na siya ring pinagmulan ng kaniyang pangalan ay bumagay sa maputi niyang kutis na lalong nagpatingkad sa taglay na karisma ng binata. Ang mga mata naman niya ay kulay ginto na sa unang tingin ay mukhang contact lens pero hindi dahil natural nga ang mga ito. Walang ibang nakakaalam kung bakit ganoon ang kulay ng kaniyang mga mata bukod sa kaniya at sa pamilya niya kaya naman may mga panahon na ito ang nagiging dahilan para siya ay tuksuhin ngunit kahit kailan ay hindi ito naging kabawasan sa kaniyang pagkalalaki.

Hanggang sa makarating siya sa harap ng unibersidad na kaniyang pinapasukan ay diretso at mabagal lang ang lakad niya. Ngingiti lamang siya kung may makakasalubong na kakilala.

Bago pa siya tuluyang makalapit sa gate, napahinto siya nang makarinig ng maliit ngunit matinis na panaghoy ng isang pusa.

“Ngiyaaw.. Ngiyaaw.. Ngiyaaawww..”

Kaagad niyang hinanap kung saan ito nanggagaling at hindi niya inalintana ang oras. Bagkus ay mas excited pa siyang makita ang hinahanap kaysa pumasok sa kaniyang klase. Hindi rin naman natagalan ang binata sa paghahanap dahil nakatago lang ang kaniyang hinahanap sa damuhan malapit sa kaniyang pwesto. Hindi pala ito isang pusa kun’di isang kuting na may purong puting balahibo. Hindi rin ito mukhang pusang gala dahil kung tutuusin ay malinis ito na animo’y naiwan lang o iniwan nang pasadya.

“Ming-ming-miingg.. Sino’ng nag-iwan sa’yo rito?” tanong ng binata sa kuting kasabay ng pagbuhat niya roon. Tanging pag-ngiyaw lamang ang isinagot ng kuting ngunit napangiti pa rin siya.

“’Di bale, isasama na lang kita sa klase ko,” dagdag pa niya.

Binitbit niya ang pusa hanggang sa makapasok siya sa loob ng campus at nang papasok na siya ng gusali ay hinarang siya ng guwardiyang bantay hindi dahil sa bitbit niyang kuting kun’di dahil sa kulay ng kaniyang buhok.

“Boy, bawal ang may kulay ang buhok. I.D. mo,” sabi nito sabay lahad ng kaniyang kanang kamay sa binata.

Si Redder, Ang Kyoot na Kuting, at si DivTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon