Maghapon

138 1 1
                                    

Wala ako sa aking sarili nang mga panahong iyon. Nagtungo ako ng Palawan upang hilumin ang sugat na patuloy na nilulustay ang aking damdamin. At doon ko nga natagpuan ang lalaking sinubok na punan lahat ng kawalang meron ako.

Gabi iyon. Mag-isa kong binagtas ang gilid ng islang sagana sa mga turista sapagkat semana santa. Natabing ng masaganang tugtugin mula sa hilaga ang aking atensiyon. Pumaroon ako. At nakita ko ang samu’t saring kilos at galaw ng mga fire dancers habang iniikutan ang isang malaking apoy. Naaliw ako nang masdan ko…hindi ang galaw ng mga mananayaw…hindi rin dahil sa mga sumasayaw. Naaliw ako nang dumako ang aking mga mata sa harapan kung saan nakatindig ang isang binatilyong sa tingin ko ay mga limang taon ang kabataan sa akin, tunga-tunga ang isang bote ng alak habang kinikilatis ang panlabas kong hitsura. Nang lumaon, habang patuloy na nang-aaliw ang mga mananayaw, nagpatuloy din ang pagkakalapit ng binatilyo hanggang sa ang kinalabasan ay ang pagtatabi namin sa kanyang higaan.

Hindi ko inintindi ang mga negatibong inhibisyon. Nagparaya ako. Ipinadama’t ibinigay ko sa kanya ang kanyang pangangailangan. Umindayog kami sa bilis at ritmo ng musika sa labas. Dinama namin ang kasariwaan ng himnong pumapailanlang sa alapaap. Lasing siya. Alam ko iyon. At walang pagsisisi akong nagpaubaya para sa kanya. Kasabay nang pagtigil ng kahuli-hulihang instrumento ay ang pagkakaisa ng aming mga damdamin.

Kinausap niya ako. Matabil ang kanyang bibig. Marami siyang tanong. Marami siyang gustong malaman. Siguro kasi 22 taong gulang lamang siya. Unang tanong niya: “Ilang taon ka na?” Hindi ako nagpaka-impokrita. Tinanong ko rin siya, “Kung sasabihin ko ba ang totoong edad ko maniniwala kang totoo talaga ito?” Hindi niya ako kinibo. Nainis siya sa pagiging matatat ko sa retorika. Inakbayan ko siya. Tiningnan sa mata habang magkadikit ang aming mga ilong sabay sabing, “Pasensya ka na. 37 na ako.” Hindi siya nagkomento. Alam kong ibig niyang ipahayag sa akin na nagsisisi siya. Dahil para na rin niya akong nanay at anak ko rin siya. Hinalikan ko siya sa labi, tumugon din siya. At muli, nasilayan ko ang ngiting humikayat sa akin para sumama sa kanya sa dako pa roon.

Nagpatuloy ang aming usapan. Nalaman kong ikakasal na pala siya sa edad niyang “20”. Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya sa Negros. Nang makapunta sa Boracay, may nakilala siyang isang Irish. Matanda ng dalawampung taon sa akin. Tinanong ko siya kung bakit siya nagpatali. Hindi siya nangiming sagutin ako ng deritso. “Hindi ko siya mahal. Pero sa tuwing naiisip ko ang pagpapagawa niya ng aming bahay sa probinsiya, ang ilang beses niyang padala para sa nanay at tatay  at para na rin sa akin…parang natatakot akong kapag kinalasan ko siya, mawawala na ang kasaganaang natatamasa ng pamilya ko dahil sa kanya.” Naantig ang aking puso na siyang dahilan upang ibahagi ko ang aking isinasaloob.

Humiga siya sa may paanan ko habang isinasalaysay ko sa kanya ang aking buhay. “Tatlong beses na akong nag-asawa kahit pa alam kong bawal sa propesyon ko. Yung una, binuntis ako tapos iniwan. Ok lang sa akin, wala namang kwenta yun. Pangalawa, hanggang dalawang taon lang kami. Naghiwalay lang dahil sa third party. At ang pangatlo, 70 anyos na. Pero malandi. Kahit yaya ng anak namin tinutuso.”

Napaawang siya sa kanyang kinalalagyan. Pareho kaming hindi mabuti ang buhay pag-ibig. Nagpatuloy kami sa pag-uusap hanggang sa oras na para putulin ang isang makasalanang tagpo sa aming dalawa. Ayaw kong isiping ang kasing bata niya ay totoong magmamahal sa akin. Siguro nga one-night-only lang ang lahat para sa kanya. Hinahanap na ako sa may hotel kung nasaan ang mga anak ko kaya habang mahimbing siyang natutulog ay dahan-dahan kong inayos sarili ko. Siyang pagbukas ko na sana ng pinto nang hawakan niya ang aking kamay. Umiiyak siya. Gusto niyang manatili ako. Natatakot siyang mawala ako sa kanya dahil sa akin daw niya unang natikman ang totoong hikbi ng pagmamahal. Naaawa ako sa kanya. Parang mahal ko na rin siya. Pero kakalimutan ko ba ang mga anak kong magdamag akong hinintay para lang sa kanya? Nilisan ko ang kanyang silid ngunit ramdam kong may mga matang sa loob ng glassed window ay nakagabay sa aking bawat pagtapak sa lupa.

Nagulat ako ng makita ko sa loob ng aking bag ang aking ATM card. Isinulat niya dito ang kanyang pangalan at numero. Gusto ko na siya, totoo. Pero hindi ko siya kayang saktan dahil tiwala akong malayo pa ang mararating niya sa buhay. Itinapon ko ito. Ngunit nang lumaon, sapilitan kong hinanap sa mga buhangin ang sumisimbolo ng aming pagkikita.

Bumalik ako pagkatapos ng isang taon. Wala na si Joven doon. Iba na rin ang may-ari ng resort. Hinanap ko siya sapagkat handa na akong ibigay sa kanyang ang tiwala, tatag, at pagmamahal ng aking damdamin. Ngunit, tanging lapida na lamang ang aking nabungaran.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 30, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

MaghaponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon