SOPHIA (One Shot)

23.8K 1.1K 430
                                    

SOPHIA

Unang beses pa lang kitang nakita, minahal na kita. Tandang-tanda ko pa, Linggo noon, ipinasuot sa’kin ni Mother Superior ang pinakamaganda at kulay pula kong bestida. Sinuklay pa niya ang mahaba at itim na itim kong buhok. Sabi niya, may mga tao raw na gusto akong makilala. Sabi pa niya, magpakabait daw ako, dahil kapag nagustuhan daw nila ako, sila na raw ang magiging bagong pamilya ko.

“Hija, ito sina Mr. and Mrs. Sebastian at ‘yung batang ‘yun na nagpapalipad ng eroplano, siya si Carlos, anak nila. Labindalawang taon na siya, matanda siya sa’yo nang dalawang taon.”

Mula ng oras na iyon, hindi ko na maialis ang mga mata ko sa’yo. Kaya sinunod ko ang bilin ni Mother Superior. Nagpakabait ako. Nagpakabait ako, para sa’yo.

Pagkatapos ng ilang linggo, bitbit ang maliit at lumang bag ko, na laman ay iilan at mga lumang damit ko, sa unang pagkakataon, nakatapak ako sa bahay niyo. Humahangos ka pa pababa ng hagdan, kitang-kita ko ang excitement mo na makita ako.

“Hi I’m Carlos!” pakilala mo, kahit na alam ko na ang pangalan mo, at kabisado ko na ang bawat letra na bumubuo rito. Sa araw-araw ba naman na isinusulat ko ito sa mga huling pahina ng notebook ko. Inilahad mo pa ang palad mo para kamayan ako. Sa unang pagkakataon, nahawakan ko ang kamay mo.

Kinuha mo ‘yung bag ko, sabi mo ikaw na ang magdadala at ipapakita mo sa’kin ang magiging kwarto ko. Pero kahit na may sarili akong kwarto, tuwing gabi mas pinipili kong pumunta sa kwarto mo, at matulog katabi mo. Ang sabi ko sa’yo, hindi ako sanay matulog mag-isa, natatakot ako. Nagsinungaling ako.

Nalaman nina Mama at Papa ang lihim na pagpunta ko sa kwarto mo. Nagalit sila. Pero sa ating dalawa ikaw ang mas kinagalitan nila. Hindi raw pwede na sa iisang kama lang tayo, lalo na at dalaga na ako. Ilang buwan kong iniyakan iyon. Nasanay na ‘ko na bago tayo matulog kinukwento mo sa’kin lahat ng nangyari sa’yo maghapon. Kabisado ko na lahat ng gusto mo, lahat ng ayaw mo. Pagdating kasi ng umaga sinusulat ko lahat ito sa diary ko. Ayoko na may makakaligtaan ako. Naiinis ako kapag hindi ko nagagawa ito. Parang kasalanan ang hindi makapagsulat sa diary ko ng tungkol sa’yo. Dahil dito, nakaramdam ako ng inis kina Mama at Papa, pakiramdam ko inilalayo ka nila sa’kin.

Akala ko sina Mama at Papa lang ang ganun, pati pala mga kaibigan mo. Dumalas ang pag-uwi mo ng gabi. Sabi mo may school project kayo, pero alam ko, nagsisinungaling ka lang. Narinig ko ang usapan niyo ng kaibigan mong si Gilbert. Maglalakwartsa lang kayo.

Isinumbong kita kina Mama at Papa. Pinagalitan ka nila kaya nagalit ka sa’kin. Unti-unti nilayuan mo ako. Hindi mo na ‘ko pinapansin kahit magkasalubong tayo. Kahit tayong dalawa lang ang naiiwan sa bahay pakiramdam ko mag-isa lang ako.

Pinilit kong makipag-ayos sa’yo. Binasa ko ang buong diary ko, lahat ng nakasulat doon na gusto mo, binalak kong ibigay sa’yo. Nag-umpisa ako sa kauna-unahang bagay na sinabi mo sa’kin noon, ‘yung robot na gusto mo pero hindi ibinigay ni Papa sa’yo. Binili ko ‘yung robot galing sa ipon ko. Medyo mahal pa ang pagkakabili ko dahil wala nang nabibiling ganun sa mall. Pero nang ibigay ko iyon sa’yo. Pinagtawanan mo lang ako ang sabi mo pa sa’kin “Anong akala mo sa’kin, bata? Hindi na ko madadaan sa ganyang suhol.” Tinalikuran mo ako, binalewala mo ‘yung pinaghirapan ko. Sa unang pagkakataon sinaktan mo ang damdamin ko. Sa sobrang sakit, buong gabi akong umiyak, wala akong pakialam kahit may makarinig. Sa bagay tayong dalawa lang noon sa bahay, at kahit marinig mo baka baliwalain mo rin naman. ‘Yan ang naisip ko, pero nagkamali ako. Nakarinig ako ng pagkatok sa pinto ng kwarto ko, at narinig ko ang pagtawag mo sa pangalan ko. Dali-dali kong binuksan ang pintuan kahit luhaan pa ako. Nag-sorry ka, sabi mo nabigla ka lang sa mga nasabi mo. Ang sagot ko naman, patatawarin lang kita kung pagbibigyan mo ako sa hihilingin ko.

“Sige, ngayong gabi lang,” pagpayag mo.

Sabay tayong pumasok sa kwarto ko. Nauna akong humiga sa kama ko, inilagay mo agad ang kumot sa ibabaw ko. Hinalikan mo ako sa noo at sinabing matulog ako nang mahimbing dahil hindi mo ako iiwan at nasa tabi lang kita. Pagkatapos noon, dahan-dahan kang humiga sa tabi ko. Dahan-dahan ko naman ipinikit ang mga mata ko, at humiling na sana hanggang sa panaginip samahan mo ako.

Akala ko wala nang katapusan ang ligaya ko dahil nagka-ayos na uli tayo. Parang mas naging malapit pa nga tayo sa isa’t-isa. Ngunit may isang taong nais na sumira muli rito. Nagulat na lang ako nang isang gabi, umuwi ka at may kasama kang babae. Pinakilala mo siya sa’min. Si Andrea. Pangalan pa lang ayoko na sa kanya. Ano bang meron sa kanya na wala sa’kin? Ano bang kaya niyang gawin na hindi ko kaya? Kung may alam siya na hindi ko alam, handa ko namang aralin.

Lalo kong inayawan si Andrea nang hindi lang atensyon mo ang kinuha niya, pati kina Mama at Papa. Sa tuwing kakain tayo ng hapunan hindi pwedeng hindi siya mapag-uusapan. Ang galing ni Andrea sa ganito, sa ganoon. Lahat na ata ng papuri na pwedeng ibigay sa isang tao nasabi na nila. Lahat naman ng kayang gawin ni Andrea, kaya ko rin naman ah? Wala namang espesyal sa kanya. Hindi naman siya tulad ko na lahat ng ayaw mo, ginagawan ko ng paraan, inilalayo ko sa’yo.

Tulad na lang ng alagang tuta ni Mrs. Sandoval na sinira ‘yung project mo. Alam mo bang ako ang may gawa kaya ilang araw na mabaliw-baliw si Mrs. Sandoval sa paghahanap sa kanya. Samantalang nasa loob lang naman ng bakuran niya ‘yung aso niya. Naging pataba pa sa mga halamang tanim niya. Naalala mo rin ba na sinabi mo noon sa’kin na ayaw mo nang pumasok sa computer subject niyo dahil kay Mr. dela Rosa, ‘yung baklang teacher na manyakis na may gusto sa’yo. Ilang araw ko siyang minatyagan, at kitang-kita ko kung paano ka niya tignan. Tingin pa lang niya para ka na niyang hinuhubaran. Nakakadiri siya. Masyadong makasalanan ‘yung mga mata niya. Kaya nga iyon ang una kong tinanggal sa kanya. Sunod ‘yung mga kamay niya, nakita ko rin kasi kung paano ka niya haplusin sa mga balikat mo, tuwing lalapit siya sa’yo at kunwaring titignan kung tama ba ‘yung ginagawa mo sa computer. At pinakahuli ‘yung maselang parte ng katawan niya, inabutan ko kasi siya sa bahay niya na nagpapaligaya sa sarili habang nakatitig sa larawan mo. Doon talaga nag-init ang ulo ko, ang plano ko lang naman pagsabihan siya, kaso ‘di ako nakapagpigil, ayun napatay ko siya.

Ngunit kung noon, mga ayaw mo ang ginagawan ko ng paraan para mailayo sa’yo, nagbago ‘yun nang dumating si Andrea sa buhay mo. Sa unang pagkakataon, kahit gusto mo, inilayo ko sa’yo. Hindi kasi maganda ang dinulot niya sa atin. Sinisira niya tayo. Masaya naman tayo noon kahit wala siya. Kaya kahit mawala siya, sa tingin ko ayos lang.

Pero ang pagkawala niya, naging dahilan nang labis na kalungkutan mo. Ako ang naging takbuhan at naging sandalan mo nang mga panahong lugmok na lugmok ka. At sa gitna nang kalungkutan mong iyon, pinaligaya mo naman ako, nang pagsaluhan natin ang isang gabing hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko. Pero kinabukasan bakit bigla kang nagbago, parang pinandirian mo ako. Ano bang nagawa kong mali sa’yo? Lahat na naibigay ko, pero bakit parang kulang pa rin?

Tanggap ko kung ako lang ang ayawan mo, pero bakit pati ang batang dinadala ko sa sinapupunan ko? Siya ang bunga ng pagmamahalan nating dalawa. Siya ang pinakamagandang regalo na maaari kong maibigay sa’yo. Pero bakit ayaw mo sa kanya?

Hindi ka man lang nagpaalam na aalis ka. Kina Mama at Papa ko na lang nalaman na hindi ka na rito sa bahay titira. Nagmakaawa ako sa kanila na ipaalam sa’kin kung nasaan ka, pero nagmatigas sila. Para raw sa ikabubuti natin ‘tong dalawa. Ano bang alam nila? Wala silang alam! Ako lang ang nakakaalam ng makakabuti sa’ting dalawa.

Kaya nakapagdesisyon ako. Kung hindi man tayo dito magkakasama-sama, sa kabilang buhay na.

Nauna na nga sina Mama at Papa. Ako ang sumira ng sasakyan nila, kaya nawalan ‘to ng break at naging dahilan para tumama sila sa likuran ng truck na nasa harapan nila. Pinauna ko sila para may sasalubong sa’tin kapag sumunod na rin tayo sa kanila.

Ngayon patapos na ang sulat ko, unti-unti ko nang nararamdaman ang panghihina at pagkahilo. Umeepekto na ‘yung gamot na ininom ko. Ikaw ba nakakaramdam na rin ng ganito? Nilagyan ko ng lason ang bawat pahina nitong sulat ko. Huwag kang mag-alala, unti-unti ka lang namang aantukin at paggising mo, kasama ka na rin namin.

Hihintayin ka namin mahal. Hanggang sa muli nating pagkikita.

Nagmamahal,

Sophia 

SOPHIA (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon