Hindi Ko Sinasadya

444K 11.7K 2.4K
                                    

Denny's note: One shot lang po ito, hihi, enjoy reading! Will update One Bad Move and The Most Painful Ending next week :* <3

“Hindi Ko Sinasadya”
isinulat ni Haveyouseenthisgirl

Hindi ko talaga sinasadyang itulak ka palayo sa akin. Bumalik ka na, parang awa mo na.

"Miss, kailangan mo ba ng tulong?"

Tanda ko pa ang mga unang salitang sinabi mo sa akin, inalok mo ako ng tulong, hindi mo tinanong sa akin "kung ok lang ba ako" dahil alam mo na agad na hindi ako ok, alam mo na agad na oo, kailangan ko ng tulong.

Umiiyak ako noon mag-isa sa likod ng paaralan natin nang lumapit ka sa akin, una kong nakita sa'yo ay ang kamay mong nakalaan sa akin at sumunod doon, pag-angat ko ng aking ulo, ay ang mabait at may pag-aalala mong mukha. Hindi ko inabot ang kamay mo dahil wala na akong tiwala noon sa mga tao, lahat sila sinasaktan ako, lahat sila pinapaiyak ako. Pero kahit hindi ko tinanggap ang kamay mo ay hindi ka umalis sa tapat ko, umupo ka pa upang mapantayan ang nakayuko kong mukha.

"Tahan ka na, nandito na ako."

Hindi ko tinanggap ang tulong mo pero patuloy mo pa rin akong inaalok. Ang kulit mo, sobrang kulit mo na nakakainis ka na.

Pero salamat ha, hindi ka kasi sumuko sa akin. Hindi mo ako iniwan, hindi mo ako sinaktan. Ipinagtanggol mo ako sa mga nambubully sa akin, pinatigil mo ang mga luha ko. Ibinalik mo ang tiwala ko sa mga tao, ibinalik mo ang mga ngiti sa mukha ko. Tinulungan mo ako.

Naging mabuting magkaibigan tayo, masayang masaya ako kapag nandyan ka. Nabago ang buhay ko. Pero hindi ko inakalang hindi pa pala tapos ang pagbabago sa buhay ko.

Hindi ba't palagi mong pinupuri ang boses ko? Ang sabi mo ang ganda nito, malamig at ang sarap sa pandinig. Tuwing tayong dalawa ang magkasama lagi mong hinihiling sa akin na kantahan ka, gagawin ko naman at sa tuwing matatapos ako sa pagkanta makikita na lang kitang nakapikit. Pagmamasdan ko na lang tuloy ang mahahabang pilik ng iyong mga mata, ang matangos mong ilong, ang mapupulang labi mo, at papakinggan ko na lang ang mahina mong paghinga habang ang himbing na ng iyong tulog.

Isang araw, nakita natin ang isang poster sa daan, naghahanap ito ng isang magaling na mang-aawit upang maging vocalist ng isang banda. Hindi ko sana papansinin iyon kung hindi mo ako pinilit na mag-audition doon. Sabi mo, "Sige na, katuwaan lang."

Sa katuwaang iyon, natanggap ako. Naging vocalist ako ng bandang iyon, tuwang-tuwa ka, mas natuwa ka pa kesa sa akin. Isang gabi habang tumutugtog kami ng bandang iyon ay may lumapit sa aming kilalang agency, ang sabi ay pasisikatin daw kami at tutulungan kaming mag-release ng official album at mag-debut sa tv. Nang malaman mo iyon, niyakap mo ako nang sobrang higpit umabot hanggang puso ko ang kasiyahang nararamdaman mo para sa akin.

Ang sabi mo ikaw ang number one fan ko magpakailanman. Ang sabi mo hinding hindi mo ako iiwan, susuportahan mo ako kahit anong mangyari, nandyan ka lang palagi sa tabi ko. Totoo iyon, naniniwala ako sa'yo.

Pero sorry... sorry talaga, kinalimutan kita.

Pagkatapos naming mag-debut sa tv, nag-top 1 ang mga kanta namin, bumenta ng sobrang dami ng album namin, dumami ang fans namin, dumami ang concerts namin at tv guestings, nawalan na ako ng oras para sa'yo.

Nalunod ako.
Nalunod ako sa sobrang dami nila.

Dati sa tuwing kumakanta ako, nasa tabi lang kita, napapagmasdan ko pa ang mga pilik ng mga nakapikit mong mga mata, naririnig ko pa ang mahina mong paghinga pero ngayong marami nang nakikinig sa boses ko, hindi na kita makita, hindi na kita marinig sa lakas ng mga sigaw nila.

Nasaan ka na?

Alam kong hindi mo ako iniwan tulad ng pangako mo, alam kong ginawa mo ang lahat para makita ako sa kabila ng mga bodyguard na tumutulak palayo sa'yo. Alam kong ikaw pa rin ang number one fan ko at sinusuportahan mo ako tulad ng pangako mo sa kabila ng libu-libong fans na tumutulak, naniniko, at nakikipag-unahan sa'yo makuha lang ang atensyon ko.

Alam kong noong mga panahong iyon na lahat ng oras mo ay nakalaan para sa akin, alam kong araw-araw ako ang laman ng isip mo at alam kong miss na miss mo na ako pero sorry talaga, nalunod ako sa pinakaila-ilaliman. Tuluyan na akong nawalan ng oras para sa'yo. Hindi kita naalala ni minsan, hindi kita na-miss. Wala kang ginawa kundi mahalin ako at wala naman akong ginawa kundi saktan ka.

Tinulungan mo ako, samantalang ako ay pinabayaan ka.

Ang sama ko, kahit ako ayaw ko na sa sarili ko.

Narinig ko nabangga raw ang taxi na sinasakyan mo, pauwi ka na raw galing sa isang restaurant kung saan nagpa-reserve ka ng table, ng mga kakanta, ng cake at napakagandang regalo para sa kaarawan ng taong hindi ka naman sinipot noong gabing iyon.

Sa mga oras na naghihingalo ka, masayang nakikipagdiwang ako sa inihandang surprise party ng mga ka-banda ko at ng mga VIP na tao na nakilala ko sa kasikatan ko.

Sorry, nakalimutan kong inimbitahan mo nga pala ako sa araw ng kaarawan ko.

Kung pumunta ako, kung hindi kita kinalimutan, hindi mangyayari iyon diba? Buhay ka pa rin sana, diba? Makikita pa rin sana kita, diba? Maririnig ko pa rin ang boses mo, diba?

Kung naalala lang kita noong gabing iyon edi sana hindi ako umiiyak ngayon nang walang humpay.


Ano bang nangyari sa akin? Sa atin? Ang saya-saya natin dati, bakit kasi ginawa pa natin ang "katuwaan" na iyon?! Wala sanang nabago, hindi sana tayo magkakahiwalay nang ganito.


Nagsimula tayong umiiyak ako, nagtapos tayong umiiyak pa rin ako.


Sa pagkakataong ito, wala ka na sa harap ko. Wala nang tutulong sa akin.

Hindi ko sinasadyang magkaganito tayo. Patawad.

[ WAKAS ]

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 14, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hindi Ko SinasadyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon